Magagalitin
Ecclesiastes 7:9 Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban: sapagka't ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.
Ang telebisyon ay puno ng balita ng mga taong nagpadala sa galit- gitgitan sa kalsada na nauwi sa trahedya, away sa pagitan ng magkakaribal na politiko at kompetisyon sa pagitan ng mga negosyante. Paglabas mo ng pintuan, makakakita ka ng mga kapitbahay na nagmumurahan at mga magpapamilyang nagsisigawan. Ang mundo ay galit.
Si Solomon ay may turo tungkol sa isyung ito. Ayon sa kaniya huwag kang magagalitin sa iyong kalooban. Ang galit ay hindi gumagawa ng katuwiran. Ang taong magagalitin ay siguradong mahuhulog lagi sa kaguluhan.
Ayon kay Solomon ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang. Samakatuwid isang kamangmangan ang maging magagalitin.
Ang laging galit kahit sa maliliit na isyu ay nagpapakita ng kawalan ng karunungan. Ang marunong na tao ay kinokontrol ang kaniyang sarili, pinag-iisipan niya ang mga konsekwensiya ng kaniyang kilos. Hindi siya basta nagpapadala sa kaniyang emosyon dahil alam niyang ang emosyon ay hindi nag-iisip.
Isa sa mga kasalanang aking kinatitisuran ay ang galit. Aminado akong mayroong akong anger issue. Ngunit sa biyaya ng Diyos, sinisikap kong disiplinahin ang aking sarili. Hindi ito madali dahil laban ito sa aking kalikasan. Kailangan kong laging alalahanin ang Salita ng Diyos at humugot ng lakas mula sa Espiritu Santo.
Kapag nakakaramdam ako ng galit ang lagi kong iniisip ay ano ang magiging konsekwensiya? Paano nito maaapektuhan ang aking testimonyo? Makatutulong ba ito sa sitwasyon? Kung ako ay tapat sa aking sarili, alam ko hindi. Maka-Diyos ba ang aking motibo? May galit na makatuwiran. Kahit si Cristo ay nagpakita ng galit sa kasalanan. Kung wala akong maiturong maka-Diyos na katuwiran, alam kong ang aking galit ay nagmumula sa laman at dapat kong daigin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Dahil kung aasa lang ako sa aking sarili, hindi ko makokontrol ang aking sarili.
Nais kong maging marunong. Paunti-unti, sa biyaya ng Diyos, umaasa akong maipapanalo ko ang digmaan laban sa galit.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment