Nasaan ang Diyos nang andito si Kristine?

 


Sa maraming tao ang magtanong ng, "Nasaan ang Diyos kapag ____(isuksok ang anumang uri ng kalamidad______ ," ay blaspemiya. Ngunit kung mayroon man tayong dapat matutunan sa mga Awit at sa Job, ito ay welcome sa Diyos ang anumang uri ng paghahanap sa Kaniya. 

Dapat nating unawaing ang tanong na "Nasaan ang Diyos" ay hindi naghahanap ng lokasyon kundi ekspresyon ng taong naghahanap ng katiyakan na anumang pinagdaraanan ng tao ay hindi aksidente, kundi ang Diyos ay may layon sa anumang hinahayaan Niyang mangyari sa ating buhay. Dapat nating pakinggan ang tahimik nilang paghahanap ng katiyakan na ang Diyos ay kumikilos sa kanilang mga buhay. Alalahanin nating sa buong hinaing ni Job, hindi niya kailan man tinanggi ang pag-iral ng Diyos; ang hinihingi niya ay marinig ang Diyos at kung bakit hinayaan Niyang mangyari ang nangyari sa isang matuwid na tao. Sa sandaling marinig niya ang boses ng Diyos, hindi man direktang sinagot ang kaniyang mga tanong, nasapatan na si Job. 

Asan nga ba ang Diyos nang andito si KristinePh? 

Una, Siya ay nakaupo sa Kaniyang trono, at nananatiling may kontrol at nagdidirekta ng mga bagay. Anuman ang nangyayari, gaano man ito nakakagimbal sa ating pananaw, mahalagang maunawaan nating ang Diyos pa rin ang may kontrol, walang nangyayaring labas sa Kaniyang soberanya, hindi random ang mga pangyayari at may layon (hindi man natin nakikita ito ngayon) sa mga pangayayari. Dapat nating maunawaang walang pangyayari na labas sa kontrol at walang pahintulot ng Diyos. Practically speaking, it means it could be worse, ngunit dahil ang Diyos ay may kontrol, hindi natin nararanasan ang pinakamasamang pangyayari. Mahirap unawain pero anumang nangyari ay hindi pinakamasang nangyari sa ating buhay dahil hindi ito hinayaan ng Diyos. Hindi ba't nangako Siyang hindi na Niya kailan man tutunawin ang mundo ng baha? Sa hinaharap, sa Tribulasyon, kapag inalis ng Diyos ang Kaniyang pagpigil kay Satanas, ang ating pinagdaanan, gaano man kagimbalgimbal sa ngayon, ay pumuputla kumpara sa pagdaraanan nila. 

Ikalawa, ang Diyos ay nasa gitna ng mga dumaraan sa pagsubok. Hindi gaya ng diyos ng ibang relihiyon, ang tunay na Diyos ay nakikibahagi sa pinagdaraanan ng Kaniyang nilalang. Iniwan Niya ang Kaniyang trono sa langit at bumaba sa lupa upang maranasan ang ating pinagdaraanan at maging simpatetiko sa atin. Siya ay Immanuel, ang Diyos ay kasama natin. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang Diyos ay nagdurusang kasama natin sa gitna ng bagyong Kristine. Hindi ko alam kung bakit hindi Niya pinigil ang pagbaha, ang landslide at ang mga pagkasawi, ngunit naniniwala akong Siya ay nasa gitna ng baha, landslide at nakikiramay sa mga nasawi. Siya ang Diyos na nananawagan sa lahat, hanggang sa huling sandali, na manumbalik ang tao sa Kaniya sa katauhan ni Cristo. Manampalataya kayo sa Panginoong Jesucristo para sa buhay na walang hanggan!

Ikatlo ang Diyos ay nasa Kaniyang simbahan. Ang Simbahan ang Kaniyang ahente upang iparanas sa Sanlibutang ito ang Kaniyang pag-ibig, una sa espirituwal na probisyon ng kaligtasan kay Cristo at ikalawa sa praktikal na gawa ng awa sa mga nasalanta. Ang Diyos ay nag-aalok ng buhay na walang hanggan sa mga sumampalataya kay Jesus, ngayon mismo. At ang Simbahan ang mga kamay at paang lumalapit sa Sanlibutan, nag-aabot ng tulong sa paraang praktikal. Ang ating mga panalangin at mga donasyon ay paraan upang maramdaman ng Sanlibutan na mahal sila ng Diyos. Hindi nakikita ng Sanlibutan ang Diyos pero nakikita nila ang ating mga donasyon. 

Ang Diyos ay hindi istoikong Diyos na nakaupo sa Kaniyang trono at walang pakialam sa mundong ito. Siya ay mapagmahal at nakikiramay sa ating pinagdaraanan. Ang sinumang nakakabit sa Kaniya ay hindi mawawalay kailan man. Ang Kaniyang pangako ay ang nanampalataya sa Kaniya ay mabubuhay magpakailan man, mamatay man sila ay muli silang mabubuhay. Walang anumang bagay, kahit si KristinePh, na makapaghihiwalay sa mananampalataya sa pag-ibig ng Diyos. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay