He Who Rules His Spirit
Kawikaan 16:32 Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.
Namumuhay tayo sa panahon ng galit at kapootan. Halos lahat ay galit at poot sa kung anu-anong dahilan.
Ang Kawikaan ay mga pahayag na nagbibigay ng kumon na karunungan. Ito ay obserbasyon sa pang-araw-araw na pamumuhay ba nagbibigay ng karunungan at gabay sa mga bata. Ito ay totoo sa mga mananampalataya at hindi mananampalataya.
Sa Kawikaan 16:32, makikita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pamumuno sa kaniyang espiritu. Ito ay mabuting paalala lalo at madalas tayong makapanuod sa balita ng mga taong nakapatay dahil sa nadala ng galit sa gitna ng trapiko (road rages).
“Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan.” Makikita natin dito ang isang pagkukumpara. Ang makupad sa pagkagalit ay mas maigi kaysa makapangyarihan. Unfortunately marami sa mga may kapangyarihan ay lango nito at hindi marunong magkontrol ng kaniyang sarili. Sa ating panahon ang pagkontrol sa sarili ay nakikita bilang kahinaan. Ang pagkakupad sa pagkagalit ay nakikita bilang kaduwagan at ang magagalitin ay matapang.
Sino ang makapangyarihan? Sila ang mga dakilang tao. Sa ikalawang bahagi ng kawikaan, ito ay synonym sa pagsakop sa isang lunsod. Maaaring hindi na uso ang pananakop sa ibang lunsod, ngunit maraming aspeto ng makapangyarihan. Ang makapangyarihan ay ang taong may posisyung nakakasakop sa ibang tao, o may kontrol ng iilang resources o may pangalan at reputasyon.
Ang sinasabi ni Solomon ay mabuti pa ang makupad sa pagkagalit (may kontrol sa sarili) kaysa makapangyarihan (lider/supervisor/pastor/hepe). Maaaring nakokontrol mo ang ibang tao ngunit kung hindi mo kontrolado ang iyong sarili, sa katotohanan wala kang kalayaan.
“At siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan.” Ang nagpupuno sa kaniyang diwa ay ang makupad sa pagkagalit. Samakatuwid kung ikaw ay magagalitin, wala kang pamumuno o kontrol sa iyong espiritu. Ang makapangyarihan ay ang sumasakop sa isang bayan. Maaaring nasa posisyun ka ng kapangyarihan ngunit kung hindi mo makontrol ang iyong sarili, balewala ang iyong posisyun.
Nakalulungkot na ang pagiging magagalitin ay hindi lamang sa kalsada nasusumpungan. Nasusumpungan din sila sa mga pastor ng simbahan, ang pinakahuling taong inaasahan mong magagalitin. Bilang isang taong naligtas mula sa galit ng Diyos, inaasahan mong siya ang pinakaunang magpatawad at hindi magagalitin sa iba.
Ang mga taong pinalaya sa galit ng Diyos ay magagalitin sa iba. No wonder ang Cristiano ay walang testimonyo sa iba. Mas magagalitin pa tayo kaysa mga hindi ligtas.
Ayon kay Santiago ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. Makikita natin ito sa pag-obserba mga taong magagalitin.
Ang galit ay nagsisimula sa isipan. Karamihan sa mga magagalitin ay nagagalit dahil may nakatanim sa kanilang isipan na pagkatisod laban sa ibang tao. Dahil tisod sila sa tao, kahit ang pinakasimpleng pagkainis o hindi pagkakasunodo ay mitsa upang sumabog sa galit.
Mula sa isipan ang galit ay magpapakita ng kaniyang tunay na anyo, madalas sa porma ng pagsasalita. Nakapagsasalita siya ng masakit sa iba dahil siya ay galit ay nasaktan at nais niyang manakit ng iba. Dahil emosyon ang umaandar, siya ay irrational at hindi nag-iisip. Kaya hindi niya napag-isipan ang mga konsekwensiya ng kaniyang desisyon at nasosorpresa kapag nagresulta ito sa hindi niya inaasahan.
Minsan higit sa pagsasalita, may overt manifestation ito. Ito ang dahilan kung bakit ang tahimik ngunit mapagkimkim ay nagla-lash out at nakagagawa ng mga bagay na hindi natin inaasahan. Siya ay nakakapanakit ng kaniyang mga kamao at kung minsan nakakakitil pa ng tao. O patago niyang sinasabotahe ang layon ng kaniyang galit at pinaplano ang kaniyang pagbagsak. Dahil siya ay galit, nakikita niya ang sarili bilang api, at ang tanging paraan upang makalaya ay saktan ang nang-api.
Ang mga taong galit ay palulubugin ang barko kung hindi rin siya magiging kapitan nito. Lahat ay upang magantihan ang layon ng kaniyang galit.
Ito ang nakakatuwa. Makuha man niya ang hinahangad na kapangyarihan, hindi siya magsasaya. Ang kawalan ng kontrol sa kaniyang espiritu ay nangangahulugang siya ay alipin ng opinyon ng iba. Makarinig siya ng bagay na hindi niya gusto, muling mag-aalab ang kaniyang galit, na magpapasimula ng siklo ng sakit at pananakit.
Ang tanging paraan upang maputol ito ay makilala ito sa sarili upang maiwasan ang mga sitwasyong nagdadala ng galit, ikumpisal ang kasalanang ito kung hindi maiwasang magalit at magkaroon ng resolbasyon na iabandona ang galit sa krus. Short of this, mauulit at mauulit lang ito. Nakakasawa ang mga taong paulit-ulit na nagagalit
Ang tunay na kapangyarihan ay wala sa lawak ng kontrol mo sa iba kundi nasa lalim ng kontrol mo sa iyong sarili.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment