Kung may ginawa ako sa inyong mali, sabihin ninyo na



1 Samuel 12:3 Narito ako: sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang pinahiran ng langis: kung kaninong baka ang kinuha ko? kung kaninong asno ang kinuha ko? o kung sino ang aking dinaya? kung sino ang aking pinighati? o kung kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin ang aking mga mata niyaon? at aking isasauli sa inyo.

Sa 1 Samuel 8, humiling ang Israel ng hari kay Samuel. Ayaw na nilang magpasakop sa propeta o sa kaniyang pamilya at gusto nilang maging kagaya ng ibang mga bansa na may visible na haring namumuno. Hindi na sila kontento sa indirektang paghahari ni Yahweh sa pamamagitan ng Kaniyang mga propeta. 

Sa 1 Samuel 9-10, hinirang ng Diyos sa pamamagitan ni Samuel, si Saul bilang unang hari ng nagkakaisang Israel. Bago sa kaniya may mga lokal na haring nagdeklara ng kanilang sarili bilang hari gaya ni Abimelech na anak ni Gideon, ngunit siya ang pinakaunang pinili ng Panginoon at ang pinakaunang ang paghahari ay nasyonal at hindi rehiyonal. Sa 1 Samuel 11, nasubok ang bagong hari nang ipagtanggol at palayain niya ang Jabesh-Gilead mula kay Haring Nahas ng mga Amonita. 

Sa 1 Samuel 12, tuluyang binitawan ni Samuel ang sibil na kapangyarihan upang ibigay sa bagong hari ang pormal na kapangyarihan. Sa isang nakapangyarihang talumpati na inabutan ng ulan at kidlat, hinamon ni Samuel ang kaniyang tagapakinig kung mayroo siyang ginawang anomalya sa kaniyang pamumuno, magsalita na. 

Gayon din naman pormal ko nang binibitawan ang anumang posisyun ng pagtuturo at pamamahala sa simbahan ng Dahat at Amoguis. Pormal ding binibitiwan ng sinuman sa aking pamilya ang anumang posisyun sa simbahan, mapa-youth organization man o substitute preaching. Pormal ko na ring sinusuko ang pamamahala sa Dahat upang ipagkaisa sa Amoguis at mapag-isa ang lahat sa ilalim ng isang pamamahala. Gaya ni Samuel, hinahamon ko ang mga kapatid ng PCBC, kung mayroon kayong sumbong laban sa aking pamamahala, magsalita na kayo. 

Sino sa inyo ang aking ninakawan? Kung mayroong pagkakataon na ginamit ko ang aking posisyun bilang guro ng Biblia upang makakuha ng materyal na bagay mula sa simbahan, magsalita na kayo. Sabihin ninyo ang sumbong laban sa akin. Sa lahat ng perang pinagkatiwala ninyo sa akin gaya ng abuloy sa mga youth activities, pautang ng simbahan o budget ng choir, tinuos ko ang bawat baryang pinagkatiwala ninyo sa akin. Ni-normalize ko ang transparency sa reporting ng pera. Regulat ako sa inyong nagpi-financial report, at dinidikit ko sa dingding ng simbahan for your perusal ang scrutiny, ang printed financial report with my signatures and when able, photocopied receipts. Kung may mga panahong hindi nagta-tally ang pumasok at gastos, gaya ni Jacob sa Genesis 31:38-39, ako ang sumalo ng kalugihan. Inabonohan ko ang anumang kulang. Ni pisong duling wala akong kinuha upang ipambili ng kape. So kung may sumbong kayo patungkol dito, magsalita na kayo. 

Sino sa inyo ang aking inagrabyado? Sino rito sa inyo ang aking inabuso habang nagtatago sa likod ng posisyun sa simbahan? Sino ang aking hiniya sa mga kapatid, pinagkwento sa iba o siniraan sa harap ng kapatiran? Kahit nang tsinismis ako na gusto kong agawin ang simbahan, hindi ko binago ang pakikutungo sa inyo dahil ang sabi sa Kawikaan, hayaan mong matipon ang mga baga sa kanilang mga ulo. Sa halip, ako ang lumayo at umiwas. Sa nakaraang taon lumakad ako na tila humahakbang sa bubog, upang hindi makaapak sa paa ng mga kapatid. May mga panahong sinagot ko ang mga pinupukol sa akin but for the most part, hinayaan ko lang ang mga ito. Kung mayroon akong inagrabyado magsalita na kayo. 

Sino sa inyo ang mag-aakusa sa aking tamad ako sa aking trabaho na magturo at mamuno sa inyo? Kahit dumaraan kami ng personal na pagsubok, hindi namin ito ginamit na hadlang upang maglingkod. Kahit single dad ako ng dalawang taon dahil ang asawa ko ay nagtrabaho sa Saudi, habang nag-aaral ako ng masteral at nagtuturo pag weekdays, ginampanan ko ang obligasyon kong magturo habang pinagsasabay ang pag-aaruga sa aking mga anak. Nang magkasakit si tatay, at ako at ang aking pamilya ay trangkasado noong pandemic, naglipat-lipat ako sa pag-aalala kay tatay at pag-aaruga sa simbahan. Solo-solo kong ginampanan ang papel ng inyong pinuno dahil may covid ang ating pastor, trangkasado at may prostate enlargement ang isa nating diakono, at ang isa pang diakono ay may personal na trahedyang hinaharap. Kahit madilim na, matapos bantayan si tatay, kahit walang kasama ang aking mga anak sa bahay, binantayan ko ang inyong mga burol at libing. Kasagsagan ng ulan sumugod ako kasama ang isang kapatid upang ipaalam sa mga kapatid sa Maysuwa ng suspensiyon ng Bible studies nang ilang linggo. At nang magbalik tayo sa regular na Bible studies, mag-isa akong nagbukas ulit nito. Kahit nang tamaan ako ng tuberculosis, hindi ito naging hadlang upang maglakad sa init at sa ulan sa Palayan at Maysuwa. Hindi ako tumigil magturo sa Dahat at Amoguis. Ni hindi nga ninyo nalamang nagka-TB ako until months after na ako ay makarekober. Nang iwan sa akin ang Dahat, iilan na lang ang dumadalo, walang choir, iilan ang prep school at walang mga gamit. Sa tulong ng aking biyenan at ng mga matanda ng Dahat, lumaki ang attendance, lumaki ang prep school, nagkaroon ng choir and for awhile maraming manunugtog ang worship service, at nakatipon tayo ng mga mangko, upuan, lamesa, mga gamit sa pagluluto, solar lamp, orasan, lagayan ng organ/piano, mga songbooks para sa congregation at choir, mikropono at mga gamit ng bata sa prep. Nagkaroon ng sistema ng pagtuturo ang prep school, nagkaroon mg choir practice, for awhile nagpaandar tayo ng soup kitchen, nagtrain ng mga lalaki upang magturo sa first service ng Dahat, bumuo ng girl singing group at nagsagawa ng mga tracts distribution at house to house evangelism. Nagkaroon ng quarterly luncheon and fellowship at Lord's Supper. Binanggit ko ang mga ito upang patunayan sa inyo na hindi ako naging tamad nang ako ang inyong guro at pinuno. Gaano man ako kapagod sa eskwelahan, lagi akong may puwang sa simbahan dahil mahal ko ang simbahan. Kung may kulang pa akong ginawa, magsalita kayo. At magpapaliwanag ako. 

Ginamit ko ba ang aking posisyun upang paburan ang aking pamilya? Magsalita kayo. Nang tinanggap ko ang pagtuturo sa inyo, kahit ang aking pamilya ay nakibahagi sa trabaho ng Panginoon. Ang aking mga anak at ang aking asawa ay naging bahagi ng anumang gawain ng simbahan. Ang mga obligasyon na dapat ang asawa ng pastor ang gumawa, ginawa ng aking asawa. Kahit gabi, ang aking mga anak ay nagplano, naghanap ng budget, nagsagawa ng activity at tinapos ito kahit kung minsan walang ibang dumarating. Dahil lingkod ako ng simbahan, sila ay naging lingkod din. Kung inabuso ng aking pamilya ang aking posisyun ng pagiging guro ng Biblia, magsalita kayo at pananagutin ko sila.

Inabuso ko ba ang aking mga manggagawa? Sinuportahan ko ang aking mga manggagawa. Linggo-linggo nandiyan ako upang samahan ang choir, print-an ng activities ang mga prep school at i-distribute ang kapangyarihan sa mga matatandang lalaki ng simbahan. Hindi ko sinarili at sinolo ang pulpito kundi kung sinong lalaki ang nais magturo, ako pa ang gumagawa ng kanilang sermon. Bagama't maaaring hindi, pero gaya ni Pablo sa Gawa 20:34, anumang nakuha kong honoraryo sa simbahan ay binahagi ko sa aking manggagawa. Kung kulang ang honorarium, nagdaragdag pa ako bilang pagkilala sa malaking tulong na kanilang binigay sa pagtuturo. Binilhan ng mga gamit panugtog, lapel at mikropono ang mga mang-aawit ng simbahan. Kung may pang-aabuso akong nagawa sa aking mga manggagawa, magsalita kayo at ako ay sasagot. 

Sa mga miyembro ng aking kongregasyon, may ginawan ba ako sa inyo ng mali? Ang inyong mga anak at apo ay tinuring kong anak at apo. Ang inyong matatanda ay tinuring kong matatanda. Mula bata hanggang lola, sinikap kong magi kayong aktibong miyembro ng simbahan. Kung napabayaan ko kayo, magsalita kayo. 

Naghanap ba ako ng kapangyarihan sa simbahan? Hindi ba at binasag ko ang monopolya ng pulpito at binahagi sa inyo? Sa isang tipikal na service, halos tatlumpong minuto ang natitira sa akin upang magturo dahil siniguro kong may ibang magtuturo at laging may kakanta, minsan tatlong special numbers pa. Anumang aktibidad na ginawa ng simbahan na aking sinalihan, lahat ng kredito ay wala sa akin. Nasa lider natin. Sa aking parte, every time na may aktibidad tayo sinisiguro kong kahit ang pinakamaliit na ambag ay aking kinikilala sa pagsulat at pagpost ng letter of recognition sa aking Facebook. Personally and through messenger, pinapasalamatan ko kayo for your services. 

Sa maikling panahon na pinamahalaan ko kayo, binuo ko kayo upang maging isang team. Sinanay ko kayong magturo at mag-organisa, binilhan ng mga gamit, binigyan ng workable na philosophy of work and ministry. Sinikap kong maging counsellor, friend at team mate. Kung nagkulang pa, willing pa akong gumawa nang higit dito. Kahit walang recognition o thank you, dahil mahal ko kayo, pinaglingkuran ko kayo. 

Kung ang inyong sagot sa mga tanong na ito ay gaya nang sagot ng mga Israelita kay Samuel, malaki ang aking pasasalamat:

1 Samuel 12:4 At kanilang sinabi, Hindi ka nagdaya sa amin, ni pumighati man sa amin, ni tumanggap man ng anoman sa kamay ng sinoman.

Kung may nasumpungan kayo sa aking kasalanan dahil hindi ako ang Panginoon, Juan 8:46, patawad at pagsisikapan kong bumawi. Pero malinis ang aking konsensiya na masasabi sa inyo gaya ni Pablo:

1 Tesalonika 2:10 Kayo'y mga saksi, at ang Dios man, kung gaanong pagkabanal at pagkamatuwid at pagkawalang kapintasan ang inugali namin sa inyong nagsisisampalataya:11 Gaya ng inyong nalalaman kung ano ang inugali namin sa bawa't isa sa inyo, na gaya ng isang ama sa kaniyang sariling mga anak, na kayo'y inaaralan, at pinalalakas ang loob ninyo, at nagpapatotoo,12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Dios, na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian.

Sa puntong ito, pinapasa ko na ang baton. Siya na ang bahalang magpatuloy ng ating takbuhan. Salamat Dahat sa oportunidad na mamahala. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?