Pagmamapuri sa krus ni Cristo


Galatia 6:14 Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan.

Sa v13 may binabanggit si Pablong mga nagpatuli ngunit hindi naman sumusunod sa Kautusan. Gusto nila ang seremonya ng pagtuturi ngunit hindi ang pagsunod na kaakibat nito. Iniisip nilang sa kanilang selektibong pagsunod (pagpapatuli ngunit hindi pagsunod sa Kautusan) ay nasunod na nila ang Kautusan. Sa Gawa 15 marami ang nais ipatuli at ipasakop ang mga Gentil na mananampalataya sa ilalim ng Kautusan; isang bagay na tinutulan ni Pablo at ng mga kasama. Ang tao ay nagiging matuwid at karapatdapat (pinatawad at nilinis ang puso) sa pamamagitan ng biyaya at pananampalataya, hindi Kautusan.

Bakit nais ng mga Judaiser na itong ipatuli ang mga taga-Galatia? Upang magmapuri sa kanilang laman. Anumang pagmamapuri sa Kautusan, na isang uri ng pagmamapuri sa laman, ay mali. Marami nito ngayon. Maaaring hindi nila ipinipilit na magpatuli ang mga tao upang maligtas o maging banal ngunit nais nilang ipasakop ang mananampalataya sa artipisyal na pamantayang gawa ng tao- paano magdamit, magsalita o kumilos. Ang mga ito ay pagmamapuri sa laman. Ilang tao ang kilala ninyong proud sa kaniyang pagiging relihiyoso?

Sa halip na magmapuri sa laman (at Kautusan) si Pablo ay nagmamapuri sa krus ni Cristo. Ang mga salita sa pagmamapuri sa v13 at 14 ay parehong porma ng pamilyar ng salitang KAUCHAOMAI, "rejoicing, glorying, boasting." Ayaw ni Pablo na magmapuri sa laman ("malayo nawa sa akin") ngunit pabor siya sa pagmamapuri sa krus ni Cristo ("maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo"). Ang krus ay krus ng kahihiyan at kamatayan. Ito ang ultimate na pagtakwil. Sa krus ni Cristo nasumpungan ni Pablo ang tunay na pagmamapuri. Sa halip na naisin ang aprubal at palakpak ng sanlibutan (kasama na ang balidasyon ng relihiyon), napako si Pablo (patay na siya sa inaasahan, pagpapahalaga at kilos ng sanlibutan) sa sanlibutan at vice versa. Wala siyang nais mula sa sanlibutan. Nakikibaka siya na tila patay na. Namumuhay lamang siya, at ito ang kaniyang kapurihan, para kay Cristo.

Sa halip na magmapuri sa damit na suot, sa asosasyong kinaaaniban, sa kilos na mabini, o sa aprubadong listahan ng mga salita, magpakumbaba tayo sa krus. Habang lumalago tayo, lalo tayong luluhod sa krus. Magmapuri tayo sa pagtakwil at kahihiyang binibigay ng sanlibutan. Magmapuri tayo sa krus. Huwag nating nasaing tanggapin tayo ng sanlibutan dahil sa pananamit, pananalita o pagkilos. Ibilang natin ang sariling patay sa sanlibutan at ito sa atin. Ito ang tunay na pagmamapuri: proud akong patay sa sanlibutan!


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)









Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay