Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya
Ang Diyos ang Awtor ng Pamilya. Sa Genesis 1 at 2 makikita natin kung paano nilalang ng Diyos si Adan at si Eva at binasbasan ang kanilang pag-iisang dibdib (si Eva ay literal na galing sa tadyang ni Adan). Ang kanilang marching orders ay magpakarami at punuin ang sanlibutan.
Nahulog man ang unang mag-asawa sa pagkakasala, hindi niya binawi ang Kaniyang basbas. Sa katotohanan, sa isang propesiya, isang binhi ni Eva ang tutubos sa kaniyang angkan at gagapi sa ahas.
Dinisenyo Niya ang Kaniyang pamilya na panghabambuhay. Sa Kaniyang plano, magsasama ang lalaki at babae sa hirap at ginhawa, sa pag-ibig at pagpapasakop kung paanong iniibig ni Cristo at paano nagpapasakop ang Iglesia.
Ito rin ang ligtas na lugar upang palakihin ang mga anak sa pagkatakot sa Diyos. Ang layon ng Diyos ay lumikha ng mga kawangis ng Kaniyang Anak at ang mga magulang ang ahente Niya sa pagsasakatuparan ng layong ito. Kaya sa tuwing pinababayaan natin ang pagpapalaki ng ating mga anak sa pagkatakot sa Diyos, sinusuway natin ang Kaniyang direktang kalooban.
Ang pamilya ang pundasyon ng lipunan. Ang tatag ng lipunan ay nakadepende sa tatag ng pamilyang bumubuo nito. Kung nagtutulungan ang mga pamilyang bumubuo ng lipunan, magiging matatag ang lipunang iyan. Sa isang banda, ang pagkasira ng pamilya ay magreresulta sa pagkasira ng lipunan.
Ang pamilya rin ang pundasyon ng simbahan. Ang tatag ng simbahan ay nakadepende sa tatag ng mga pamilyang bumubuo nito. Kung tutuparin ng pamilya ang kaniyang obligasyong palakihin ang mga miyembro nito sa pagkatakot sa Diyos, sa pagkakilala kay Jesus bilang personal na Tagapagligtas, at palakihin ang mga anak sa aral at saway ng Panginoon, ang Iglesia ay magiging malusog. Ang mga Cristiano'y magiging tapat at mapagmahal.
Bilang mga Cristiano, dapat tayong maging intensiyonal sa pagtataguyod nito. Mahalaga ang indibidwal ngunit mahalaga rin, at marahil mas mahalaga pa, ang pamilya. Ang isang tingting ay madaling mabali ngunit ang isang tali ay hindi. Mamuhunan tayo sa ating mga pamilya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment