Masamang Barkada, Part 2



Kawikaan 1:15 Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:16 Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.17 Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:18 At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.19 Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.

Sa v10-19 binalaan ni Solomon ang mga kabataan na umiwas sa masamang barkada. Ituloy natin ang ikalawang bahagi ng babala ni Solomon.

"Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas." Minsan pa pinaalalahanan ni Solomon ang mga bata na lumayo sa masamang barkada. Sa isang paralelismo, sinabi ni Solomon na huwag lumakad at pigilan ang paa na kasama ng mga ito sa landas na kanilang nilalakaran. Hindi ito madali dahil aktibong nagre-recruit ng kanilang makakasama sa nakaraang mga sitas. Maaaring abangan at harangin nila ang iyong daan. Matutong magsabing, hindi at ayaw. 

"Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo." Ang dahilan sa pag-iwas ay ang masama nilang balak. Sa sitas na ito ang mga barkada ay gagawa ng masama at magbububo ng dugo (handang pumatay). Ilang kabataan ang napariwara dahil sa pagsama sa mga barkada? Ilang kabataan ang napatay sa hazing o sa riot/rumble? Matutong umiwas sa pinakaunang senyales ng masamang barkada. 

"Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon." Madalas nilalagay ang silo na hindi nakikita ng mga ibon at buong ingat na tinatago ito sa kanila. Ngunit sa kaso ng masasamang barkada, tila ibon silang walang muwang at saysay na gumagawa ng mga bagay na alam nilang ikasasama nila. 

"At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay." Sa halip na iba ang mapahamak gaya ng kanilang plano, sila ang mapapahamak. Marahil may kasama ang kanilang biktima, o marunong ng sining ng pagtatanggol sa sarili, o may sandata ang bibiktimahin o inabutan sila ng pulis. Anupaman ang dahilan, sila ang nahulog sa sarili nilang silo. Mabuti pa ang ibon na umiiwas sa silo, ang masasamang ito ay napapahamak. 

"Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon." Ang sinumang sakim sa kapakinabangan ay mapapahamak, sa kasong ito ikamamatay nila, sa kamay ng inaakalang biktima, sa kamay ng mga kasama o sa kamay ng pulis. Kung gusto ninyong humaba ang inyong buhay, lumayo sa masasamang impluwensiya. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.



Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2