In season, out of season



2 Timoteo 4:2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.

Maulan na naman at kudos sa mga estudyanteng pumasok kahit maulan at baha na sa kalsada. Hindi nila hinayaan ang masungit na panahon upang hadlangan silang pumunta sa paaralan at mag-aral. 

Kung sana ganito rin kasugid ang mga Cristiano sa pag-aaral ng Biblia. 

Limang araw sa isang linggo pumasok ang mga estudyante sa eskwelahan. Minsan sa isang linggo na nga lang (actually 2 hours per week lang) ang Bible studies, hindi pa natiyagaan ng mga Cristiano. 

Ang masaklap may mga Cristianong guro pa ang hindi nakatatagal sa ganitong set-up. Napapagod sa dalawang hanggang apat na oras ng pagbibiyahe upang magturo ng Biblia. 

Bilang guro sa pampublikong paaralan, hindi kami napapagod (wala kaming right at time mapagod dahil no work, no pay) o nagsasawa (dahil wala kaming choice, bayad ang aming oras) na magbiyahe at magturo anumang kalagayan ng panahon. Mainit. Malamig. Maaraw. Maulan. Basa ang panahon. Tuyo. Maraming estudyante. Kaunti. Nag-almusal man o hindi. Puyat man o hindi. Gaano man kalayo o kahirap ang daan. Handa kaming maglingkod sa bayan. Or more realistic, dahil bayad ang aming oras. 

Kahit may personal kaming pinagdaraanan, hindi ito dapat makahadlang sa serbisyo publiko. Kung minsan, galing pa lang sa sakit pero diretso na sa eskwelahan. Kahit bakasyon namin, o kahit gabi, kapag nanawagan ang katungkulan, darating kami. 

Para saan? Para magturo ng mga bagay na bagama't nakatutulong sa mga estudyanteng umasenso sa buhay ay admittedly ay walang eternal value. Walang lesson sa math o science ang magbibigay sa tao ng buhay na walang hanggan, tapang sa gitna ng pagsubok o ng katapatan sa harap ng kataksilan. 

Kaya nakalulungkot makakita ng mga guro ng Biblia na sumusuko sa pagtuturo ng mga eternal na katotohanan ng Biblia. Once a week lang magtuturo, two hours per meeting, napapagod na. Given the eternal nature ng topic, ini-expect mong mas malaking pagpupursige ang dapat ipakita ng mga guro ng Biblia. 

"Ipangaral mo ang salita." Ang dala ng mga ministro ay hindi opinyon ng nagkakamaling tao kundi ang walang hanggang katotohanan ng Diyos. Ang agham ay nagbabago taon-taon at ang mga etika at pagpapahalaga ay nagbabago sa pagbabago ng henerasyon, pero ang Salita ng Diyos ay eternal. Nagdadala ng tagumpay at asenso sa buhay ang mga leksiyon sa eskwelahan pero ang Salita ng Diyos ay nagdadala ng kaligtasan at kabanalan at walang hanggang gantimpala sa mga nag-iingat nito. Ang sinumang maniwala kay Einstein ay nauunawaan ang kilos ng pisikal na mundo; ngunit ang manampalataya kay Cristo ay may buhay na walang hanggan. Ang tumupad sa mga prinsipyo ng MAPEH ay magkakaroon ng malusog at malakas na katawan; ang tumupad sa mga doktrina ng Biblia ay magtatamo ng kabanalan ng buhay. Ang matuto ng matematika ay matututong magbilang at mag-isip ng lohika; ang isapamuhay ang espirituwal na pamumuhay na nakalulugod sa Diyos ay magdadala ng walang hanggang gantimpala at kasiyahan. Sa liwanag ng pagkakaiba ng temporal at eternal, hindi ba dapat mas masikap ang mga guro ng eternal sa pagtuturo? 

"Magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan." Magturo kapag maganda ang panahon, kapag masama ang panahon, kapag maputik ang daan o binabaha, kapag tuyo at maalikabok ang daan, kapag mainit o maulan, kapag maganda ang takbo ng buhay o kung dumaraan sa mga pagsubok, sa lahat ng kundisyon o sitwasyon, ipangaral ang Salita. Ang guro ng Biblia ay daapt magsikap o ready sa bawat oportunidad na binigay upang magbahagi ng Salita. 

"Sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka." Reprove, rebuke exhort. Negatively handa ang guro ng sumawata ng maling aral at sumaway ng maling gawi. Hindi popyular ang pagsawata at pagsaway ngunit kailangan upang maitama ang simbahan. Positively dapat handa siyang mangaral. May mga Cristianong nanghihina ang loob o nabibitag ng kasalanan. Kailangan nila ng magpapalakas ng kanilang loob at aagapay upang makaalpas sa kasalanan. Kailangan nila mangangaral sa kanila nang may pag-ibig at tiyaga. Ang hindi nila kailangan ay ang holier-than-thou na guro na sa halip na tulungan silang bumangon ay inaapak-apakan pa sila at kinukwento sa iba o inaanunsiyo sa pulpito. Ang simbahan ay isang ospital sa mga maysakit ngunit ito ay hospisiyo sa nag-aagaw-buhay. 

"Na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo." Samakatuwid hindi sa pagmamanginoon at tiraniya. Ang obligasyon ng guro ay ang tulungan ang Cristianong tumayo sa kaniyang mga paa, hindi ang pukpukin ang kaniyang ulo ng mga sitas ng Biblia. Dapat tulungan niya ang Cristianong patigasin at palakasin ang mga buto-buto at kasu-kasuhan upang matuto siyang muling lumakad. Hindi ito ang panahon upang ipakita ang iyong superyoridad kundi gaya ng nagbabantay ng maysakit, mahinuhod at banayad sa pagpapakain at pagpapainom ng gamot, paghihilot ng masasakit na buto at matiyaga sa pagbabantay hanggang sa siya ay gumaling. 

Masuwerte tayo at nasa malaya tayong bansa. Malaya tayong manampalataya at tumupad ng ating paniniwala. May mga bansang ilegal ang maging Cristiano at ang pagmamay-ari ng Biblia ay sapat nang dahilan upang dakpin at ikulong nang walang paglilitis. Gamitin natin ang panahong ito upang magturo at mag-aral ng Salita ng Diyos. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?