Mangagtanggapan kayo



Roma 15:7 Sa ganito'y mangagtanggapan kayo, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa kaluwalhatian ng Dios.

Matapos talakayin ni Pablo ang isyu ng kalayaan ng mga Cristiano sa Roma 14, nagpatuloy si Pablo sa pagtalakay ng pangangailangang buhatin ng malakas ang mga mahihina. Sa konteksto ng kabanata, ang mahihina ay ang mga nasusugatan ang konsensiya ng mga pagbabawal sa pagkain o pangingilin ng mga araw. Sa madaling salita natatalian siya ng mga bagay na hindi naman pinagbabawal ng Kasulatan. Dahil sa kaniyang kahinaan, hindi malinis ang kaniyang budhi patungkol sa mga ito bagama't kapag siya ay lumakas, siya ay maaaring makalaya rito. Subalit sa sandaling siya ay magsimulang pasunurin ang iba sa mga pagbabawal na ito, iyan ay legalismo at dapat salungatin. Sa kabilang banda ang malakas ay ang mga nakakaunawa ng kalayaan kay Cristo. Dapat daw niyang buhatin ang mga mahihina, samakatuwid alalayan hanggang sa dumating ang panahon ay makalaya na rin siya sa mga pagbabawal na ito. Hindi niya dapat hiyain ang mahina o ipangalandakan ang kaniyang kalayaan sa harapan niya upang huwag masugatan ang konsensiya at matisod ang mahinang kapatid. 

Sa gawaing ito, muli si Cristo ang ating halimbawa, v3-4. Hindi gaya ng mga legalistang Fariseo na ang alam lang gawin ay magtali ng mga pabubuhatin sa mga tagasunod, ang Panginoon ay mapagpalaya at ang Kaniyang pamatok ay magaan. Sa v6-7, sinabi ni Pablo na dapat nating bigyang lugod ang ating kapwa sa kaniyang ikabubuti. 

Sa v7, sinabi ni Pablo na tanggapin ng bawat isa ang kapwa mananampalataya. Ang ating pagkakaiba (lalo na kapag may kinalaman sa maturidad) ay hindi dapat makahadlang sa Cristianong pakikisama. Ang isa ay nangingilin ng partikular na araw, sa isa ang lahat ng araw ay pantay-pantay na oportunidad sa pagluwalhati sa Diyos. Dapat nilang tanggapin ang bawat isa sa pagkakaibang ito. Sa isa, may mga pagkaing bawal, sa isa naman lahat ay pwede basta ipinagpasalamat. Ang malakas ay hindi dapat ipilit ang kaniyang kalayaan sa mahina at ang mahina ay hindi dapat hukuman ang kalayaan ng malakas- dapat silang magtanggapan sa bawat isa. Huwag nawang matisod ang isang Cristiano ng dahil lamang sa karne! Sa ganitong paraan hindi mahahadlangan ang mga Cristianong luwalhatiin ang Ama bilang isang katawan.

Sa v8-13, tinuro ni Pablo na ang pagtanggap na ito ay hindi kumikilala ng lahi- ito ay parehong aplikable sa mga Judio at mga Gentil. Lahat ng nanampalataya sa Kaniya ay katanggap-tanggap sa Kaniya.

Nakalulungkot na ginagamit natin ang abilidad bilang pamantayan ng pagtanggap sa halip na ang pagkakaisa natin kay Cristo.


 (Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2