Natuto kay KristinePh

 


Masaya kong ibabalita na ayon sa opisyal na balita ng aming lokal na pamahalaan na zero casualty ang aming probinsiya. Considering na hindi hamak na mas malakas ang bagyong PepitoPh kaysa kay KristinePh (ni hindi nga umapak sa signal 3 sa aming lugar), mas mahusay ang responde ng pamahalaan at ng mga tao kay PepitoPh kaysa kay KristinePh. Ni hindi nawala ang signal ng internet at sa loob ng kulang sa 24 oras, naibalik ang linya ng kuryente. At hindi gaya kay KristinePh na halos dalawang linggong suspensiyon ng pasok, dalawang araw lang nasuspindi ang klase. Wala ring masyadong pagbaha. Kaya congratulations sa lahat sa matagumpay na pagtugon kay PepitoPh. 

Malaking bahagi ng tagumpay na ito ay natuto kay KristinePh. Gaya nang aking nakaraang blog, marami ang nag-underestimate kay KristinePh. Sa isang probinsiya na sanay na sa Signal 5 at 4, ang signal 2 ay isang joke. Walang masyadong paghahanda ang mga tao dahil walang nararamdamang takot. Kami nga ni walang kandilang ekstrang natatago dahil umasa kaming daraan lang si KristinePh at aalis. Sino bang mag-aakala na marami siyang dalang ulan at babaha ang mga lugar na dati ay ni hindi binabaha? 

Sa kaso ni PepitoPh, dahil nadala kay KristinePh, maaga pa lang naghanda ang probinsiya. Congratulations sa aming lokal na pamahalaan. Tirik na tirik pa ang araw at wala pang signal na nakataas nagsuspindi na ng klase upang maihanda ang mga paaralan nilang evacuation area. Biyernes pa lang inihanda na ang mga evacuation at nagsimula na angga forced evacuations dahil sa inaasahang malakas (alam ng lahat na aabot sa super typhoon status si PepitoPh). May umikot pang mga tricycle ng barangay na nananawagan sa mga nasa delikadong lugar (gaya ng malapit sa bangin o tubig) o kaya ang bahay ay gawa sa light materials na lumikas na. Ang FB at messenger ay napuno ng panawagan ng paglikas kung iutos ng pamahalaan at kaliwa't kanan ang shared posts sa mga emergency numbers ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno. 

Nag-stock din ang mga tao ngayon ng pagkain, kandila at tubig. Nag-charge ng mga gadgets, ang iba ay namili ng mga solar lights (na artipisyal na nagpataas ng halaga ng mga ito), at nagsimulang magpatibay ng mga bahay. Kami mismo ay naglagay ng mga sand bags, naglagay ng trapal sa mga bintana at maagang naglaba at nagpasok ng mga gamit. Bumili pa kami ng solar radio upang may update (as it turned out hindi naman siya nagamit dahil bumalik agad ang kuryente at hindi naman nawala ang signal ng internet). Congratulations sa lahat!

Anong pagkakaiba sa responde kay KristinePh at PepitoPh? Kay KristinePh lahat ay kamapante dahil in-underestimate ang lakas nito (hindi nakunsidera na bukod sa hangin na basehan ng wind signal, factor din ang tubig na dala nito). Kay PepitoPh, bukod sa takot na dulot ng inaasahang super typhoon status, natakot na sa nakaraang pagbaha (lalo't may mga lugar bang basa at saturated ang lupa dahil kay LeonPh, MarcePh at NikaPh, kaya lahat ay naghanda. Mayroon pa nga akong narinig na nagbigay ng apocalyptic significance sa parade of typhoons (pero iyan ay a story for another day). Kaya naghanda ang lahat at tagumpay ang paghahanda ng lahat. Zero casualty is a win because a life lost is a life too many. (Huli kong basa ay nationally, may isang casualty si PepitoPh na napakababa kumpara kay KristinePh, pero still nakalulungkot ito). 

Anong mga aral ang gusto nating makita rito bukod sa kahandaan sa pisikal na unos ng buhay? Paano ito nakapasok sa isang Bible Blog? Chiefly, dahil gusto kong mag-share ng ilang spiritual insights. 

Una, kung gusto nating magtagumpay sa spiritual na buhay, we need a plan. A spiritual road map mula sa kung saan tayo patungonsa gusto nating destinasyon. Ang ating goal ay spiritual maturity at hindi natin ito maaabot kung wala tayong intensiyonal na mga hakbang. Ang gumising nang maaga kapag Linggo upang magsimba at umuwi at ulitin ito nang linggo-linggo ay hindi sapat. Binigyan tayo ng Diyos nang dalawampu't apat na oras sa isang araw; paano natin ito ginagamit? Sinisimulan ba natin ang umagang puspos ng Espiritu Santo at naggugugol ng oras para mag-aral at tumupad ng Kaniyang Salita? Naghahanap ba tayo ng oportunidad para sa creative na application ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Intensiyonal ba tayong i-manifest sa ating buhay ang Christian virtues at fruit of the Spirit? Handa ba tayong gamitin ang ating spiritual gifts upang mag-edify? Kung paanong kailangan mong maghanda upang magtagumpay sa pisikal realm, ganuon din sa spiritual. Kada segundo ng ating buhay ay investment na dapat pinaplano nang maigi. 

Ikalawa, mag-ingat sa pag-underestimate. It is better to err on the side of caution. Kung minsan in-underestimate natin ang temptation power ng kasalanan. Iniisip nating nakarating tayo sa punto ng maturidad na safe na tayo sa kasalanan. O kaya in-underestimate natin ang mga pangyayari sa ating buhay dahil pinagdaanan na natin ito before. Nalilimot nating bagama't may mga pagkakahawig, ang bawat pagsubok na ating hinaharap ay unique dahil sa variables na nagbabago. Oo dati naharap na tayo sa money problems pero nuon may abroad kang asawa, ngayon wala. Oo naharap ka sa pagkalugi noon pero dati may second stream of income ka. Oo nagkasakit ka nuon at nabayaran ninyo ang medical bills pero ang damage sa katawan ay cumulative, baka hindi na kayanin ng katawan mo ngayon kahit kaya naman sana ng bulsa. And on and on. Bawat hinaharap nating pagsubok ay invitation to ask for wisdom from God gaya nang sabi ni Santiago at oportunidad upang ibilang ang lahat na kagalakan. 

Ikatlo, magtiwala sa Diyos. At all times. For all the preparations na ginawa natin sa buhay, ang pinakamahalagang factor ay ang will of God. Hindi natin alam ang spiritual side of the story, baka nasa gitna tayo ng spiritual warfare/angelic conflict o tayo ay sinusubok sa kadalisayan ng ating pananampalataya. Lahat ng preparasyon sa mundo ay walang halaga kung hindi siya tuned in sa plano ng Diyos. 

Ikaapat, matuto tayo sa mga past lessons. Natuto tayo kay KristinePh kaya mas prepared kay PepitoPh. Gayon din, matuto tayo sa bawat pinagdaraanan natin sa buhay dahil ang mga ito ay spiral progression sa espirituwal na buhay. Doctrine is built on doctrines and spiritual maturity is built on previous maturity. Ang ating mga experiences ay binigay ng Diyos upang tayo ay lumakas at tumibay. 

Marami pang leksiyon ang makukuha natin pero sa tingin mo sapat na ito to prime your creativity. Ang mahalaga ay hindi tayo static but open sa mga oportunidad na isabuhay ang espirituwal na buhay. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay