Kailangan ko bang mabautismuhan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?
Kailangan ba ng isang taong mabautismuhan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?
Ang maikli at diretsang sagot ay hindi. Hindi mo kailangang mabautismuhan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang tanging kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo, Juan 3:16-18, 36; 5:24; 6:47; Gawa 16:31. Ang sinumang nanampalataya kay Cristo ay may buhay na walang hanggan, mabautismuhan man siya o hindi. Ang tulisan na pinakong kasama ni Cristo sa krus ay pinangakuang ngayon din ay kasama siya sa Paraiso kahit hindi siya nabautismuhan.
Nangangahulugan ba itong hindi mahalaga ang bautismo? Mahalaga ang bautismo bilang hakbang mg pagsunod bilang alagad, hindi upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa Bagong Tipan ang mga nanampalataya kay Cristo ay binautismuhan. Makikita natin ang halimbawa ni Cornelio na binautismuhan MATAPOS niyang manampalataya at maligtas, ni Lydia at ng kaniyang sambahayan, ng Philippian jailer at kaniyang sambahayan, ng mga taga-Corinto sa Gawa 18 at maraming pang halimbawa. Ang pattern ng Kasulatan ay kapag ang tao ay nanampalataya at nagkaroon ng buhay na walang hanggan, siya ay nagpapabautismo, hindi dahil requirement ito upang maligtas kundi dahil sa ito ay pagsunod bilang isang ligtas na nilalang. Ang bautismo ay larawan ng ginawa ng Espiritu Santo sa mananampalataya- kinuha siya ng Espiritu at nilublob kay Cristo. Ang mananampalataya ay nilublob sa tubig.
Karamihan sa kalituhan sa bautismo ay nagmula sa Gawa 2:38 na inaakalang ang bautismo ay kailangan upang maligtas. Ngunit ang Gawa 2:38 ay binigay sa mga Judiong nanampalataya na. Nais nilang malaman kung ano ang dapat nilang gawin upang maligtas sa paghuhukom na darating sa mga tumakwil kay Cristo. Dahil sa ang bayang Israel ay tumakwil kay Cristo, isang kasalanang hindi mapapatawad, sila ay nakadestino sa paghuhukom. Ang mananampalatayang Judio ay kailangang mabautismuhan upang hindi siya makadamay sa paghuhukom. Kung hindi siya magpapabautismo, mayroon siyang buhay na walang hanggan at aakyat sa Langit pero madadamay sila sa paghuhukom na eventually dinala ni Tito noong 70 AD.
Foreign sa Biblia ang ideya ng mananampalatayang hindi nabautismuhan. Foreign din ang ideya ng nanampalatayang naghintay ng ilang taon bago mabautismuhan. Kapag sila ay nanampalataya, binautismuhan agad sila. In fact sa 1 Corinto bahagi ng kanilang pagkakakampi-kampi ay kung sino ang nagbaustismo sa kanila. Hindi d-in-eny ni Pablo ang bautismo; nagpapasalamat siyang kaunti lang ang personal niyang binautismuhan upang walang dahilan ang sinuman na magmaturo sa kaniya. Hindi naman siya ang namatay para sa kanila. Incidentally, the fact na nagpasalamat si Pablong iilan lang ang kaniyang nabautismuhan ay patunay na hindi ito kailangang upang magkaroon ng buhay na walang hanggan- hindi niya ipagkakait sa sinuman ang bautismo kung ito ay kailangan sa kaligtasan.
Manampalataya ka kay Cristo at ikaw ay may buhay na walang hanggan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment