Kapag naging Cristiano ka, lahat ng problema mo ay hindi ka na mamomroblema kailan man
Gawa 14:22 Na pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios.
Ang isa sa pinakamalaking kasinungalingang pinangako sa ngalan ng Cristianismo ay ang ideyang kapag ikaw ay nanampalataya kay Cristo, hindi ka na mamomroblema kailan man. Marahil pinangako ito ng "soul-winner" o "evangelist" upang makahikayat ng recruit. Ngunit ito ay kasinungalingan at nagiging dahilan kung bakit maraming Cristianong natitisod sa pananampalataya, "Mula nang maging Cristiano ako, puro na lang problema ang buhay ko. Hindi siguro ako Cristiano?"
Ang katotohanan ay ang pananampalataya kay Cristo ay hindi garantiya ng problem-free life. Ito ay garantiya na dahil ikaw ay may buhay na walang hanggan at ang Espiritu ay nananahan sa mananampalataya, hindi ka haharap sa problema ng buhay nang nag-iisa. Andiyan ang Diyos kasama mo. Ayon kay Pablo, tayo ay kailangang dumaan sa kapighatian patungo sa kaharian ng Diyos. Hindi ito nangangahulugang requirement ng buhay na walang hanggan ang pagdaan sa kapighatian; malinaw sa Bibliang ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ay manampalataya kay Cristo. Nangangahulugan itong hangga't hindi pa dumarating ang kaharian, ang ating bahagi sa buhay na ito ay ang mamuhay para kay Cristo, na may kaakibat na kapighatian. Tandaan nating tinakwil ng sanlibutang ito si Cristo, pinako Siya sa krus, at kung ang Panginoon ay tinrato nila nang ganito, ganito rin ang ating kapalaran. Ang trabaho natin ay ang gamitin ang mga espirituwal na probisyon ng Diyos upang makatindig sa araw ng kapighatian.
2 Timoteo 3:12 Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig.
Kaakibat nang pamumuhay para kay Cristo ang kapighatian. Uusigin ang namumuhay nang may kabanalan kay Cristo Jesus. Ang Cristianong pamumuhay ay hindi para sa mahina ang puso o sa may ilusyon ng "they live happily ever after." Ngunit ang Diyos ay may probisyon upang mapagtagumpayan ang buhay na ito, at nasa atin kung gagamitin natin ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pangako sa magtatagumpay ay,
2 Timoteo 2:12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo.
Ang makatiis ay maghaharing kasama Niya at ang hindi ay ipagkakaila sa karapatang maghari. Ang maikling panahon ng paghihirap sa buhay na ito ay nangangahulugan ng eternal na paghahari kasama ni Cristo. Ipagkakaila ba natin si Cristo para sa panandaliang aliw sa buhay na ito kung alam nating ipagkakaila Niya tayo sa hinaharap? Ewan ko sa inyo pero hindi baleng magdusa ngayon kung katumbas nito ang karapatang maghari kasama ni Cristo. Mas masarap ang gantimpala kapag pinaghirapan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment