Nasorpresa ni Kristine

 


Aaminin kong nasorpresa ako ni Kristine. I mean, signal number 2 lang siya and usually hindi namin pinapansin ang anumang less than Signal no 4. Inakala kong matapos lamg ng isang araw at kalahating walang pasok, everything will be back to normal. As it turned out, inabot ng isang linggong wala ng pasok at tumagal kaysa aking inaasahan ang kawalan ng kuryente, signal at (hanggang sa oras ng pagsulat ng blog na ito) tubig. 

Needless to say, nasorpresa kami. Walang tagong kandila, hindi nakapag-charge ng gadgets, walang stock ng pagkain at tubig. Buti na lang last month, nakapaayos ng poso kaya nakakaibig ng tubig panghugas, panlaba, at pang-CR. Buti na lang bago maputol ang suplay ng tubig, may mga tubig na inumin. Bukas kapag wala pang suplay ang PWSS, bibili na kami ng komersiyal. Sinabayan pa ng katotohanang dumaraan kami sa personal na problemang pinansiyal at masasabing hindi kami handa sa bagyong ito. Madilim pag gabi at walang ideya kung ano ang nasa balita.

Malaki ang pasalamat sa Panginoon na nasa mataas kaming lugar. Bumaha as usual sa aming lugar, ang aming daanan ay tila sungkaan sa dami ng butas ngunit kaunti ang natumbang puno. Iisipin mong hindi masyado malakas ang bagyo. 

That is, until magsimulang dumating ang mga balita. Maraming lugar sa Bicol, partikular sa Camarines Sur, ang baon sa baha. Maraming nasawi, at istranded. Maraming nasirang pag-aari. Sa mga susunod na blogs talakayin natin ang mga isyung ito. Napakalaking paksa ng theodicy upang madala sa isang maikling blog lamang. 

Sa blog na ito pokus lang muna tayo sa isang maliit na isyu- ang kawalan ng kahandaan. May kasabihan sa mundo ng martial arts: ang suntok na hindi mo nakita ang makasasakit sa iyo. Hindi mahalaga kung gaano kalakas at kabilis ang kalaban sa kaniyang atake, kapag nakikita at naiiwasan mo ang mga ito, mane-neutralize ang mga ito. Pero ang atakeng hindi mo napansin ay hindi mo maiiwasan. 

Ganuon din sa espirituwal na buhay. Si Satanas ay isang magaling na martial artist na mahusay sumuntok at dumepensa. Alam niya kung kailan aatake, at marunong siyang itago ang kaniyang atake hanggang sa huli na ang lahat para dumepensa. Masusumpungan mo na lang ang iyong sariling nakatumba sa lona at napatatanong, anong nagyari? 

Lamang ang may alam. Kailangan nating maging handa sa lahat ng pagkakataon dahil ang ating kalaban ay aktibong leong umaatungal at naghahanap ng masisila. Hindi siya nagpapahinga sa kaka-jab, naghahanap ng butas sa ating depensa upang i-knock out tayo. Hindi tayo dapat magpadala sa kaniyang pandaraya at laging alerto sa kaniyang mga iskema at metodiya. Magagawa lamang natin ito kung tayo ay nababalutian ng baluti ng Diyos at lumalakad sa kalooban ng Diyos. 

Isang bata ang tinanong sa Prep Class kung paano mapaglalabanan ang atake ni Satanas. Ang kaniyang sagot ay klasikong testimonyo sa katotohanang kung wala si Jesus, wala tayong magagawa: " Kapag si Satanas ay kunakatok sa pintuan. Hinahayaan kong si Jesus ang magbukas ng pintuan." Kagaya ng bata, nadiskubre nating mas mabili pa sa alas kwatrong tatakas si Satanas. 

Ang buwan ng Oktubre ay puno ng kaliwa't kanang pagsubok para sa aming pamilya. Ang pagdating ng bagyong Kristine Ph ay hindi makatutulong. Siguradong makakadagdag ito sa problema dahil sa pagtaas ng bilihin at kakapusang siguradong susunod sa bagyo. Ngunit kung may leksiyon man kaming natutunan sa buwang ito, ito ay, "Ang Diyos ay nakaupo pa rin sa Kaniyang trono." Ang motto ng aming pamilya through adversity and prosperity ay hindi nagbabago: "God is good." Nagpapasalamat kami dahil nabigyan kami ng front row seats kung paano day after day tinutugunan ng Diyos ang aming pangangailangan. Pinagmamapuri namin sa aming mga anak ang bawat akto ng probidensiya ng Diyos. Ang mga ito ay okasyon upang, ayon na rin kay Santiago, ibilang na may kagalakan ang mga pagsubok na dumarating sapagkat ang mga ito ay nagdadala ng pagtitiis. Buhay ang Diyos at hindi Niya pababayaan ang Kaniyang mga anak. Nakikita namin Siyang kumikilos sa aming mga sirkumstansiya at sa sirkumstansiya ng lahat ng nagtitiwala sa Kaniya. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay