Magmapuri sa sariling gawa at hindi sa gawa ng iba



Galatia 6:4 Nguni't siyasatin ng bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa.

May mga taong mataas ang tingin sa kaniyang sarili at ang kanilang persepsiyon ay higit sa katotohanan. Kung minsan ito ay dahil naka- "angkla" sila sa iba. Malakas ang loob dahil may padrino. Nagbibigay ito ng false sense of self at nagreresulta sa pag-aakalang siya ay may kabuluhan kahit wala Sabi ni Pablo ito ay pandaraya sa sarili (v3).

Sa v4 sinasabi ni Pablo na sa halip na magkaroon ng false sense of importance, dapat siyasatin ng tao ang kaniyang sariling gawa. Hindi siya dapat umasa sa gawa ng iba. Kailangan niya ng objective na pagsiyasat upang malaman niya kung ano ang tunay na kalagayan ng kaniyang gawa at halaga. Ito ay magbibigay sa kaniya ng KAUCHEMA, "rejoicing, boasting, glorying." Hindi ito makasalanang arrogance kundi objective na pag-alam sa tunay na kalagayan ng kaniyang mga gawa. Ang salitang siyasatin ay DOKIMAZETO, mula sa DOKIMAZO, to approve after testing. Hindi ito simpleng paglista ng lahat ng gawa ng tao, kahit sinong relihiyonista ay kaya itong gawin. Ito ay pagsiyasat na tulad ng pagsusuri ng ginto. Kapag naalis ang mga latak, saka lang masasabing aprubado o puro ang ginto. Ganuon din, higit sa paglista ay ang meditasyon kung ano ang motibo sa mga ginagawa. Ito ba ay upang makakuha ng aprubal ng iba? O ito ay resulta ng utos ni Cristo (pag-ibig)? Saka lang ito masasabing aprubado kung ang motibo ay kasama sa pagsusuri.

Hindi nangangahulugang hindi ka magsasaya o magmamapuri sa gawa ng iba. Maraming ulit, nagmamapuri si Pablo para sa mga taga-Corinto, taga-Tesalonica at taga-Filipos. Pero ito ay objective na tawag upang suriin ang sariling gawa kung ito ay pasado sa pamantayan ng pag-ibig. Hindi natin dapat iangkla ang ating gawa sa iba. Huwag nating isiping dahil ang ating asawa o mga anak ay naglilingkod, hindi na natin kailangang maglingkod dahil siya na ang representante ng pamilya. Ang gawa ng asawa ay kaniya; ang saiyo ay iyo lamang. Pareho silang susuriin at sa mga ito manggagaling ang kapurihan. 

Kailan tayo magkakaroon ng kapurihan? Sa Bema. Haharap tayo nang may kumpiyansa na ang ating gawa ay kapuri-puri at tatanggap ng gantimpala. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama