Bakit may Kristine?

 


Marahil lahat ng tao, at some point or another, ay napatanong, "Bakit nangyari ito?" Marahil napapatanong ang lahat, "Bakit nangyari ang Bagyong Kristine?" Ako rin at sa simula pa lang sasabihin kong hindi ko rin alam. Pero may mga bagay na gusto kong ibahagi tungkol dito. 

Una sa lahat, dapat nating kilalaning walang nangyayaring hindi pinahintulot ng Diyos. Alam kong maraming hirap unawain ito dahil madalas tayo ay emosyonal ngunit dapat nating alalahaning ang lahat ng nangyayari ay may permiso ng Diyos. Kahit nga ang aksiyon ni Satanas ay may permiso ng Diyos (basahin ang Job 1 at 2). Sa Pahayag, may mga anghel na may kontrol ng hangin. Maaaring bahagi ito ng disiplina ng Diyos o natural na konsekwensiya ng kasalanan ng tao. 

Ikalawa, dapat nating kilalaning ang bagyo ay resulta ng nahulog na mundo. Nang magkasala si Adan at si Eva, naapektuhan hindi lamang sila at kanilang mga anak kundi ang buong mundo. Ang bagyo ay bahagi ng hibik ng kalikasan habang naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Diyos, Roma 8. 

Ikatlo, malaki ring bahagi ng tao sa nangyayari sa kalikasan. Bukod sa direktang resulta ng kasalanan ng tao ang sumpang umiiral sa kalikasan, marami ring desisyon ang taong nakasisira sa kalikasan. Dahil sa pagpuputol ng kahoy, pagtatapon ng basurang nakakabara sa mga kanal, malawakang konkretisasyon na dahilan upang hindi agad masipsip ang baha at malaking populasyong tumitira kahit sa mga lugar na mababa sa lebel ng dagat o malapit sa kabundukan, lumawak ang pinsalang dulot ng mga kalamidad. 

Hindi rin natin maaaring balewalain ang posibilidad na si Satanas ay may bahagi rin sa mga kalamidad. Sa pasimula pa man siya ay mamamatay tao. Tanging eternidad ang maghahayag kung ilang kalamidad ang resulta ng kagagawan ng prinsipe ng hangin. 

Hindi ko alam kung alin sa mga ito ang dahilan ng bagyong Kristine. Baka nga kombinasyon pa ng mga ito. Pero isa ang tiyak, anumang kalamidad ang ating hinaharap, ang pinakaligtas na lugar ay sa piling ng Diyos. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama