Parehong proud sa isa't isa
2 Corinto 1:14 Gaya naman ng inyong bahagyang pagkilala sa amin, na kami'y inyong kapurihan, gayon din naman kayo'y sa amin, sa araw ng Panginoong si Jesus.
Bagama't bahagya lamang ang pagkakilala ng mga taga-Corinto kay Pablo (imposibleng ganap na makilala ang isang tao sa buhay na ito; kahit ang matagal nang mag-asawa ay maraming nadidiskubre sa bawat isa), umaasa si Pablo na bahagi ng bahagyang kaalamang ito ang pagmamalaki kay Pablo sa araw ng Bema.
Ang salitang ginamit ay KAUCHEMA na gaya ng nabanggit na ay ginamit sa KJV bilang "rejoicing, boasting, glorying." Umaasa si Pablo na ipagmamapuri o ipagmamalaki siya ng mga taga-Corinto sa Bema. Ito ay resiprokal na pagmamapuri dahil ang mga taga-Corinto ay ipagmamapuri ni Pablo sa harap ng Panginoong Jesus. Dito may kaso tayo nang pagmamapuri na tama at dapat iresiprokal. Gaya nang paulit-ulit nang nabanggit sa serye ng blogs na ito, hindi lahat ng pagmamapuri ay mali, maraming pagmamapuring binabanggit ang Kasulatan na dapat gawin, kabilang na ang sitas na ito.
Sa Bema, mahahayag ang gawa ng lahat at umaasa si Pablong pag nangyari ito, ipagmamapuri ng mga taga-Corinto si Pablo. Anong sarap pakinggang ipagmapuri ka ng mga taong iyong pinagtatrabahuhan. Ang masakit ay ang nag-aakala kang naglilingkod pero sa huling analysis ay hindi pala dapat. Ang mga inaakala mong dapat ikapuri ag nasumpungang hindi nakaabot sa pamantayan ng Diyos.
Anong saya ng resiprokal na pagmamapuri. Pinagmamapuri ni Pablo ang mga taga-Corinto bilang sagana sa pananampalataya at kaloob. Kung ipagmapuri siya ng mga taga-Corinto, kumpleto na ang siklo para kay Pablo.
Sa araw ng Bema, gantimpalaan ni Cristo ang pagpapagal ng mga taga-Corinto at ni Pablo, sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan; at gagantimpalaan Niya ang ating pagpapagal. Huwag magsawa at huwag sumuko.
Comments
Post a Comment