Memorizing Scriptures: Lukas 15:24


Lukas 15:24 Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa.

Luke 15:24
[24]for this son of mine was dead and has come to life again; he was lost and has been found.' And they began to celebrate.

Narito ang isang pamilyar na kwento ng pagmamahal. Isang ama na may dalawang anak, isang panganay na disiplinado at isang bunso na bulagsak. Sa isang nakakahiyang hakbang, buhay pa ang kaniyang ama ay hiningi ng bunso ang kaniyang mana. Hindi na niya mahintay na mamatay ang kaniyang ama! Sa isang akto ng biyaya at pag-ibig, binigay ng ama ang kaniyang hinihingi at hindi nagpatumpik-tumpik ang anak na pumunta sa malayong lupain at magpakasasa sa kayamanan hanggang sa siya ay mabangkarote. Sa gitna ng paghihirap, naisip niyang bumalik sa ama at aminin ang kaniyang pagkakamali at handang maging alipin, tanggapin lamang ng ama. Alam nating naging mabiyaya ang ama sa kaniyang tratamento ng anak. 

Ito ang larawan ng ating Ama. Sa tuwing tayo ay nahuhulog sa kasalanan, Siya ay nag-aabang sa ating pagbabalik. Isang kumpisal, 1 Juan 1:9, ang naghihiwalay sa atin at sa Ama. Gaano man tayo mapalayo sa Ama, isang hakbang lang ang pagbalik- ihayag ang pagkakasala sa Kaniya. Hindi rito o ritwal kundi pagkumpisal ng kasalanan ang nagbabalik ng pakikisama. 

Sa ating sitas, ang mananampalatayang nasa kasalanan ay nasa sapatos ng alibughang anak. Habang sila ay nasa malayong lugar ng kasalanan, sila ay patay, hiwalay sa pakikisama sa Diyos. Ngunit sa sandaling ikumpisal ang pagkakasala, ang anak ay nabuhay at ito ay okasyon ng kasiyahan. Hindi ba't dapat tayong mapuno ng pasasalamat sa biyaya ng Diyos. Hindi na Niya tayo pinahirapan, ang tanging kundisyon ay pagkumpisal ng kasalanan. Ang dahilan ay ang kamatayan ni Cristo sa krus. Ito ang saligan ng kapatawaran sa lahat ng mga nagkasalang nagkumpisal. 

Ang sabi nila, ang ibong nabali ang pakpak ay hindi na makalilipad muling sintaas ng dati. Maaaring totoo ito sa mga ibon, ngunit sa biyaya ng Diyos, anumang kinumpisal ay pinatawad at nilinis at hindi makahahadlang sa espirituwal na buhay. Makalilipad ka muli na sintaas ng dati (spiritually speaking). 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay