Kailangan ko bang maglingkod sa simbahan para umakyat sa Langit
Dapat tayong maglingkod sa Diyos. Pero hindi para sa kaligtasan.
Linawin muna nating ang kaligtasan ay biyaya mula sa Diyos na ating tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa mga gawa, Ef 2:8-9; Rom 3:24-25; Tito 3:5. Ang tanging kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, Juan 3:16-18, 36; 5:24; 6:47; Gawa 16:31. Kung ang tao ay manampalataya kay Jesus ngayon, ngayon mismo ay mayroon siyang buhay na walang hanggan, maglingkod man siya o hindi.
Kung hindi naman kailangan ang paglilingkod upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, bakit kailangan pang maglingkod?
Una sa lahat, tayo ay mga bagong nilalang sa layuning lumakad sa mabubuting gawa, Ef 2:10. Kung hindi tayo maglilingkod sa Diyos, hindi natin matutupad ang ating layunin. Para tayong isang gamit na nasa isang tabi at hindi nagagamit.
Tayo ay tinawag upang maglingkod, hindi upang maligtas kundi bilang bunga ng ating pag-ibig sa Kaniya, Roma 7:4. Kung hindi tayo maglilingkod sa Kaniya, hindi mawawala ang ating kaligtasan pero pinapakita nating wala tayong pasasalamat sa Kaniyang biyaya, 2 Cor 5:14-15.
Tayo ay binili ng Diyos kaya dapat natin Siyang luwalhatiin sa ating katawan, 1 Cor 6:20.
Ang ating paglilingkod ay demonstrasyon ng ating pag-ibig sa Kaniya, Juan 14:15; 1 Juan 5:3. Habang lumalago tayo sa ating pag-ibig, mas gusto nating maglingkod.
Ang ating paglilingkod ay may kinalaman sa ating paglago espirituwal. Habang tayo ay lumalago mula sa gatas ng pagkabata patungo sa karne ng maturidad, tayo ay equipped para maglingkod. Unfortunately, marami ang hindi ginagawa ito, Heb 5:11-14.
Ito rin ay pagsunod sa Dakilang Utos, Mat 28:18-20. Ang ating misyon ay abutin ang mga hindi mananampalataya ng evangelio at kapag sila ay naligtas turuan sila bilang mga alagad.
May kaugnayan ang ating pananampalataya at mga gawa. Ang mga gawa ay hindi katunayan ng ating pananampalataya dahil maraming ateista ang may mabubuting gawa at may mga Cristianong hindi mo aakalaing ligtas sa kanilang gawi. Sa halip ang mga gawa ay nagsasakdal o nagpapa-mature ng Cristiano. Sa pamamagitan ng mga gawa, ang pananampalataya ng kapatid ay lumalago at nagiging kapakinabangan sa mga kapwa Cristiano.
Ang paggawa ay hindi required sa salvation. Maglingkod ka o hindi, ang nanampalataya ay ligtas. Pero sana gamitin mo ang natitirang buhay mo sa paglilingkod sa Diyos. Ang pangako ng Diyos, ang naglilingkod ay may gantimpala.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment