Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2

 


Ituloy natin ang ikalawang bahagi ng "Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa."

Sa Galatia 5:13-15, makikita nating hindi tayo dapat magpasakop alin man sa legalismo o antinomianismo ngunit sa pamamagitan ng pag-ibig ay paglingkuran ang isa't isa. Ayon sa Gal 5:23-24, ang pag-ibig ay bunga ng Espiritu Santo at walang Kautusan laban dito. Ang alternatibo sa paglakad sa pamamagitan ng Espiritu ay ang lumakad sa laman o sa Kautusan. 

Sa Ef 4:1-2 dapat daw tayong mangagbataan tayo sa isa't isa sa pag-ibig. Ang pagbabata sa iba ay pagpapakita ng tolerance sa mga bagay na hindi naman direktang binabawal ng Kasulatan at pagbibigay sa kapwa ng lugar para magkaroon ng ibang opinyon. 

Sa 1 Tes 3:11-12, ipinalangin ni Pablo na ang mga taga-Tesalonica ay sumagana sa pag-ibig. (Sa 1 Tes 4:10-12, hihilingin ni Pablo sa nga taga-Tesalonica na sila ay managana sa  pamumuhay nang may kabanalan kaya sinasagot niya ang kaniyang sariling panalangin).

Sa Hebreo 10:24-25, makikita nating ang isa sa mga dahilan upang dumalo sa pagtitipon ng simbahan (ang magtipon ay nangangahulugang pumuntang magkakasama sa sinagoga o sa isang pulong) ay upang mag-udyukan sa pag-ibig at mabubuting gawa. Sa halip na magtipon para idispley ang ating sariling pagkarelihiyoso, dapat nating gamitin ang mga pagtitipon upang hikayatin ang bawat isa na mapuspos ng pag-ibig at gumawa para sa Panginoon. 

Sa kahuli-hulihan sa blog na ito, sa 1 Ped 4:8-10, tayo raw ay maging maningas sa pag-iibigan. Ang "maningas na pag-iibigan" ay ang nag-aapoy, malagablab na pag-ibig sa bawat mananampalataya. Hindi ito malamig na pagtrato. Bakit? Sapagkat "ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan." Ang nakalulungkot ay sa halip na pagtakpan ang kasalanan ng kapatiran, ibig nating ipagsigawan sa lahat ang baho ng kapatid. Marahil dahil gusto nating gumaan ang ating pakiramdam sa pag-iisip na tayo ay mas mabuti kaysa kaniya. Pakiramdam natin ay banal tayo. Sa halip na punan ang pagkukulang, gustong gusto nating ipunto ito sa lahat upang mabigyang pansin ang ating kasakdalan. Kabilang sa maningas na pag-ibig na ito ang hospitalidad ("pag-ibig sa dayuhan"- hindi mo man siya personal na kilala, inibig mo siya dahil kay Cristo) at paglilingkod bilang mabuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos. 

Ituloy natin ang katangian ng pag-ibig sa susunog na blog. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa