Ako Ay Isang Bantay
Ezekiel 33:6 Nguni't kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya'y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.
Ako ay isang bantay. Trabaho ko ang magbigay ng babala sa kongregasyon upang maiwasan nila ang kamatayang dala ng kasalanan, San 1:15. Tungkulin kong ituro sa kanila ang buong panukala ng Diyos upang kanila itong matupad at hindi dalhin ng kasalanan sa kamatayan.
Ako ay isang bantay. Nakasalalay sa agarang pagbabalita ang kaligtasan ng aking binabantayan. Kung sila ay makikinig sa babala, matatamo nila ang kapunuan ng buhay.
Ako ay isangg bantay. Ang aking trabaho ay magbabala. Ang obligasyong makinig ay nasa mga tao. Gustuhin ko mang pilitin silang makinig, wala akong magagawa kung ayaw nila.
Ako ay isang bantay. Alam kong hindi popyular ang aking posisyun. May mga mag-aakalang ginagamit ko ang posisyun upang manipulahin ang mga tao- nagbibigay ng babala kahit wala namang panganib at nananahimik kapag mayroon. Tanggap ko na bahagi ito ng pagiging bantay.
Ako ay isang bantay. Minsan ang aking babala ay salungat sa ibang bantay. Hindi maiiwasang magkaroon ng pagtatalo sa tamang babala. Pero kung ang ibang bantay ay may pagnanasang protektahan ang kongregasyon, handa akong makipagtulungan sa kahit na sinong bantay.
Ako ay isang bantay. Trabaho kong makipaglaban kung kinakailangan upang magkaroon ng panahon ang kongregasyon ng maghanda. Ako ang unang sasagupa at pinakahuling aatras. Tanggap kong nangangahulugan itong magkakasugat ako, at kung kulang sa palad, mapapatay.
Ako ay isang bantay. Hindi ako papayag na may mapahamak sa aking pagbabantay. Magalit man ang iba, itataboy ko sila sa palayo sa kapahamakan.
Ako ay isang bantay. Hindi ako umaasang pasasalamatan ako ng aking binabantayan. Ang makita silang ligtas ay sapat nang kabayaran.
Ako ay isang bantay. Alam kong ito ay isang nagsosolong trabaho. Hindi ka nila maintindihan, sadya ka nilang hindi iintindihin, walang gustong umintindi sa iyo. Ang mahalaga ay naiintindihan ko ang aking trabaho.
Ako ay isang bantay at ako ay napapagod. Gusto kong magpahinga pero hindi pa tapos ang trabaho. Hanggang walang papalit na bagong bantay.
Ako ay isang bantay. Iyon lang ako. Wala akong pangarap na pagkilala. Magbabantay ako. At magbabantay. Bahala ang ibang maghanap ng rekognisyon. Pag natapos ang aking pagbabantay, uuwi ako at magpapahinga upang muling magbantay.
Ako ay isang bantay. Hindi glamoroso. Walang magarang panlabas na damit. Pero mapagmatyag sa loob.
Ako ay isang bantay. Hanggang kailan ba ako magbabantay?
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment