Proud ako sa simbahang tinuturuan ko


2 Tesalonica 1:4 Ano pa't kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis;

Nang unang sinulatan ni Pablo ang mga Tesalonica, nagkomento siya kung paanong ang pananampalataya ng mga taga-Tesalonica ay batid ng lahat na hindi na ito kailangang banggitin pa, 1 Tes 1:8-10. Hindi na ito kailangang banggitin pa dahil alam ng lahat na ang pananampalataya ng mga taga-Tesalonica ay buhay at tinalikuran nila ang mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos. Anong ganda na marami ang nagpapatotoo sa pananampalatayang ito.

Makalipas ang ilang panahon, muli siyang sumulat upang itama at sagutin ang ilang tanong eskatolohikal. Hindi lamang na ang pananampalataya ng mga taga-Tesalonica ay nanatili, ito ay lalo pang lumago. Anupat sabi ni Pablong pinagmamapuri (ENKAUCHASTAI mula sa pamilyar na KAUCHAOMAI) niya ito saan mang iglesia siya magtungo. Malaki ang kagalakan ni Pablo sa pananampalatayang ito na kaniya itong pinagmamapuri at kinukwento sa iba. Gaya ng magulang na walang sawang ibida sa iba ang kagalingan ng anak, si Pablo ay walang tigil sa pagmamapuri sa mga taga-Tesalonica saan mang iglesia siya pumunta. 

Ano ang saligan ng pagmamapuri ni Pablo? Ang laki ba o yaman ng simbahan? Ang kanilang magandang pananamit o magandang lokasyon ng gusali? Ang bagong pag-aari at sasakyan? Hindi! Nagmamapuri siya sa sa pagtitiis at pananampalataya sa gitna ng pag-uusig at kapighatiang kanilang pinagdaraanan. Ang personal nilang espirituwalidad ay nakikita sa kanilang pang-araw-araw na buhay! Ilang Cristiano ang nagpupuri sa Diyos sa araw ng kasaganaan ngunit unang kumakalas kapag nasa kapighatian? Hindi sila sunny weather faith kundi pananampalatayang naka-angkla sa Kaniyang hindi matitinag.

Ang reaksiyon ni Pablo sa kalagayang ito ng mga taga-Tesalonica ay magmapuri. Wala palang masama na magalak at magmapuri at magluwalhati sa paglago sa pananampalataya ng simbahang iyong pinaglilingkuran. Sa Filipos, kampante si Pablong sa Bema, maraming gantimpalang tatamuhin ang mga Cristiano. Ang isyu ay ang saligan ng pagmamapuri. Kung ang pagmamapuri natin ay sa mga bagay ng laman (laki at yaman ng simbahan, mga asosasyon at propridades), oo makasalanan ang pagmamapuri. Ngunit ang ipagmapuri ang paglago ng pananampalataya ay isang bagay na dapat tularan.

Proud ka ba sa simbahan mong kinaaaniban? 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay