Thank You Lord for 2024
Lord maraming nangyari ngayong 2024. May masaya, may malungkot, may problema ngunit mayroon ding celebrations. Sa lahat ng mga ito, Lord iningatan mo ako, iningatan mo ang aking pamilya at mga mahal sa akin, iningatan mo ang aming simbahan at iningatan mo ang aming bansa.
Lord, salamat sa iyong biyaya na patuloy mong binibigay sa iyong mga anak. Salamat sa kaloob ng buhay na walang hanggan na pinangako mo sa lahat ng nanampalataya kay Cristo, hiwalay sa gawa, relihiyon o moralidad, kundi nakasalalay lamang sa pananampalataya kay Cristo. Salamat at ang kaligtasang ito ay permanente, secured sa iyong Persona at gawa, at hindi sa aming nagbabagong katapatan, katuwiran at katiyagaan. Salamat na minsang nanampalataya, ligtas kailan pa man.
Salamat sa iyong probisyon ng Salita. Sa oras ng pangangailangan, ang iyong Salita ang aming lakas, ang moog na natatag sa aming kaluluwa. Ito ang pinaghuhuhutan namin ng lakas at sagot sa anumang ibato ng buhay.
Salamat sa simbahan. Salamat sa komunidad ng mga mananampalatayang nagtitipon upang sama-samang matuto tungkol sa iyo at gamitin ito sa pang-araw-araw na buhay. Salamat sa mga kapatid na handang gamitin ang kanilang kaloob upang linangin ang iyong simbahan, patatagin ang bawat isa at sama-samang lumago sa maturidad ni Cristo.
Salamat sa pag-iingat mo sa aming pamilya. Salamat at buo ang aming pamilya at sama-samang naglilingkod sa Iyo. Salamat sa patuloy mong pagbibigay ng aming mga pangangailangan. Salamat sa paglayo sa amin sa kapahamakan, sa masamang kaisipan at plano ng mga tao at demonyo. Salamat sa biyayang nag-iisa sa amin sa paglilingkod sa Iyo.
Salamat sa mga kaibigan na hindi kami tinalikuran. Salamat at sa mundong puno ng kataksilan, nandiyan sila upang suportahan kami.
Salamat sa magandang kalusugan. Salamat at nagagamit namin ang katawan at isipang ito sa paglilingkod sa Iyo.
Salamat at may trabaho ako. Sana patuloy mong pagpalain ang aming mga pinagkukunan ng kabuhayan. Pagpalain mo ang aming mga hayop at pananim. Ilayo mo kami sa pwersang sisira sa amin.
Ama, salamat sa lahat ng ginawa Mo para sa amin. Kung aking isusulat ang lahat Mong kabutihan, sa araw-araw, minu-minuto, qt segu-segundo ng aming buhay, hindi namin sila mabibilang. Salamat Ama sa 2024 at patuloy naming hinihingi ang Iyong biyaya sa 2025.
Ama luwalhatiin ang Iyong pangalan at ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, ngayon at kailan man. Pinapasalamat namin ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at pangalan ng Panginoong Jesucristo. Amen.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment