1 Juan 4:4 Kayo'y sa Dios, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka't lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan.
Sa 1 Juan 4, binanggit niya ang anticristo na laban sa mga aral ni Cristo. Hindi lahat ng mangangaral na inyong maririnig sa radyo, napapanood sa TV o nababasa sa aklat ay tama. Dahil dito kailangang suriin kung ito ay tama o mali, 4:1.
Paano mo makikilala kung ang aral ay mula sa mga anticristo (na foreshadowing ng darating na endtime Antichrist)? Tingnan ninyo ang kaniyang Cristolohiya (4:2-3). Kapag mali ang Cristong kanilang pinapangaral (gaya ng laganap na aral nang panahon ng mga apostol na iba ang Jesus sa Cristo at ang Cristo ay hindi maaaring maging tao, atbp), alam mong ito ay galing sa anticristo. Ibang Cristo ang kaniyang dala. Nangangahulugan ito ng ibang kaligtasan. Nangangahulugan ito ng ibang espiritu (hindi Espiritu Santo).
Paano natin maiiwasan ang mga aral na ito? May Espiritu Santo na nananahan sa atin na mas dakila at makapangyarihan kaysa sa espiritu na nasa sanlibutan. Ang mga taga-sanlibutan ay nakikinig sa kanilang maling aral dahil iisang espiritu ang nananahan sa kanila. Ngunit ang Cristianong lumalakad sa Espiritu ng Diyos ay maiiwasan ang mga kamaliang inaaral ng espiritu ng sanlibutan.
Sa sandaling ang tao ay manampalataya kay Cristo, ang Espiritu Santo ay nananahan sa Kaniya. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Espiritu ay binabago ang ating espirituwal na buhay upang lumago tayo sa maturidad ni Cristo. Ang Salita ang kasangkapang ginagamit ng Espiritu upang palaguin ang Cristiano.
Ano ang praktikal na aplikasyon ng katotohanang ito? Una, ito ay garantiya na ang Cristiano ay may dibinong Mentor na gagabay sa kaniya upang makilala at maiwasan (at kung tawag ng panahon) at masupil ang mga maling aral. Ang kapangyarihan ay hindi sa ating sariling galing kundi sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ikalawa, ang katotohanang ang Espiritu Santo ay nasa atin ay nangangahulugang hindi tayo kayang igupo ng mga masasamang espiritu. Kung minsan sa kagustuhang dayain tayo ng mga demonyo, marami silang ginagawang kababalaghan o katatakutan, ang layon ay ilayo tayo sa simplisidad mg pananampalataya at kumapit sa kulto at okulto, ngunit ang Espiritu ay nariyan upang ingatan tayo. Kung conscious tayo ng pagkilos ng Espiritu, mahaharap natin anumang pandaraya ng mga demonyo dahil ang Espiritu ay mas makapangyarihan ay mas dakila kaysa kanila (by an infinite mile!).
Hindi tayo mga batang iniwan ng Ama sa isang hostile world. Ang Diyos, sa Persona ng Espiritu Santo, ay kasama natin upang harapin ang anumang maling aral na gustong ipakalat ng kaaway. Narito Siya upang tulungan tayong mag-isip at isakatuparan ang kalooban ng Ama. Ang tanging tanong ay, "Handa ba tayong isuko ang ating sarili sa Kaniyang kontrol?"
Manatiling nakapokus sa doktrina. Ito ang paraan upang manatiling ang Espiritu ang kumokontrol sa ating kaluluwa. Manatiling nakapokus sa biyaya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment