Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

 


Sa sanlibutan, appearance is everything. Kaya maingat nating inaayos ang ating mga mukha at buhok, nagpapabango at nagsusuot ng magandang damit. Gusto nating maging kagalang-galang sa harap ng tao, sa maraming magagandang dahilan. Ang unang impresyon ay nagtatagal, sabi nga nga nila at mahalaga ito kung may panayam sa trabaho o promosyon. 

Ngunit ibang bagay kapag ang ganitong kaisipan ay inimporta sa simbahan. Ito ay palatandaang ang sanlibutang pag-iisip ay pumasok kahit sa mga kinikilalang tapat at haligi ng simbahan. Sa sandaling makalimutan natin ang distinksiyon sa Kasulatan sa panlabas at panloob na pagkatao, matutukso tayong gumaya sa sanlibutan. Ito ang problema ng bansang Israel, gusto nilang maging katulad ng iba. Ito ang sinasabi ni Jesus- ang mga pinuno ng Gentil ay namamanginoon sa kanilang pinaghaharian ngunit ang mga alagad ni Jesus ay hindi dapat tumulad sa kanila. Ang sabi ni Pablo huwag nating hayaang hulmahin ng sanlibutan ang ating pag-iisip kundi baguhin ang isipan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. 

Hindi porke katanggap-tanggap sa sanlibutan ay katanggap-tanggap sa simbahan. Iniisip ba talaga nating ang pananamit ay kailangan upang makapag-aral ng Biblia? Oo nakauniporme at hindi nakampambahay ang mga estudyante sa eskwelahan; dapat ba natin itong iimporta sa ating simbahan? Ang panawagan ng Diyos ay para sa lahat, hihiyain ba natin ang mga walang maayos na damit pero positibo sa Salita ng Diyos sa pagpipilit na dapat nakasuot ng maayos para makapagsimba? 

Naalala ko nuong Setyembre 27, nagkaroon ng Fellowship Luncheon ang simbahan. The day before sinanay namin ang mga bata upang maghanda ng kanta. Dahil sa kagustuhan kong iharap ang mga bata nang maayos sa simbahan, nakiusap akong magsuot ng maayos na damit. Noong Linggo na nga, nakapostura ang mga bata, ang ilan ay nag-make up. Ngunit isang bata ang wala. Actually nakasalubong ko siya papuntang simbahan. Dahil maaga pa naman, inakala kong may pupuntahan lang. Huli na nang malaman kong umuwi siya dahil pinauwi siya ng mga bata dahil gusgusin siya at pinapapalit ng damit. Hindi na bumalik ang bata dahil siguro walang maayos na damit. Hindi siya naka-Bible study, hindi nakakain sa luncheon at hindi nakakanta. Thankfully bumalik siya nang sumunod na Linggo sa regular na Bible study na nagpapakitang hindi siya nagtanim ng sama ng loob. Pinangako ko sa sarili na hindi na ito mauulit. Walang taong positibo sa Salita ng Diyos ang mahahadlangan ng kakulangan ng kakayahang magsuot ng maayos na damit!

Iniisip ba talaga nating si Maria ay nakasuot ng pamporma nang nakaupo sa paanan ni Jesus sa sarili niyang pamamahay? Na si Martha ay nakaporma habang abala sa kusina? Bakit natin iisiping kailangang nakaporma at bawal ang magpambahay sa pag-ba-Bible study at paglilingkod? Sa tingin ninyo nakaporma ang mga nagtipon sa bahay sa Gawa 20:7? Sa tingin ninyo nakaporma ang mga Cristiano habang sila ay nagtitipon nang patago upang hindi madiskubre ng kanilang mga mang-uusig?

Hindi ako tutol sa pagsusuot ng magandang damit sa pagsamba. Ngunit hindi ito dapat gawing requirement upang magsimba o maglingkod. Ang tanging hinihingi ng Kasulatan ay pagnanais na matuto, Juan 7:17, at katapatan sa paglilingkod, 1 Corinto 4:2. Hindi ang pagkakaroon ng maayos na pananamit. Ang pagsusuot ng pananamit ay dapat iwan sa konsensiya ng bawat isa. Hangga't ang damit ay hindi lumalabag sa mga pagpapahalagang moral (nagpapakita ng hindi dapat makita), hindi ito dapat maging isyu. Mas nanaisin ko ang magkaroon ng miyembrong nakasuot ng gulagulanit na damit ngunit handang makinig at tumupad ng Salita kaysa nakabarong ngunit walang espirituwal na buhay. 

Kaawa-awa ang iglesia ng Diyos kung kailangan nating umasa sa panlabas na damit upang makilalang Cristiano. Iniisip ba nating igagalang tayo ng mga hindi mananampalataya kung magsisimba tayong nakabarong? Kahit ang mga hindi mananampalataya ay hindi ganuon kababaw. Tinitingnan nila ang ating karakter. Ang Cristianong lasenggero, mangangalunya at basagulero ay hindi igagalang ng komunidad kahit pa magbarong kapag Linggo. Ngunit ang Cristianong may magandang reputasyon sa harap ng Diyos at ng tao ay igagalang ng lipunan kahit nakapambahay kapag Linggo. 

Nai-imagine ba natin ang Panginoong manawagan sa lahat na napapagal na lumapit ngunit kailangang nakabarong upang makasumpong ng kapahingahan? O si Pablo na magturo araw at gabi ng buong kalooban ng Diyos ngunit para lamang sa nakasuot ng barong? O si Pedro na magturong pagnasaan ang gatas ng Salita ng Katotohanan gaya ng sanggol basta nakabarong? Huwag tayong maglagay ng requirements na hindi naman hinihingi ng Diyos. 

Ang pintuan ng Dahat ay bukas sa lahat. Oo, kung maaari pipilitin sila dumating, Lukas 14:21-24. Come as you are. Just as you are. No special clothes required. Ang kailangan lamang ay pagnanasang makilala si Jesus bilang Tagapagligtas at matuto ng Salita ng Diyos. Bukod sa mga iyan, wala ng ibang kailangan. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama