Be quick to hear, slow to speak, slow to anger
Santiago 1:19 Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni’t magmaliksi ang bawa’t tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit;20 Sapagka’t ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.
Sa kaniyang epistula, sinulatan ni Santiago ang mga mananampalatayang Judio sa Diaspora na nakararanas ng pagsubok ng kanilang pananampalataya dahil sa pag-uusig ng mga hindi mananampalataya. Ang limang kabanata ng epistulang ito ay isang pagpapalakas ng loob ng mga mananampalataya. Ang kabiguang kilalanin ang paksa ni Santiago ang dahilan kung bakit laganap ang maling pagkaunawa ng epistula, kabilang na ang pag-aakalang kailangan ang mga gawa upang maligtas.
Ang susi upang maiwasan ang pagkilalang ito ay nasa pagkilala na ang epistula ni Santiago ay isang aklat ng karunungan (a wisdom literature) at hindi aklat ng soteriolohiya (a soteriology book). Ang susing sitas ay makikita sa Santiago 1:19-20.
“Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid.” Tinawag niya ang kaniyang mga sinulatan na mga kapatid, na nagpapakitang ang mga ito ay mga kapatid kay Cristo. Sila ay mga mananampalataya na at mayroong buhay na walang hanggang hindi maiwawala. In fact ang sinusundang sitas ay nagsasabing sila ay ipinanaganak ng Diyos mula sa kalooban ng Diyos. Samakatuwid ang kaligtasan o kapanganakang muli ng isang tao ay hindi resulta ng mga gawa (“kalooban ng tao”- Juan 1:12-13) kundi kalooban ng Diyos. Ang ahente ng Diyos sa pag-anak sa kanila ay ang salita ng katotohanan.
Ano ang nalalaman ng mga kapatid? Inaasahan ni Santiagong alam nilang may mga pagsubok na dapat yakapin nang may kagalakan (v2-12) at may mga tuksonna dapat layuan (v13-15). Bagama’t ang salitang ginamit ay pareho sa tukso sa vs2 at vs13, may pagkakaiba sila. Ang isa ay tumutukoy sa pagsubok na maaaring harapin ng isang mananampalataya (samakatuwid hindi niya ito sinadyang hanapin gaya ng gamo-gamong lumapit sa apoy) samantalang ang isa ay resulta ng masamang pita ng laman. Dapat nilang malaman ito at huwag madaya. Sa halip na mahulog sa salinlahi ng kasalanan (masamang pita-kasalanan-kamatayan), pinaalala sa kanila ni Santiago ang salinlahi ng Diyos (kalooban ng Diyos-salita ng katotohanan-kapanganakan ng Diyos).
“Nguni’t magmaliksi ang bawa’t tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit.” Ang natural na reaksiyon ng isang tao kapag nahaharap sa mga stress ng buhay na sumusubok sa kaniyang pananampalataya at bumubuhay sa kaniyang laman ay kabaligtaran ng sinasabi ni Santiago. Sa halip na gawin ang turo ni Santiago, tayo ay maliksi sa pagkagalit, maliksi sa pananalita at makupad sa pakikinig. Dala ng stress sa ating kaluluwa (dalawang kaisipan o kaluluwa), ang Cristiano ay nagagalit agad, nakapagsasalita nang hindi napag-isipan at bingi sa pakikinig. Nasaksihan ko ito sa nakaraang mga linggo (ito ay hiwalay na blog) mula sa isang taong aasahan mong maturo sa pananampalataya. Ito ay paalala na wala sa atin ang dapat mag-akalang nakatayo dahil ang pagkabuwal ay segundo lang ang pinag-uusapan (basahin ninyo ang aking blog na Tilamsik sa Kaluluwa).
“Maliksi sa pakikinig.” Nang unang siglo, iilan lamang ang may kopya ng Kasulatan (Lumang Tipan) at ang mga epistula ng Bagong Tipan ay sinusulat pa lang (malaki ang posibilidad na ang epistula ni Santiago ang unang epistulang nasulat). Samakatuwid kung gusto ng isang tao na malaman ang Salita ng Diyos, kailangan niyang makinig sa pampublikong pagbabasa ng Kasulatan. Ang kaliksihan sa pakikinig ay hindi lamang pakikinig kundi pakikinig na may intensiyong sumunod (gaya nang tatalakayin ni Santiago sa v21ss). Sa mga panahong binabasa ang Salita, maraming tao ang hindi nakikinig ngunit nakikipagkwentuhan sa katabi, lalo na sa mga nasa likuran. Dahil dito kapag dumarating ang pagsubok, walang sagot sa mga hamon ng buhay dahil walang Salitang natatago sa puso.
“Makupad sa pagsasalita.” Sa halip na makinig sa eksposisyon ng Salita, marami ang nakikipagkwentuhan sa katabi kaya hindi nakakarinig nang Salitang tinuturo. Hindi lamang hindi sila nakikinig, pati ang mga nakikinig ay nadaramay dahil naiistorbo sila ng mga nagkukwentuhan. Hindi miminsang sabay kong napapakinggan ang eksposisyon ng Salita at ang mga bibilhin sa palengke ng mga kapatid. Dahil dito, pagdating ng pagsubok ng buhay, sa halip na may paghuhugutan ng Salitang sasagot sa problema, inuuna ang bibig na tila baga malulunod ng tumatalsik na laway ang problema. Isang epidemya ang mga Cristianong kulang ang kakayahang mag-analisa ng sitwasyon (dahil sa kakulangan ng pakikinig) pero mabilis humatol (maliksing magsalita).
“Makupad sa pagkagalit.” Ang Cristianong nahaharap sa pagsubok ay dapat makupad sa pagkagalit. Unfortunately, ito ang unang madalas na reaksiyon ng mga tao. Sa halip na kalmadong pag-usapan at analisahin ang sitwasyon, ang unang tendensiya ay magalit at ibuka ang bibig (at anumang sinalita sa pagkagalit ay siguradong magdadala ng kaguluhan (tingnan ang kabanata 3 at 4 ni Santiago). Minsan nadadamay pati ang Salita, dahil kung ang Salita ay nagbibigay ng aral na taliwas sa gusto nating mapakinggan, tayo ay nagiging reaksiyonaryo at rebersiyonista. Sa termino ni Santiago, sa halip na tagapakinig, nagiging tagahatol tayo ng Salita. Ang masaklap nito ay damay pati ang mga kapatid dahil madalas ang mga kapatid ang shock aboserber ng galit. Kung ang kapatid ay magagalitin din, narito ang resipe sa pagtatalo at pag-aaway.
“Sapagka’t ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.” Ang resulta ng maliksing pagkagalit ay hindi mo magagawa ang katuwiran ng Diyos. Madalas ang galit ay nagsisimula sa hindi maresolbahang pananaghili at ambisyong mamanginoon sa lahat. Dahil sinusukat niya ang lahat ng bagay ayon sa kaniyang sukat, anumang laban sa kaniyang estado ay tinuturing niyang dapat ikagalit, kahit pa suportado ito ng Kasulatan. Bukod sa pagkakasala sa pagkagalit (na siguradong may naunang mental na kasalanan ng pananaghili), madalas nasusundan ito ng kasalanan ng dila (gaya ng “Mag-re-resign na talaga ako!”), na minsan ay susundan ng kasalanan ng mga kamay (hindi naman tinupad ang sinabi- overt sin), na susundan ng mental attitude sin ng guilt at ng pagtatakip at pagsisinungaling (“Hindi ako nakasabi niyan,” kahit pa maraming nakarinig at nakasaksi), indirektang pag-aakusa ng kapatid (dahil kung ipipilit niyang hindi niya ito sinabi, ibig sabihin nagsisinungaling ang mga kapatid na nakarinig at nagpatotoo) at akusasyon sa object ng galit (“Matigas ang puso” palibhasa nag-set ng boundaries). Sa loob ng ilang segundo, gaya ng isang maninigarilyong nagsisindi ng sigarilyo gamit ang upos ng paubos na sigarilyo, sunod-sunod na kasalanan (“hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos “) ang naisagawa. Ang kawalan ng awareness at accountability at repentance (kaya sa susunod na verse sasabihin ni Santiagong iwaksi ang kasamaan) ay magpapakain ng siklong ito.
May karunungan tayong makukuha kay Santiago. Kapag nahaharap sa pagsubok, makinig, itikom ang bibig at huwag magalit. Huminga ng malalim and step back. Ang magpatuloy ay siguradong magreresulta sa kasalanan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment