Puno ng Kapaitan
Hebreo 12:15 Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami.
Naranasan mo na bang magtanim ng punong kahoy na umaasang ang bunga ay matamis, ngunit nang mamunga ay napakapait? Marahil punong puno kayo ng disappointment. Marahil inisip mong sayang ang paghihintay; sana pinutol mo na lang at ibang puno na lang ang iyong iningatan.
Ang tao ay tila puno na maaaring maging mapait. Ang mapait na tao ay hindi masayang kasama dahil gaya ng sinasabi sa ating sitas nakakahawa sila.
May mga taong kapag nakasalamuha mo ay umaalis kang mas masaya at mas puno ng enerhiya. Punong puno sila ng buhay na hindi mo maiwasang hindi mahawa ng kaniyang positibong pananaw.
Bilang mga Cristianong naligtas sa biyaya ng Diyos at tagatanggap ng masaganang biyaya ng Diyos, tayo ang dapat pinakapositibong tao sa buong mundo. Mahirap maging mapait kung alam mong ikaw ang tagapagmana ng Diyos.
Ngunit nakalulungkot na may mga Cristianong tila puno ng kamatayan. Iisipin mong sila ay inutangan o kaya ay sinampayan ng mabaho dahil ang kanilang mukha ay puno ng kapaitan. Ilang minutong kasama sila at hinihigop ang anumang natitirang kasiyahan sa iyong pagkatao.
Hindi sila masayang kasama.
Punong puno sila ng kapaitan hindi mo maiwasang tanungin ang iyong sarili, “Ano ang nangyari at nagtulak sa iyo sa kapaitang ito?”
Sa v14, pinaalalahanan ng may-akda ng Hebreo na magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng mga tao. Nangangahulugan itong ibilang ang iba na mas maigi kaysa sa sarili. Nangangahulugan ito ng sakripisyo (basta ang sakripisyo ay hindi lumalabag sa Kasulatan). Nangangahulugan itong kung ikaw ang hadlang sa kapayapaan ng kapatid, magbigay -daan ka alang alang sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa (peace of mind).
Huwag ninyong gayahin ang kwento ng dalawang barkong parehong lumubog dahil ang kanilang mga kapitan ay tumangging magbigay-daan sa bawat isa. Mas lalong huwag ninyong tularan ang taong palulubugin ang barko dahil lamang sa hindi siya ang kapitan.
Ang kawalan ng kapayapaan ang isa sa mga susi ng kapaitan. Ang taong hindi payapa sa kaniyang sarili ay hindi marunong makipagtalastasan sa iba na tinuturing niyang mga lorong dapat ulitin ang anumang gusto niyang marinig.
Dahil sa ang kapayapaang ito ay nasa loob at hindi nasa panlabas na sirkumstansiya, ang pagbabago ng tirahan o trabaho ay hindi makakasolusyon dito. Lumipat ka man ng tirahan, paaralan o trabaho, hangga’t dala mo ang kapaitan sa iyong buhay, hinding hindi ka magkakaroon ng kapayapaan.
Ang solusyon sa kapaitang ito ay biyaya ng Diyos. Kapag naaalala mong ikaw ay isang pulubing pinakitaan ng Diyos ng kagandahang-loob, maibibigay mo sa iba ang biyayang ito. Ang mga aliping nakalimutang pinatawad sila ng utang na hindi niya kayang bayaran, ay ang mga taong mapait sa pakikipag-ugnayan sa iba.
Dahil nalimutan nilang resipyente sila ng biyaya, hindi nila maipasa sa iba ang biyayang ito. Hindi nila kilala ang biyaya kahit pa nakatutok ito sa kanilang mukha.
Kapag nakalimutan ang biyaya ng Diyos, mag-uugat ang kapaitan at makalilimutan ang kapayapaan.
Ang masaklap, ang kapaitan ay nakakahawa. Kawawa ang mga taong biktima ng kapaitan dahil sila ang sasalo ng pait na dapat ay sa kape lang nalalasahan.
Marami ang masasaktan ng kapaitan at ang mga ito sa kanilang bahagi ay magiging mapait naman sa iba. Ito ay siklong patuloy-tuloy lang.
Tanging biyaya ng Diyos ang makapuputol sa siklo ng kapaitan. Ang taong hindi kilala ang biyaya ay ipipilit lagi ang sarili kahit sa halaga ng kaniyang kapatid.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag hayaang kainin ng kapaitan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment