Pupunta ba ako sa Langit kung lagi akong magsisimba?

 


Isa sa mga tanong na tumatakbo sa isipan ng isang tao ay, "Makapupunta ba ako sa Langit kung ako ay laging magsisimba?" Marahil pumasok na rin iyan sa iyong isipan. 

Ang diretsong sagot ay hindi. Hindi makatutulong ang pagsisimba upang makapunta sa Langit. Kahit pa magsimba ka araw-araw, hindi ka makapupunta sa Langit. Ang dahilan? Ang kaligtasan ay hindi nakabase sa ating mga gawa at katapatan, kundi sa biyaya ng Diyos. 

Nang si Jesus ay namuhay sa lupa, ang numero unong oposisyun sa kaniya ay nagsimula sa mga taong maituturing nating taong simbahan. Nanguna ang mga Fariseo, mga Saduceo at mga eskriba sa pagtakwil sa Panginoon. Kung ang pagsisimba o pagiging relihiyoso ay garantiya ng kaligtasan, sila sana ang unang yayakap sa Panginoon. Ngunit sa isang kabaligtaran ng kapalaran, ang mga patutot at makasalanan ang unang lumapit sa Panginoon.

Namatay si Jesus sa krus sa isang dahilan- ang bayaran ang kasalanan ng lahat ng tao sa sanlibutan. Namatay Siya upang bayaran ang kasalanan ng mga patutot at makasalanan; namatay din Siya upang bayaran ang mga kasalanan ng mga Fariseo, Saduceo at eskriba. Pagdating sa kaligtasan, walang bentahe ang palasimba at hindi. Sila lahat ay pantay-pantay lamang sa harap ng Diyos. Ang kundisyon ay pareho- pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Nakatutulong ang pagsimba kung ang simbahan ay nagtuturo ng impormasyon na magtuturo sa tao ng mensahe ng buhay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. Ngunit kung ang simbahan ay nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa, ang pagsisimba ay hadlang pa sa kaligtasan- kinukundisyon nito ang mga taong itakwil ang libreng biyaya ng Diyos. 

Kahit ngayon, ang pinakamahirap abutin ng mensahe ng buhay na walang hanggan ay ang mga relihiyoso. Iniisip nilang sila ay malinis, at ang evangelio ay mas maiging ibahagi sa mga tinuturing nilang makasalanan. Samantalang ang evangelio ay laging may bukas na pintuan sa bahay ng mga kinikilala ang kanilang kasalanan at kawalan ng katuwiran, ang hirap ipaunawan sa isang relihiyoso na gaya ng iba, ng lahat actually-Roma 3:23- siya ay makasalanan din at nangangailangang manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan. Iniisip niyang dahil siya ay palasimba, awtomatikong magbubukas ang pintuan ng Langit. Iniisip niyang sapat ang kaniyang mabubuting gawa at kulang ang kaniyang kasalanan at walang dahilan ang Diyos upang hindi siya tanggapin. Kaya mahirap sa kanilang tanggapin na hindi sila maliligtas ng kanilang pagsisimba at kabutihan ngunit kagaya ng lahat ay kailangang sumampalataya kay Jesus. 

Marahil naiinsulto siya sa ideyang siya at ang mga makasalanan ay pareho lang ang kalagayan sa harap ng Diyos- nangangailangan ng kaligtasan. Kung binabasa mo ang blog na ito, huwag mong sayangin ang panahon. Kung hindi ka pa sigurado sa kaligtasan, sumampalataya ka kay Jesus. Ang kaligtasan ay isang libreng regalo at hindi matatamo sa sariling kabutihan. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?