Ipinagmamapuri ang Generosidad na Katunayan ng Pag-ibig
2 Corinto 8:24 Inyo ngang ipakita sa kanila sa harapan ng mga iglesia ang katunayan ng inyong pagibig, at ng aming pagmamapuri dahil sa inyo.
Pamilyar sa lahat ang 2 Corinto 8-9 dahil ito ang ginagamit na basehan sa grace giving kapag offertory sa mga simbahan. Strictly speaking ang pinag-uusapan dito ay hindi ang koleksiyon mula sa mga miyembro kapag may simba kundi ang pagtitipon ng pera upang itulong sa mga kapatid sa Jerusalem na nangangailangan. Ang ambagang ito ay mas hawig pa sa ginagawa ng ABS-CBN Kapamilya o ng GMA Kapuso Foundations. Ang pag-aabuloy para sa pangangailangan ng mga kapatid ay patunay ng pag-ibig gaya ng sinabi ni Juan sa 1 Juan 3:17-18. Walang masama sa pagkuha ng mga prinsipyo sa grace giving mula sa tekstong ito basta naaalala natin ang konteksto ng koleksiyon.
Isa sa balita ni Tito ay hindi natapos ng mga taga-Corinto ang pinangakong ambagan. Lumalabas na sa nakaraang taon, nangako silang mag-aabuloy, isang hakbang na nag-inspired sa mga taga-Macedonia na gawin din. Ngunit hindi gaya ng mga taga-Macedonia na tinuloy ang ambagan, isang taon ang makalipas, ayon na rin sa ulat ni Pablo, hindi pa ito nasasagawa ng mga taga-Corinto. Sa isang ironiya, ginamit ni Pablo ang mga taga-Macedonia (na naunang na-inspired sa inisyatibo ng mga taga-Corinto) upang ma-inspired ang mga taga-Corinto na ituloy ang pinangakong abuloy. Susuguin niya si Tito at ilang kapatid upang maisakatuparan ito. Kumpiyansa si Pablo na dahil sagana ang mga taga-Corinto sa espirituwal na pagpapala at pananampalataya at mga kaloob (2 Corinto 8:6-8), hindi rin magkukulang ang mga taga-Corinto sa biyaya ng pag-aabuloy. Binigay niyang halimbawa ang mga taga-Macedonia at ang Panginoong Jesucristo bilang mga huwaran sa biyaya ng pag-aabuloy. Sa kaso ng mga taga-Macedonia, binigay nila muna ang sarili sa Diyos bago kay Pablo, nagbigay nang ayon sa kakayahan at higit pa sa kakayahan, nang may kasiyahan at hindi napipilitan. Sa kaso ni Jesus, binigay Niya ang Kaniyang sarili upang ang mga taga-Corinto ay maging mayaman sa espirituwal na bagay.
Sa v24, sinabi ni Pablo na ang generosidad ng mga taga-Corinto ay patunay ng kanilang pag-ibig. Madali sabihing mahalin ang mga kapatid, ngunit ang patunay nito ay sa paghahanap ng kaniyang ikabubuti at ikagiginhawa, kabilang na ang pag-aabuloy sa kaniyang pangangailangan. Hindi mo masasabing mahal mo ang kapatid kung hindi mo tutugunan ang nakikita mong pangangailangan. Kumpiyansa si Pablo na tutuparin ng mga taga-Corinto ang kanilang naunang pangako, lalo pa at pinagmapuri niya ang mga taga-Corinto kay Tito. Ang kanilang pagtupad sa pangako ay patunay na hindi nagmamapuri si Pablo sa wala.
Ang salitang ginamit sa pagmamapuri ay ang pamilya nating salitang KAUCHESIS na muli sinalin sa KJV bilang boasting, rejoicing at glorying. Pinagmamalaki ni Pablo na generoso ang mga taga-Corinto at nais niyang patunayan ito ng mga taga-Corinto sa pagtupad ng kanilang pangako. Mahirap ang pinagyayabang mo ang iyong simbahan tapos bibiguin lang nito ang iyong pagyayabang.
May mga pagyayabang sa Biblia na hindi masama. Kabilang na dito ang labis na kasiyahan sa generosidad ng iyong simbahan sa puntong ikinukuwento (pinagmamapuri) mo ito sa iba.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment