Mahirap mamangka sa dalawang ilog



Mateo 6:24 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

Ang Mateo 6:24 ay bahagi ng Sermon sa Kabundukan kung saan tinuruan ng Panginoong Jesus ang mga alagad ng mga prinsipyo ng pamumuhay sa liwanag ng nalalapit na Kaharian. Bagama't ang Kaharian ay tinanggihan ng Israel, o mas accurate sabihing tinanggihan nila ang Hari, may mga prinsipyo sa Sermong ito na magagamit natin sa ating dispensasyon. 

Sa Mateo 6:24 pinaalala ng Panginoon na ang daan ng isang alagad ay ekslusibo at nag-iisa (alone). Hindi lahat ay magagawa ito sapagkat ito ay humihingi ng extreme loyalty. Hindi ito kundisyon para magkaroon mg buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ay natatamo ng taong nanampalataya kay Jesus. Ito ay kundisyon kung paano maisapamuhay nang may kapunuan ang buhay na iyan sa liwanag ng darating na Kaharian. 

Ang buhay ng alagad ay humihingi sa ating mamili ng panginoong paglilingkuran. Lahat tayo ay alipin ng sinuman o anumang ating pinaglilingkuran o pinagbubuhusan ng atensiyon. Ang iba ay alipin ng pera, ang iba ay alipin ng alak, ang iba ay alipin ng seks, at iba pa; ang tanging pagkaaliping nakakapagpalaya ay ang pagiging alipin ng Panginoon. Nais ng Panginoon na gamitin natin ang ating kalayaan at katawan upang malayang ipaglingkod sa Kaniya. 

Hindi tayo makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Kahit sa mundong sekular, kapag nalaman ng iyong among naglilingkod ka sa among kalaban niya, siguradong tanggal ka. Kung sabay nilang malaman, baka parehong tanggal ka sa dalawa. Sabi nga ng mga Tagalog, ang naghahanap ng kagitna, sansalop ang nawawala. Kailangan mong mamili kung saan nakalagak ang iyong katapatan.

Ganuon din ang espirituwal na buhay. Hindi ka maaaring mamanginoon nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. Kailangan mong pumili kung kanino mo ilalagak ang iyong katapatan. Kung tapat ka sa Panginoon, hindi mo magagawang ilagak ang iyong tiwala sa kayamanan. Kung ang katapatan mo ay nasa kayamanan, siguradong mapapabayaan mo ang Panginoon. 

Bakit hindi mapagsasabay ang pamamanginoon sa dalawa? Sapagkat ang isa ay iyong iibigin at kakapootan ang ikalawa. Ito ang dalawang alternatibong saloobing posible sa iyo. Ang taong umiibig ay walang ibang iniisip kundi ang kaniyang iniibig. Nais niyang malaman kung okay lang ang sinisinta, iniisip niya ang ikabubuti nito. Ang taong umiibig sa kayamanan ay walang ibang iniisip mula umaga hanggang gabi kundi paano mapalago ang kayamanan. Nangangahulugan ito na walang panahon para sa Diyos. Ang umiibig sa Diyos ay iniisip ang Diyos mula umaga ang gabi. Ang iniisip niya ay kung paano maisusulong ang layon ng Diyos, kung paano mapadadakila ang Kaniyang pangalan at paano ikakalat ang Kaniyang mensahe upang mas marami ang umibig sa Diyos. Nangangahulugan ito na walang panahon para sa kayamanan. Ang oras niya ay nauubos sa paglilingkod sa Diyos at hindi sa kayamanan. 

Walang masama sa pagkakaroon mg kayamanan. Strictly speaking lahat ng kayamanan ay pag-aari mg Diyos dahil wala namang ambag si Satanas nang likhain ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng napapalaman dito. Ayon nga sa salmista, pag-aari ng Diyos ang mga baka sa kaburulan. Ang kayamanan ay mabuting alipin. Nasusunod nito kung ano ang iyong ibig. Gusto mong mapabilis ang paglalaba, makabibili ka ng washing machine. Sa Lumang Tipan, ang masunurin sa Diyos ay pinagkakalooban ng kayamanan. 

Ang masama ay kapag napokus tayo sa kaloob (kayamanan) kaysa Nagkaloob (ang Diyos). Ang alipin ay naging panginoon. Mabuting alipin ang pera ngunit masamang panginoon. Kahit oras ng pagtulog, hindi ka patutulugin dahil takot kang malugi. Kahit malalapit na kaibigan o kahit kamag-anak pa ay itatatkwil dahil ayaw mamahagi. Kahit ang oras sa pagsisimba ay gagamitin upang humanap ng mas marami pang pera. Ang pera na binigay para sa gawain ng Panginoon ay ginamit bilang leverage for power sa simbahan. Nadidistort ang nobleng paglilingkod dahil ang pera ay ginagamit upang suhulan ang pamumuan na ipikit ang mata sa kamalian. After all, mahirap kalabanin ang sponsor. 

Ngunit ang nakapokus sa Panginoon ay nauunawaang ang kayamanan ay hindi ibinigay sa atin para sa sarili lamang nating kasiyahan. Tayo ay mga channel upang mapondohan ng Diyos ang Kaniyang mga layon. Ang perang ating tinanggap mula sa Diyos ay para tulungan ang kapatid na naghihikahos, pondohan angga gawaing ebanghelismo at eksposisyung doktrinal at upang sa pangkalahatan ay tulungan ang namgangailangan. Sa kamay ng tikom ang kamao, ang pera ay para lamang sa kaniyang sariling kapakinabangan. 

Ang esensiya ng pag-ibig ay pagbibigay. Hindi mo maiibig ang iba kung ang gusto mo lang ay magkamal ng kayamanan. Dahil sa ang Diyos ay Pag-ibig, hindi mo Siya mapaglilingkuram kung ang iyong iniibig ay kayamanan. May bibigay sa iyong apeksiyon at kung hindi natin iingatan at babantayan ang ating isipan, malamang sa malamang isasakripisyo natin ang paglilingkod sa Diyos para sa pera. Ilang Cristiano ang alam mo na hindi na nakapagsisimba kapag Linggo dahil abala sa trabaho o negosyo? 

May kwentong madalas ikwento sa simbahan patungkol sa mga galawan ni Satanas. Hindi ito orihinal sa akin pero gusto kong ibahagi. Minsan m-in-eeting niya ang mga demonyo upang pag-usapan kung paano titisurin ang mga Cristiano. Sabi ng isa, "Bigyan natin ng karamdaman." Sabi ni Satanas, "Hindi iyan uubra. Magdadasal iyan ng kagalingan mula sa kaniyang Diyos. Imbes na malayo, lalo siyang lalapit." Kung ganuon, bigyan natin ng kahirapan," sabi ng isa. "Hindi iyan uubra," sabi ni Satanas. "Siguradong hihingi iyan ng trabaho." "Kung ganuon," sabi ng isa, "bigyan natin ng trabaho. Sigurado akong kahit Linggo mag-o-overtime iyan. Hindi siya makapagba-Bible study at matitisod siya." "Magaling," sabi ni Satanas, "gawin mo iyan at magtatagumpay ka. Gawin mo na rin siyang manager para mas lalong ma-busy siya. Bigyan mo ng maraming proyekto at raket. Kahit Linggo, nasa kalsada iyan para sa dagdag na kita." Iyan ang dahilan kung bakit marami ang pinagpapalit ang araw ng Bible study sa kayamanan.

Isang lalaki ang hindi nakapagsisimba. Nang tinanong siya ng ministro kung bakit, ang sagot niya ay dahil sa kahirapan, kailangan niyang mag-araro kahit Linggo. Dahil wala siyang kalabaw, mano-mano niyang inaararo ang bukid. Dahil sa awa ng ministro at sa kagustuhang makapagsimba siya, binilhan siya ng simbahan ng kalabaw. Ngunit hindi pa rin siya nagsisimba. Tinanong siya muli ng ministro kung bakit. Ang sagot niya ay mula nang magkakalabaw siya, napabilis ang trabaho. Pero kung wala siyang kalabaw, wala sana siyang papastulin kapag Linggo! Ang problema sa tao ay kaniyang puso. Kung nasaan ang kaniyang kasiyahan, kung nasaan ang tinuturing niyang kayamanan, nanduon ang kaniyang apeksiyon. 

Mahirap ang daan ng alagad. Kailangan nating mamili ng landas na bihirang tawirin ng karamihan. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay