Proud na ang kilos ay hindi gaya ng sanlibutan kundi sa biyaya ng Diyos


2 Corinto 1:12 Sapagka't ang aming pagmamapuri ay ito, ang pagpapatotoo ng aming budhi, ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Dios, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Dios, na kami'y nag-ugali ng gayon sa sanglibutan at lalong sagana pa nga sa inyo.

Pagkatapod isaysay ang mga hirap ng ministri, kabilang na ang posibilidad ng kamatayan, at ang bahaging ginampanan ng intercession ng mga taga-Corinto sa kaniyang kaligtasan mula sa mga paghihirap at kamatayang ito, sa v12 sinimulan ni Pablong ipagtanggol ang kaniyang minitri. Lumalabas na ang mga kaaway ni Pablo, gaya ng mga Judaiser, ay nagpapakalat ng masamang balita patungkol kay Pablo. Sa v12, nilinaw ni Pablong hindi ito totoo at nanawagan ng mga testigo sa kaniyang integridad, kabilang na ang budhi, ang Diyos mismo at ang mga taga-Corinto na saksi ng pamumuhay na ito. 

Ayon kay Pablo, ang kaniyang pagmamapuri ay nag-ugali siya nang may integridad sa harap ng sanlibutan at higit sa mga taga-Corinto. Sa madaling salita walang masasabi ang sanlibutan da kaniyang gawi, at mas lalong walang masasabi ang mga taga-Corinto. Ito ang kaniyang pagmamapuri. Ang salitang ginamit ay ang pamilyar na KAUCHESIS, na ginamit sa KJV nang 12 beses sa mga kahulugang rejoicing, glorying at boasting. Proud at kumpiyansa si Pablo na walang masasabi ang sinuman, mapa-sanlibutan man (hindi mananampalataya) o kahit ang mga taga-Corinto mismo. 

Ang pagmamapuring ito ay pinapatotohanan ng kanilang budhi o konsensiya. Mapalad ang taong hindi kinokondena ng konsensiya sa kaniyang kilos. Ito rin ay ayon sa kabanalan at pagtatapat sa Diyos. Samakatuwid, nasabi niya ang pagmamapuring ito nang ayon sa katapatan sa Diyos. Kahit pasumpain pa siya sa Biblia (SOP sa mga paglilitis), hindi siya nagsisinungaling. Totoo ang kaniyang pagmamapuri. Ito rin ay hindi ayon sa karunungan ng laman. Hindi gaya nang iba na nagmamayabang nang ayon sa laman, gaya nang kanilang kaalaman, galing o kasuotan, si Pablo ay hindi umaasa sa mga panlabas na basehang ito ng pagyayabang. Ito ay ayon sa biyaya ng Diyos. Nagmamapuri siya dahil sa kung sino at ano ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Hindi siya magmamapuri nang ayon sa sarili niyang lakas. 

Ano ang kaniyang pinagmamapuri? Na siya ay nag-ugali nang ayon sa "kabanalan at pagtatapat sa Diyos." Samakatuwid ayon sa katuwiran at integridad at katapatan sa Diyos. Hindi siya sinungaling at mapagsamantala kaninuman. Ilang tao ang makapagsasabi nang taas ang noo na siya ay namuhay nang banal at tapat sa Diyos? Ilan ang makapagsasabing hindi niya hinahanap ang paggalang ng sanlibutan? Ilan ang makapagsasabing namumuhay siya nang walang kundenasyon ng kaniyang konsensiya? Na hindi siya namumuhay nang matuwid kapag may taong nakakakita at namumuhay sa kasalanan kapag nag-iisa? Na hindi siya kinokonsensiya ng kaniyang ipokrisiya?

Kung ganito ang iyong pamumuhay, may karapatan kang magmapuri. Ito ay punto ng kagalakan at kaluwalhatian. Hindi ito dapat ikahiya. Ito ay dapat ipagmapuri. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama