Nagpasimula pero hindi tinapos


Lukas 14:28 Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin,30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin.

Magkaiba ang pagiging mananampalataya at pagiging alagad. Ang sinumang sumampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan at pupunta sa langit. Ngunit upang maging alagad, kailangan ang pagsunod, katapatan at mga gawa. 

Mahirap ang maging alagad dahil ito ay may kapalit, may kabayarang dapat bayaran. Ang pagiging Cristiano ay madali, ang sinumang sumampalataya kay Jesus ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang maging Cristianong alagad ay mahirap. Nangangailangan ito ng pagpaplano. Kailangan mong ikunsidera kung ano ang kaya mong mawala sa iyo. 

Sa kapitulo 14, kinumpara ni Jesus ang pagiging alagad sa pagtatayo ng moog. Anumang estrukturang itatayo ay dapat pinaplano. Alam mo dapat kung anong materyales ang bibilhin, magkano ang mga ito, ilang manggagawa ang kailangan, magkano ang gastos sa labor, atbp. Sa madaling salita, walang matinong tao ang basta lang magsasabing magtatayo ako ng moog na hindi man lang naupo upang bilangin ang halagang gugugulin at kung kaya ba niya itong bayaran. Kung hindi niya ito gagawin, kung sige lang nang sige at bigo siyang maitayo ang moog, pagtatawanan siya ng mga tao at lilibakin dahil hanggan lang siyang simula, hindi naman matapos. 

Sa tingin ko lahat naman tayo ay nauunawaan ang simpleng talinhagang ito. Kumukunsulta pa tayo ng arkitekto at inhinyero upang masigurong cost-effective ang ating trabaho. 

Ngunit pagdating sa espirituwal na buhay, hindi natin ito naii-apply. Sa hindi malamang kadahilanan, iniisip nating lalago tayo sa espirituwal na buhay bilang mga alagad nang walang plano o blueprint kung paano. Tulad ng isang bangkang papel, kuntento na tayong anurin ng baha ng buhay sa kung saan-saan. Hindi tayo makararating sa ating goal- ang maturity ayon sa standards ni Cristo. 

Sa espirituwal na buhay kailangan nating maging intensiyonal sa pamumuhay. Kailangan natin ng plano. Paano ba natin maaabot ang maturity? Ano ang dapat gawin? Ang mga ito ay nakasulat sa ating mga Biblia at naghihintay lang na gamitin. 

Alam nating ang paglago sa espirituwal na buhay ay nakadepende sa ating sipag sa pag-aaral ng Kasulatan at paggamit nito sa buhay. Ngunit ilan sa atin ang naglalagay ng oras upang basahin ang Biblia? May mga Cristianong nabubuksan lang ang Biblia pag Linggo at may mga Cristianong hindi nakabukas kahit minsan ng Biblia. 

Alam natin ang kahalagahan ng pagsisimba pag Linggo. Ngunit ilan ang nagpaplano ng kanilang iskedyul upang masigurong bakante sa araw na iyon at malayang makipagtipon? 

Alam natin ang kahalagahan ng pagbabahagi ng evangelio sa iba ngunit ilan ang naglalagay ng oras para dito? 

Alam natin ang kahalagahan ng paglilingkod ngunit ilan ang nagboboluntaryo sa ministri? 

At dahil hindi involved and invested sa simbahan, ang pananampalataya at katapatan ay nanlalamig. Darating ang panahon hindi na nagsisimba at ano ang sasabihin ng mga hindi mananampalataya? "Hanggang sa simula ka lang pala." 

"Hindi ka pala makatiis hanggang sa huli."

"Hindi mo natapos ang iyong karera."

"Isa kang poser."

"Ningas-kugon."

Bakit nangyari ito? Kakulangan ng pagpaplano. Kawalan ng intensionality sa pamumuhay. Sige lang mang sige. Walang goal. Walang direction. Walang plano. Walang vision. 

Ang leksiyon ay malinaw. Ang sinumang nais maging alagad ay dapat maupo at magbilang kung kaya ba niya ang halaga ng pagiging alagad. Hindi ito kayang bayaran ng mayamang pinuno. Kaya ba natin itong bayaran (Lukas 14:33-34)?

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?