1 Samuel 30:22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.
Marahil may nagtatanong, bakit wala ka nang naghahanda para sa Youth Fellowship at Thanksgiving? Maikling sagot: nasa bahay, naglalaba.
Bakit inuna mo pa iyan? Kasi kung hindi ko ito gagawin, mahahadlangan ang aking asawa at mga anak na pumunta sa simbahan.
You see, vice-president ng youth organization ang aking panganay at ang mommy nila ang kaniyang driver at manager. Si bunso ay kasama dahil tulong-tulong sila sa pagde-decorate at kung ano pang kailangang gawin.
Ibig sabihin ako ang maiiwan sa bahay upang saluhin ang mga trabahong bahay na sila dapat ang gagawa- ako ang magbabanlaw, magsasampay, magpapasok kapag umulan, maghuhugas, magpapakain ng aso atbp. Kung hindi ko aakuin ang paggawa ng mga ito, mahahadlangan si Naomi at Ephraim na magprep sa simbahan.
Kailangang may maiwan upang makabwelo sila sa paggawa.
Ang hindi ko pagpunta ay hindi nangangahulugang wala akong interes na tumulong sa simbahan. Nangangahulugan itong ako ang substitute maybahay.
Mayroon tayo nitong halimbawa sa Kasulatan. Ayaw kong ikumpara ang pagbabanlaw sa sakripisyo ni Pablo pero ang sabi niya sa mga taga-Colosas:
Colosas 1:24 Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia.
Anumang kakulangan ng mga taga-Colosas, si Pablo ang nagpupuno upang tuloy-tuloy lang ang patrabaho ni Cristo.
Ganuon din sa kaso ni Onesimus:
Filemon 13 Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio.
Anumang paglilingkod na hindi magawa ni Filemon, si Onesimus ang gagawa. Kung papayag si Filemong manatili si Onesimus kay Pablo.
Ang blog na ito ay isang apology (defense) kung bakit wala ako, in case na may mga banal na magtanong. Hindi ko kayo pinabayaan. Pero kailangan kong punuan ang trabaho ng misis ko at mga anak upang makabwelo sila sa paglilingkod sa simbahan. After all, hindi naman ako direktang involved sa mga programang iyan. Pero sila ay mga key persons na dapat in-situ.
Hindi ko naman kailangang nasa sentro upang makapaglingkod. From behind the scenes, maaari kang makatulong; halimbawa upang makabwelo ang mga key persons na gumawa.
Bakit kailangan ang apology na gaya nito? Dahil gaya ng mga tauhan ni David may nag-iisip na, hindi siya sumama, therefore wala siyang bahagi sa ministri na ito. Palibhasa hindi nakasama ang 200 sa kaniyang mga tauhan dahil sa pagod, gusto ng ilang masasamang tao sa 400 niyang kasama na sila ay palayasin nang walang bahagi sa samsam. Ngayon din naman, may nag-iisip na palibhasa wala ka sa pagpeprep, wala ka ring bahagi sa anumang programang gagawin.
Anong sagot ni David?
1 Samuel 30:24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi.
Nauunawaan ni David na bawat isa ay may bahagi sa trabaho. Ang iba ay lulusong sa pakikibaka at ang iba ay maiiwan sa daladalahan, samakatuwid ay magbabantay sa kanilang kampo. If you think about it useless ang manamsam sa mga kalaban kung ipapanakaw mo lang ito sa iba dahil walang bantay. In the first place kung may naiwan sa Ziklag upang bantayan ang kanilang mga pamilya at pag-aari baka hindi nasunog at nabihag ng mga Amalekita ang Ziklag. Division of labor ba. Bagama't sa kasong ito ay pagod at hindi pagbabantay ang dahilan at nagpaiwan ang 200, ito ay prinsipyong pinasunod ni David.
Sa pagawa ng Diyos may lulusong sa pakikibaka (mga key persons, proponents, speaker, etc) at may bantay sa daladalahan (mga behind the scenes, mga taong kailangang sumalo ng trabaho upang makabwelo ang mga key persons). Mahalaga ang dalawa dahil ang buhay ng isang programa ay nakasalalay sa mga behind the scenes. Habang binabati ng pastor ang kaniyang sarili sa matagumpay na programa, ang tunay na bayani ay ang mga behind the scenes na kawani. Kaya kada tapos ng isang activity, lagi akong nagpapasalamat sa mga tagahugas, tagahatid, taga-serve at tagaluto. Sila ang mga hindi kita pero kung wala sila, hindi makakabwelo ang mga tumatayo sa unahan. Visible ang mga speakers at proponents, pero kaya nila ito nagawa dahil may sumasalo ng kanilang trabaho.
Hindi ko ito sinulat upang palakpakan ako ng mga tao sa paglalaba upang makabwelo ang aking mga anak. Ito ang aking defense in case na may naghahanap, "Asan si Brother Dante?"
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment