Pakitang-Tao
Una sa lahat hindi tayo tutol sa pagdokumento ng mga karidad. May mga organisasyon na kailangan ang mga ito sa reports. May mga indibidwal na kailangan ito for accountability purposes, lalo kung ang mga inabuloy ay donations o solicitations. Nagbibigay ito ng legitimacy sa proyekto. Nalalaman ng mga donors kung napapasaan ang kanilang pera. Nakakahikayat ito sa mga potensiyal supporters. Ang kinokondena ay ang mga gawang umaagaw ng atensiyon sa kaniyang sarili. Mga proyektong kulang na lang siya na ang isupot at ipamigay sa mga tao.
Sa Mateo 6, kinondena ng Panginoon ang mga taong kagaya nito.
Sa v1-4, narito ang isang "giver." Sa paggawa niya ng mga korporal na gawa ng awa, sinisiguro niyang alam ng lahat na siya ang mabait at generosong tagapagbigay upang purihin siya ng mga tao. Hindi naman siya interesado sa kapakinabangan ng binibigyan; ang gusto niya ay atensiyon na binibigay nito sa kaniya.
Sa vs 5-15 ay ang "prayer warrior." Nais niyang ipangalandakan sa lahat na siya ay mapanalanginin. Ang haba na ng prayers, ang dami pang pasikot-sikot. Sa paglarawan pa lamang ng Diyos, aabutin na sa 100 na adjectives, at by the time na umabot sa petition, mayroon ka nang napakahabang prayers na binubuo ng pagkadami-daming compound-complex sentences at conjunctions. Mayroon din siyang mga verbal formulas na paulit-ulit. Mas hawig pa sa magic incantation ang kaniyang prayers kaysa paghingi ng tulong ng pangangailangan.
Sa vs 16-18 ay ang "fast-er." Kailangan niyang ipakita sa pamamagitan ng lukot ng kaniyang mukha ang nararamdamang gutom. At naaamoy mo rin ang kaniyang kabanalan.
Marami pa ring ganito sa simbahan natin ngayon.
Nariyan ang mga taong isang taong hindi sumilip sa simbahan ngunit sa panahon ng ambagan, sinisiguro niyang alam ng lahat na siya ang pinakamalaking donor. Sagot ko na iyan, sagot ko na ito. Ako na ang bahala diya, ako na ang bahala nito. Hindi mo maiwasang matanong, "Siguro kung regular itong nagsisimba, at regular na nag-aabuloy, tataas ang church collection at hindi na kailangang manghingi ng donation o mag-solicit sa iba." Pero siyempre ang tahimik na paghuhuloy sa collection box kapag Linggo ay hindi kasin-dramatiko ng isahang malaking abuloy kapag may ganap.
Narito ang mga prayer warriors na mas mahaba pa ang prayers kaysa aktuwal na sermon. Wala tayong tutol sa mahabang pribadong panalangin dahil iyan ay personal sa pagitan mo at sa Diyos. Ngunit ang mahabang public prayers ay isang uri ng pagtatawag atensiyon sa sarili. Ang public prayers ay dapat straight to the point. Ang mga adjectives at adverbs ay bagay sa essay, hindi sa public prayers. Hindi rin madadala sa magic ang prayers kaya walang dahilan upang gumamit ng verbal formulas. Sa panalangin kausap natin ang Diyos at nais ng Diyos na kausapin Siya bilang isang anak na dumadaing sa kaniyang Ama. Hindi ko maintindihan kung bakit ang lakas-lakas mg boses sa pang-araw-araw na kumbersasyon pero pagdating sa prayers biglang lumiliit, may pabuntong hininga pang nalalaman at nagkakatono pa. Pinapraktis na rin ba ngayon ang prayer voice?
Marami ang hindi na nagpa-fasting maliban kun magpapa-laboratory pero marami tayong maiisip na iba pang ritwal na pamalit. Gaya ng pag-anunsiyo ng iyong "mga ginawa" para sa Panginoon, casual name-dropping ng mga sikat na ministrong "kabungguang-balikat," pagbigay-diin sa seminary experience at pagmamaliit sa mga taong hindi kasing sipag o kasing produktibo mo. "Hindi kita matiwalaan kasi blah, blah, blah," o kaya ay "Kapag hindi nagsimba, anak iyan ni Satanas." Gusto kong malaman kung na-file ba ang birth certificate ng satanitong ito.
Ang mga ito ang mga taong sa pang-araw-araw na paglilingkod ay hindi mo makita pero kapag may okasyon ay gusto nasa kaniya lahat ng limelight. Gusto laging nasa kaniya ang ilaw at mikropono sa halip na nagtatrabaho sa likod upang maging matagumpay ang proyekto.
Ang espirituwal na buhay ay resulta ng pang-araw-araw na desisyon, ng paggamit ng Salita mg Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang espirituwal na buhay ay hindi poser game kapag Linggo (o anumang araw ng pagsamba). Malinaw na sinabi ni Jesus na ang sinumang naglilingkod upang purihin ng tao ay nakatanggap na ng gantimpala- ang papuri ng tao. Kung gusto natin ang gantimpala mula sa Diyos, gawin natin ang paglilingkod sa sikreto (hindi agaw-atensiyon), para sa Diyos at hindi sa tao.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment