Hindi masumpungan ang Diyos



Kawikaan 1:28 Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan:29 Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.

Marahil napapatanong ka: "Cristiano ako, bakit ako dumaraan sa ganitong mga pagsubok? Asan ka Diyos?"

Sa Kawikaan 1 makikita natin ang napakagandang introduksiyon sa buong aklat. Dito nilarawan ang karunungan ng Diyos bilang isang babaeng nanawagan sa lahat ng tao sa lahat ng dako. Tawagin natin siyang Lady Wisdom. Ang masaklap, may mga taong anumang tawag niya ay hindi sumasagot. 

Dahil dito sinabi niyang ang mga ito ay aabutin ng kapahamakan. Mahaharap sila sa mga problema ng buhay. Hahanap sila sa mga sama ng loob. 

At sa araw na iyon, tumawag man ang tumakwil sa karunungan, walang sasagot. Hindi niya masumpungan ang Diyos at Kaniyang karunungan. 

It makes sense hindi ba? Ayaw mo makinig sa Salita ng Diyos. Nasa simbahan ka nga pero abala ka sa lahat ng bagay maliban sa aktuwal na pakikinig sa Salita ng Diyos. Nakikipagkwenyuhan ka, nagseselpon ka, natutulog ka. Dahil dito naubos ang isa o dalawang oras na wala kang natutunang Salita ng Diyos. Kaya nang dumating ang problema, wala kang paghuhugutan ng karunungan at resources upang harapin ito.

Nanghihina ka. 

Hindi mo alam ang gagawin.

Nagpa-panic attack ka. 

Kung kani-kanino ka tumatakbo, makahanap lang ng solusyon sa problema. 

Nagsu-sublimate ka sa pamamagitan ng alak at bisyo. 

At sasabihin mong doctrine doesn't work. 

Para kang estudyante na hindi nakikinig sa leksiyon. Sa halip na makinig sa guro, nagseselpon, natutulog, nakikipagkwentuham, nagka-cutting classes. Sa araw ng eksam, walang isasagot. Walang paghuhugutan ng karunungan. Lingon dito, lingon doon, makahanap lang ng pagkokopyahan. At kapag bumagsak, sisihin ang iba sa kabiguan. 

Sana nakinig ka sa guro.

Sana hindi ka nagbulakbol.

Sana hindi ka nagselpon. 

Baka may natutunan ka kahit kaunti kahit paano. 

Sapat upang makapasa sa eksam. 

Sana nakinig ka sa Bible study. 

Sana hindi ka nakipagkwentuhan sa iba.

Sana hindi ka nagselpon. 

Baka may natutunan kang doktrina kahit kaunti. 

Doktrinang magagamit mo sa araw ng pagsubok. 

Hahanapin natin ang karunungan sa araw na iyon at wala kang masusumpungan. Sasabihin mong binayaan ka ng Diyos samantalang ang Diyos ay walang tigil sa pangangaral sa pamamagitan ng mga Bible teachers na nagpapaliwanag ng Biblia. 

Kaya lang binaling mo ang atensiyon sa iba. Sa kahit ano, wag lang sa pinakamahalaga- sa Salita ng Diyos. 

Nakapagtataka bang maraming Cristianong hindi maisapamuhay ang Cristianong pamumuhay? Na naturingang mga anak ng Diyos ngunit hindi makatayo kapag may problema sa buhay? Na nagtatago sa relihiyon at sa mga kautusan, mapagtakpan lang ang kakulangan ng biyaya? Sapagkat mas madali ang magalit at maghanap ng pagkukulang kaysa magbunga at magbahagi sa iba. 

Matitisod sa kahit anong dahilan. Dahil ang panawagan ni Lady Wisdom ay dumaan sa kaliwang tainga, at lumabas sa kanan. Nagtatanong, "Asan ang Diyos? Bakit iniwan Niya ako?" Ang sagot ng Diyos: "Andito ako pero hindi ka nakikinig. Paano ka papasa?"

Kung buhay ka pa, may pag-asa pa. Hindi pa huli ang lahat. Magpakumbabang lumapit kay Lady Wisdom at sabihing, "Nagkamali ako. Can we start all over again?" Ang sagot ay oo. Dahil gaano ka man kalayo sa Diyos, ang hakbang pabalik is just one step away. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay