Pupunta ba ako sa Langit kung mag-aabuloy ako ng pera sa simbahan?
May pagkakataon sa kasaysayan ng Cristianismo na inisip ng mga taong mabibili nila ang kaligtasan. Hindi nila ito sinasabi sa ganitong diretsong paraan ngunit ang ideya ay pareho, kung magbibigay ka ng pera sa simbahan, aakyat ka sa Langit, o at least makatutulong ito.
Ito ay salungat sa tinuturo ng Biblia. Ayon kay Pedro hindi ginto at pilak ang pinantubos sa mga Cristiano mula sa kanilang walang kabuluhang buhay kundi ang dugo ni Cristo. Nang subukan ni Simon Magong bilhin ang karapatang magpatong ng kamay at magbahagi ng Espiritu, tahasan siyang sinabihan ni Pedrong mapapahamak siya kasama ng kaniyang salapi. Ayon sa Mang-aawit walang sinumang makabibili ng kaluluwa ng kaniyang kapatid mula sa kamatayan.
Sa halip ang tinuturo ng Biblia ay ang kaligtasan ay biyaya ng Diyos na tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang. Namatay si Cristo sa krus upang bayaran ang penalidad ng mga kasalanan. Walang perang makagagawa niyan. Walang tao na makapagsasabing siya ay pupunta sa impiyerno ng dahil sa kasalanan dahil si Cristo ang naging pampalubag-loob para rito. Ang tanging kailangang gawin ng tao upang matamo ang kapakinabangan ng kamatayang ito ay manampalataya kay Cristo.
Hindi mabibili ng pera ang kapatawaran. Hindi mabibili ng pera ang katuwiran. Hindi mabibili ng pera ang kabanalan. Hindi mabibili ng pera ang buhay na walang hanggan. Hindi mabibili ng pera ang mga biyaya ng Diyos na binigay Niya ng libre upang tanggapin ng tao sa pamamagitan ng pananampalataya. Ginawa Niya ito upang maging pantay sa lahat- mayaman man o mahirap ay maaaring manampalataya at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ginawa Niya ito upang matanto nating wala tayong magagawa upang iligtas ang ating mga sarili kundi manampalataya lamang kay Cristo.
Kung mababayaran natin ang ating kaligtasan, hindi na kailangang mamatay ni Cristo sa krus.
Mahalaga ang pera sa mga bagay na maaaring paggamitan nito. Magagamit ito upang tulungan ang nangangailangan. Magagamit ito upang ipambili ng pagkain, damit, at nesesidad ng buhay. Hindi ito magagamit upang bilhin ang buhay na walang hanggan o kahit anong uri ng espirituwal na pagpapala.
Ibigay mo man ang iyong lahat ng kayamanan sa simbahan kung hindi ka nanampalataya kay Cristo, hindi ka pa rin aakyat sa Langit. Ang tanging daan ay si Cristo (Juan 14:6), hindi ang abuloy.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment