Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay
Sa kabanatang ito makikita natin ang ilang Personang dapat nating gawing modelo sa Cristianong pamumuhay. Makikita natin si Cristo sa v5-11; makikita natin si Pablo at Timoteo sa v19-24 at si Epaproditus at Pablo sa v25-30. Makikita rin natin dito ang panawagan ni Pablo ng pagkakaisa dahil ang simbahan sa Filipos ay may pagkakahati (tingnan sa Fil 4:2). Makikita rin natin dito ang sikat na pasahe sa Cristolohiya. Bilang bahagi ng panawagan ni Pablo ng pagkakaisa, ibinigay niyang halimbawa si Cristo ng kapakumbabaang susi sa pagkakaisa ng lahat. Ang lahat ng ito ay bahagi ng ekshortasyon ni Pablo sa 1:27 na ang mga taga-Filipos ay dapat lumakad nang karapatdapat sa evangelio.
Simulan natin sa panawagan ni Pablo ng pagkakaisa na magtatapos sa paglalagay kay Cristi bilang modelong dapat gayahin ng mga Cristiano.
Filipos 2:1 Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag,2 Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip.
Sa mga sitas na ito, ibabahagi ni Pablo kung paano lumakad nang karapatdapat sa evangelio (1:27).
"Kaya nga." Ito ay pagpapatuloy nang sinasabi niya sa kabanata isa. Kung totoong nakita nila at nararanasan ang pakikibaka na dati ay naririnig lamang nila kay Pablo, dapat nilang sundin ang kaniyang mga sasabihin sa kabanata 2. Magbabanggit siya ng apat na "kung" at lahat ng ito ay first class condition na nangangahulugang ang mga kundisyon na ito ay aariing totoo at base sa katotohanang ito, sila ay dapat kumilos. Samakatuwid, ipalagay nating ang mga ito ay totoo, at ang mga ito ay talagang totoo, at ibabase niya ang apela niya sa pagkakaisa sa mga katotohanang ito.
"Kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo." Totoong may kasiglahan o encouragement kay Cristo. Kung matututo tayong manahan sa Kaniya, walang dahilan ang mga Cristiano upang mamuhay sa pagkatalo sa espirituwal na buhay.
"Kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig." Totoong may kaaliwan at pag-ibig. Ang Diyos ay pag-ibig at Tagaaliw ng mananampalataya sa Kaniya. Tinuruan Niya tayong ibahagi ang pag-ibig at kaaliwan na ito sa iba.
"Kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu." Totoong may pakikisama sa Espiritu at mangyayari lamang ito kung wala tayong tagong kasalanan na humahadlang sa ating relasyon sa Kaniya. Kung makikisama tayo sa Espiritu sa halip na sa Laman, sa Sanlibutan o sa Diablo, maiiwasan natin ang maraming kapighatian sa ating Cristianong pamumuhay. Interesante na bawat kabanata ng epistulang ito ay may banggit na pakikisama.
"Kung mayroong anomang mahinahong awa at habag." Totoong may mahinahong awa at habag. At sagana ito sa Diyos at dapat nating ibahagi sa iba.
Ang sinasabi ni Pablo ay kung totoo ang apat na ito at totoo nga, gawin ninyo ang apat na bagay na ito: 1) Magkaisa ng pag-iisip. 2) Mangataglay ng isa ring pag-ibig. 3) Mangagkaisa ng akala. 4) Isa lamang pag-iisip.
"Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip." Makikita natin dito ang empasis sa pagkakaisa hindi lamang sa isip kundi sa pag-ibig at akala o layon sa buhay. Sinabi ni Jesus na ang tahanang hindi nagkakaisa ay babagsak.
"Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan." Sa kabanata isa makikita natin ang katuwaan ni Pablo sa mga taga-Filipos. Hinihiling niya na ito ay lubusin o kumpletuhin. Punuin. Sagarin. Puspusin. Mangyayari ito kung sila ay may pagkakaisa. Walang ministro ang hindi matutuwa kung ang kaniyang simbahan ay may pagkakaisa. Sa kabilang banda ang pagkakahati ng simbahan ay nagdadala ng kalungkutan sa isang ministro.
Paano malulubos ang katuwaan ni Pablo?
1) "Upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip." Ang salitang isang pag-iisip ay ginamit ng 11 beses sa epistulang ito. Ito ay clue na ang mga taga-Filipos ay may pagkakahati at kailangan nilang pag-isahin ang hati-hating isipan. Kapag ginawa nila ito, malulubos ang katuwaan ni Pablo. Ginamit ito sa 1:7; 2:2 (makalawa), 5; 3:15 (makalawa), 16,19; 4:2, 8 (makalawa).
2) "Mangagtaglay ng isa ring pagibig." Ang pag-ibig ang langis na nagpapadulas ng operasyon ng simbahan. Hangga't may pag-ibig sa isang simbahan, anumang pagkukulang ay matatakpan at mapupunuan. Makapagsisimula lagi sa bagong bukas. Kapag ang pag-ibig ay nawala, mawawasak ang simbahan dahil ang mga miyembro ay tila asong nagkakagatan hanggang magkaubusan.
3) "Na mangagkaisa ng akala." Samakatuwid, iisang layon. Ang simbahang may iisang layon- ang luwalhatiin ang Diyos diyan kay Cristo- ay malakas na simbahan. Ang simbahang may kaniya-kaniyang layon ay mawawasak. Mahirap kung ang ministro ay dinadala ang simbahan sa isang direksiyon ngunit may ibang humihila sa kabilang direksiyon.
4) "At isa lamang pagiisip." Marahil upang bigyang diin ang kaniyang empasis sa pagkakaisa, inulit ang pagkakaroon ng iisa lamang na pag-iisip. Lahat ay nagsisimula sa isipan. Kung hindi ninyo na kayang isiping may posibilidad ng pag-iisa, tapos na ang buhay ng simbahan. Kahit anong gawin, wala nang mangyayari.
Apat na katotohanan: 1) kasiglahan kay Cristo, 2) kaaliwan ng pagibig, 3) pakikisama ng Espiritu, 4) mahinahong awa at habag.
Apat na aksiyong dapat gawin ng mga taga-Filipos: 1) mangagkaisa ng pagiisip, 2) mangagtaglay ng isa ring pagibig, 3) na mangagkaisa ng akala, at 4) isa lamang pagiisip. Kapag nagawa nila ang mga ito, malulubos ang katuwaan ni Pablo.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po
.)
Comments
Post a Comment