Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama



Ecclesiastes 4:12 At kung ang isang tao ay manaig laban sa kaniya na nagiisa, ang dalawa ay makalalaban sa kaniya; at ang panaling tatlong ikid ay hindi napapatid na madali.

Sa araw na ito, Abril 30, 2024, pinagdidiwang naming mag-asawa, ang misis ko ay si Lerna I. Nieto para malaman ninyong wala nang iba, ang aming ikalabimpitong taong pagpapakasal. Sa loob ng labimpitong taong ito,  marami kaming naranasan, at patuloy pang nararanasang mga pagsubok, na sa biyaya ng Diyos ay aming nalagpasan. Gaya ng ibang buhay mag-asawa, humarap din kami sa mga personal, pinansiyal at espirituwal na mga problema. Sa tulong ng Diyos, na sa pasimula pa lang ng aming pag-aasawa ay ginawa naming sentro ng aming relasyon, nananatili kaming matatag, at nananalanging lalo pang tumatag. 

Humarap kami sa mga iba't ibang isyu: mga isyung monetarya; pagdidisiplina sa mga bata; pagsasabay ng pag-aaral sa masteral, pagtuturo at pagtatapos ni misi ng bokasyunal; limang taong naranasan naming mamuhay na LDR nang dalawang beses si misis na nangibang-bansa; mga problemang pangkalusugan; at marami pang iba. Sa lahat ng mga ito magkatuwang kaming tatlo sa pagharap sa mga problema. Ano ba ang sikreto ng aming labimpitong pagsasama?

Ang unang sikreto ay, kung maingat kayong nagbabasa, ay pantatluhan ang aming buhay mag-asawa. Ang ikatlong Persona ay ang Diyos. Nang itatag ng Diyos ang institusyon ng pag-aasawa sa Genesis 2, dinala Niya ang babae sa lalaki, ito ay kinilala ng lalaki, at namuhay ang lalaki at babae sa liwanag ng relasyong ito. Sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng ating mga magulang, na sina Adan at Eva, ang pundasyon ay natatag na: ang Diyos ang nagpasimulanat bumuo ng unang pamilya. Sabi nga sa Awit 127:1, malibang ang Diyos ang nagtatag ng tahanan, walang kabuluhan ang pagtatag nito. Sa pasimula pa lamang ay nagdesisyon kaming mag-asawa na ang Diyos ang simula, ang hangganan at ang kabuuan ng aming buhay mag-asawa. Mula sa pundasyong ito magsisimula ang lahat. Ayon sa Ecclesiastes 4:12, ang panaling tatlong ikid ay hindi madaling mapatid. Gayun din naman ang relasyong may tatlong Persona- ang asawang lalaki, asawang babae at ang Diyos na simula, sentro, hangganan at kabuuan ng relasyon- ay hindi basta-basta masisira. Sabi ng kanta ng mga bata, "Ang Diyos ang sandigan, hindi magigiba. Kasintatag ng kabundukan, hindi magigiba."

Sa puntong ito malaking tulong ang mga aklat at tapes ni R. B. Thieme, Jr., lalong lalo na ang Adam's Rib at Right Man and Right Woman. Nakatulong din ng malaki ang aklat ni Moses Onwubiko na Christian Marriage. 

Ang ikalawang sikreto ng aming pagsasama ay makikita sa Efeso 5:21-33. Minahal ko ang aking asawa gaya ng pagmamahal ni Cristo para sa Kaniyang Iglesia: nananawagan ito ng sakripsiyal at pokus na pagmamahal. Dahil sa ako ay nagmula sa wasak na pamilya (broken family), ginawa kong goal na siguruhing buo ang aking pamilya. Dahil dito lahat na sakripisyo ay aking ginawa, mapabuti lamang ang kalagayan ng aking asawa, at kalaunan, ng mga anak. Tiniis ko ang mga bagay na hindi ko naranasan nang ako ay lumalaki pa lamang at niyakap ang buhay na kasama ng aking misis. Sabi ko sa kaniya, ang lahat ng mahal mo ay mamahalin ko. Hindi lamang iyan, natutunan ko ang pokus na pagmamahal. Sa sandaling nagsama kami, kinalimutan ko na ang ibang babae. Sa kaniya ko na lamang binuhos ang aking pagmamahal, Kaw 5:15-20. Gaano man kalaki ang tuksong mambabae, lagi kong iniisip na ayaw kong maranasan ng aking mga anak ang karanasan ng isang wasak na pamilya. Nananalangin ako sa Diyos na sana mapanatili ko ang kaisipang ito. 

Ikatlo, ay natutunan ng aking asawa, at sa puntong ito malaki ang pasalamat ko sa aking mga biyenan, ang paggalang at pagsunod na may pagpapasakop sa akin bilang asawang lalaki at pangulo ng sambahayan. Alam kong hindi ako perpektong tao. Biruan naming mag-asawa, kung wala ang misis ko baka wala akong asawa dahil alam kong mahirap akong pakisamahan. Siya lamang ang nakatiyaga sa aking ugali at nakasupil sa akin (pero hindi ako ander!) Sa puntong ito malaking tulong ang halimbawa ng aking mga biyenan. Nakita namin kung paano minahal ni tatay si nanay at kung paano si nanay ay nagpasakop kay tatay. Kaya sa aming pag-aasawa nagkaroon kami ng nakikitang halimbawa ng pagpapasakop na gaya ng pagpapasakop ng Iglesia kay Cristo. Napakalaking biyaya na magkaroon ng magandang halimbawa! Anuman ang aking kakulangan, nagpasakop ang aking misis gaya ng pagpapasakop ni Sarah kay Abraham, 1 Pedro 3:1-6. Hindi niya ninasang agawin ang pamamahala sa akin, Gen 3:16. Dahil dito mas lalong napamahal sa akin ang aking misis. 

Ikaapat ay ang prinsipyo ng tugon ng pagmamahal learned love). Dahil mahal ko ang misis ko, natutunan niya rin akong mahalin. Salungat sa sinasabi ng ilang teologo na ang dapat gawin lang ng babae ay igalang at hindi mahalin ang lalaki, tinuruan ni Pablo ang pangangailangan ng pagmamahal sa asawang lalaki, Tito 2:3-5. Ang pagmamahal na ito ang magbibigay sa kaniyang kakayahang tiisin ang mga bagay at magpunyagi kahit sa mga lugar na bibigay ang pananampalataya at pag-asa, 1 Cor 13. Dahil sa pag-ibig na ito, pinaglingkuran kami ng misis ko sa loob at labas ng bahay. Nagsakripisyo pa nga siyang mangibang-bayan para makaragdag sa aming kita, gaya ng mabait na babae ng Kaw 31:10-31. At ngayong nagbalik na siya, patuloy siyang nagsasakripisyo sa pag-aalaga ng mga hayop at pananim para maragdagan ang aming kita. Hindi man laging sapat ang aming pera, may ngiti ang aking misis na pinagkakasya ang lahat ng bagay. Hindi ko maibabalik ang lahat ng sakripisyo ni misis. Lagi kong sinasabi sa aking mga anak, "Maswerte kayo kay mommy ninyo. Hindi lahat kayang tiisin ang kaniyang tiniis para sa atin."

Ikalima, tinrato ko ang aking misis bilang isang babasaging sisidlan, 1 Pedro 3:7. Sinisikap kong maging mabait sa kaniya dahil alam kong bilang babae, ang kaniyang kalikasan ay mas mahina kaysa akin. Kahit galing ako sa trabaho, sinisikap kong tumulong sa mga gawaing bahay. Ginagawa naming biro ang aking pagiging ander, pero ang totoo ay boluntaryo ko itong ginagawa upang mabawasan man lamang ang kaniyang pagod. Gusto kong magpasakop sa kaniya upang siya ay magpasakop din sa akin, Ef 5:21. 

Ikaanim, at ito ay aming pinag-aaralan pa: sinisikap naming iprioridad ang bawat isa kaysa ibang bagay. Mas prioridad sa akin ang aking misis kaysa aking mga anak dahil ang lagi kong sinasabi ay sumumpa ako sa Diyos na mamahalin siya habambuhay; wala akong ganiyang sumpa sa aking mga anak. Ang pagmamahal ko sa aking mga anak ay deribatibo ng pagmamahal ko sa aking misis. Mas prioridad ko ang aking misis kaysa aking trabaho. Di bale nang hindi agad ma-promote, ang mahalaga ay maayos ang aming pagsasama. Hindi mapapalitan ng dagdag sweldo at ng bonus ang nawalang relasyon. Mas prioridad ko, at ito ay personal kong pagkuro dahil wala ito sa Biblia, ang aking asawa't pamilya kaysa lokal na simbahan. Kung ang pamamahala sa pamilya ay isang hinihingi sa isang matanda ng simbahan, sa lohikal na kaisipan, dapat mong unahin ang iyong pamilya kaysa simbahan. Ang tanong ng Biblia ay paano mo mapapamahalaan ang simbahan kung hindi mo masupil ang iyong pamilya? Nakita ko ang masamang epekto ng pagsupil sa simbahan nang hindi nasusupil ang pamilya at ayaw kong mangyari ito sa amin. Nauuwi lamang ito sa pagkasira ng reputasyon at pagkawasak ng mga relasyon. Sa sandaling ang simbahan ay makaapekto sa kalidad ng aking pamilya, bibitawan ko ang tungkulin sa simbahan at magigi na lang akong ordinaryong miyembro. Pamilya muna, bago ang simbahan. 

May tututol na dapat unahin ang Diyos bago ang pamilya, Mat 10:35-38. Amen! Ngunit ang pagmamahal sa Diyos ay hindi katumbas ng paglilingkod sa simbahan. Ang pagmamahal sa Diyos ay nakatataas sa pagmamahal sa pamilya at sa simbahan, at kapag ang dalawang huling pagmamahal ay nagbanggaan, ang pamilya ang dapat manguna. Dahil ang pagmamahal sa pamilya ay basiko sa lahat ng relasyon. 

Ikapito, natuto kaming magpatawad sa bawat isa, Ef 4:32; Col 3:12-21. Imposible para sa anumang relasyong pantao ang maging perpekto at dahil dito ang pagpapatawad ay dapat laging opsiyon. Anumang mangyari dapat laging nariyan ang pagpapatawad sa bawat isa at ang pagnanais na magsimula ulit, ilang ulit mang mangyari. Hindi nagsimula ang aming pamilya sa maganda, alam iyan ng lahat ng nakakakilala sa amin. Ngunit hindi ito kailangang magtapos sa hindi maganda. Hanggang ang tao ay hindi sumusuko sa relasyon, maaari silang magpatawaran at magsimula muli. 

Ikawalo, binalot namin ang pamilya ng tawa. Ang tawa ay gamot sa mga buto. Ang kasiyahan ay isang ingrediyenteng nag-aalis ng negatibidad sa relasyon. Anumang pagkakamali, hanggang ang aming pamilya ay tumatawa, mananatili kaming buo.

Hindi perpekto ang nakalipas na labimpitong taon, pero hindi ko ito ipagpapalit sa anupaman. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?