Nakakapagod
Nakakapagod mabuhay. Ang sarap matulog nang napakahaba. O magpakalayo-layo sa walang nakakakilala sa iyo.
Sana may luxury tayo nang ganito, ano? Pero ang totoo, gaano ka man kapagod, babangon at babangon ka pa rin. Dahil may naghihintay at nangangailangan sa iyo.
Sana lahat ng pagod ay kaya lang alisin ng pahinga. Ilang oras na tulog, okay na. Ayos na. Iinom mo ng malamig na coke, recover na.
May mga pagod na nangangailangan nang mas mahabang pahinga. Yung tipong magbabakasyon ka sa malayo. Magtatampisaw sa tubig at kakain sa ilalim ng buwan.
Gaano man katagal ang kailangan, ang ganitong pagod ay nadadaan sa pahinga. Once makahinga ang adrenal glands, okay na ulit.
Ngunit may pagod na hindi madadaan sa pahinga. Kahit gaano kahabang tulog o gaano ka-engrandeng bakasyon, hindi maaalis ang pagod na ito. Ito ay pagod hindi ng katawan kundi ng kaluluwa. Ito ang pagod na tinutukoy ni Cristo:
Mateo 11:28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.
Ito ang pagod na nararamdaman ng isang kaluluwang naghahanap ng buhaybna walang hanggan. Ito ang pagod ng isang makasalanang naghahanap ng espirituwal na pahinga. Walang bakasyon o anumang uri ng escapism ang makakatighaw ng pagod na ito. Ang tanging solusyon ay mananampalataya kay Cristo, Juan 3:16; 5:24; 6:47.
Sa sandaling mananampalataya ka na, mayroon pa ring uri ng pagod na maaari mong maramdaman- ito ay ang pagod na dulot ng pamumuhay sa mundong ito. Bilang anak ng Diyos (Gal 3:26) na namumuhay sa mundong nasa kontrol ni Satanas, mapapagod ka kung aasa ka lang sa iyong sariling lakas. Kaya ang alok ni Cristo ay:
Mateo 11:29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.30 Sapagka't malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.
Ang pahingang ito ay para lamang sa mga mananampalataya kay Cristo. Angkinin natin ang pangako ng Diyos at haluan ng pananampalataya at makararanas tayo ng kapahingahan, Hebreo 4:1-2. Ang kapayapaan ng Diyos ang nag-iingat sa isipan ng pagod na mananampalataya, Filipos 4:6-9.
Ngunit may ikatlong pagod na ang solusyon ay simpleng assurance na may nagmamalasakit. Ito ang pagod na yakap ang kailangan. Ito ay resulta ng pagkakaroon ng isang kaibigang mas malapit pa sa kapatid. Ito ang pagkakaroon ng kompidante, isang taong masasabihan mo bg problema, anuman ang mangyari. Ito ang yakap ng asawa, matalik na kaibigan, pastor, magulang, kapatid o anak. Masuwerte ang taong may ganito sa kanilang buhay. Kung may ganitong tao sa iyong buhay, alagaan mo at huwag mong pakakawalan. Hindi lahat ay mapalad na makasumpong ng tatayo sa oras ng pag-iisa at kagipitan.
Ito ang pagod na nagtutulak sa ibang takasang tuluyan ang buhay na ito, nagpapakalango sa bisyo at sa ibang kaso ay nagpapatiwakal. Kapag ito ay sinamahan ng espirituwal na pagod, mahuhulog ang tao sa isang balong walang sinuman ang makakadungaw maliban sa mismong tao at sa Diyos.
Ang magandang bagay ay gaano man kalaki ang pagod, hangga't hindi ka sumusuko, may pag-asa pa. Hanapin mo kung anong pahinga ang iyong kailangan. Ngunit unahin mo ang kapahingahang hatid ni Cristo.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment