Ayaw makinig dahil may preconception

 


Kawikaan 1:24 Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig.

Isa sa mga hadlang sa matagumpay na pagkaunawa ng Kasulatan ay ang ating mga preconception. Marahil dala ng ating religious tradition, religious training or experiences and upbringing, nagdadala tayo ng mga preconceived notions sa Kasulatan. The truth is LAHAT tayo ay may preconception. Hindi iyon maiiwasan. Bago tayo lumapit sa teksto, mayroon na tayong ideya kung ano ang ibig nitong sabihin dahil sa narinig natin sa sermon, tinuro sa seminaryo o resulta ng ating experiences. 

Ang isyu ay kung hahayaan natin ang ating mga preconception maging hadlang upang maunawaan ang sinasabi ng Kasulatan. 

Madalas itong makita sa mga lumaki sa works salvationists religions. Mahirap sa hindi mananampalataya ang mabasa ang Juan 3:16 o Gawa 16:31 nang walang pagtutol dahil buong buhay niya tinuruan siyang kung gusto mong makakuha ng ginhawa, kailangan mo itong pagtrabahuhan. Sa paaralan, kailangan mong magtrabaho para magkaroon ng mataas na marka at parangal sa pagtatapos ng taon. Sa trabaho, kailangan mong magsipag para ma-promote at tumaas ang sahod. Sa simbahan kailangan mong gumawa ng mabuti upang maging karapatdapat sa harap ng Diyos. Buong buhay mo tinuruan kang gumawa, gumawa at gumawa. 

Kaya kapag nabasa mo ang mga pangakong ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan o ang manampalataya ay maliligtas o naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya hiwalay sa mga gawa, mayroong pagtatalo sa isipan dahil ito ay against sa kinalakihan natin. Either outright rejection sa Biblia at mananangan sa sinasabi ng kinagisnang relihiyon o kaya naman ay ire-reinterpret ang sitas upang sa kabila ng katotohanang sinabi ng Efeso 2:8-9 na hiwalay sa gawa ay mayroon pa ring gawa. Mahirap ma-overcome ang pagtutol na ito hiwalay sa convicting ministry ng Espiritu Santo. 

Ang malungkot kahit sa mga mananampalataya ay laganap ang ideyang ito. Maraming mananampalatayang naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (at buong tapang nilang ipapahayag ito) ang nananangang maaari itong maiwala. Na kailangan mong magtiis hanggang sa katapusan dahil kung hindi, hindi ka talaga tunay na ligtas. Bagamat naniniwala akong ang mga ito ay ligtas (dahil sila ay nanampalataya lamang jay Cristo lamang), ang kanilang preconception na mahalaga ang gawa upang manatili o patunayang ligtas ay nangangahulugang sila ay walang katiyakan ng kaligtasan. Dahil dito habambuhay silang alipin ng performance-ism. Natatakot silang kapag hindi nagsimba, hindi nag-abuloy o hindi nag-share ng gospel, mawawala ang kaligtasan o kaya patunay na hindi talaga sila ligtas. Nakalulungkot dahil ang mamuhay nang walang kasiguruhan at katiyakan ay isang depressing na pamumuhay. 

Ang mas malungkot, maraming pastor ang nanghahawak sa parehong preconception. Makikita ito kung paano nila ipaliwanag ang ilang teksto. Bagamat nanghahawak sa free grace salvation at eternal security (once saved, always saved), kapag nagpapaliwanag sila ng teksto, hinahayaan nila ang preconception na kumulay at makaapekto sa kanilang pagkaunawa ng Kasulatan. Isang halimbawa ay ang salvation of the soul. Dahil sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, madalas itong gamitin sa kaligtasan mula sa impiyerno ("Ligtas na ba ang iyong kaluluwa?"), kapag binasa ang mga tekstong gaya ng Mateo 16:25-26 o 1 Pedro 1:6-7, ang unang iniisip ay patungkol ito sa kaligtasan mula sa impiyerno, never mind kung ang nakapalibot na mga teksto ay malinaw na humihingi ng mga gawa. Sa halip na makita ang mga teksto sa liwanag ng discipleship and rewards, pinipilit ang evangelistic na paliwanag sa mga ito. Ang resulta ay isang malabong paliwanag na gumagamit ng mental gymnastics, maipilit lang. 

As an intepreter, hindi maiiwasan ang preconception pero malilimitahan ito kung magbibigay tayo ng atensiyon sa konteksto. Sino ang nagsasalita, sino ang kausap at bakit at higit sa lahat ano ang kinalaman nito sa pangkabuuang mensahe ng libro. Ang kakulangan ng atensiyon sa mga detalyeng ito ay nangangahulugang tayo ay magiging habambuhay na alipin ng kapritso ng pastor. Kung ano ang gusto niyang sabihin, siya na ang tama. Huwag ninyong hayaan ang loyalty sa isang pastor maging dahilan upang hindi kayo mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?