Huwag mangaghatulan sa isa't isa




Roma 14:13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.

Ang konteksto ng sitas ay patungkol sa mga hindi siguradong bagay (doubtful things). Ano ang mga hindi siguradong bagay? Ang mga hindi siguradong bagay ay mga bagay na hindi eksplisit na binabawal ng Kasulatan. Sa mga ganitong sitwasyon, sa halip na maglagay ng katitisuran sa mga kapatid, mas maiging huwag maghatulan sa bawat isa. 

Anumang bagay na hindi direktang pinagbabawal ng Kasulatan ay mga bagay ng konsensiya o kalayaan sa mga Cristiano. Ang mga ito ay dapat harapin gamit ang karunungang nakamit sa patuloy na pag-aaral. Sa kapitulong ito ang mga isyu ay mga pagkain at mga araw ng pagsamba. May mga Cristianong may mga personal na isyu ng pagkain ng karne. Mayroon din silang isyu ng araw na dapat ipangilin. Sabi ni Pablo ang kumakain ng gulay lamang ay mahina ang pananampalataya ngunit kung ang pagkain ng karne ay makatitisod sa kapatid, hinding hindi na siya kakain ng karne. Sa madaling salita ang malakas ay hindi dapat umasta sa paraang makatitisod sa mahina at ang mahina ay hindi dapat hatulan ang malakas. Sa mga araw ng pangilin, kailangan din ang kalayaan. Mayroong nangingilin ng isang araw, mayroong lahat ay pantay-pantay lamang. Pumili ang lahat ng araw na dapat ingilin nang hindi hinahatulan ang iba sa araw na kanilang ipangingilin. 

Sa panahon natin, ang mga isyu ay anong bersiyon ng Biblia ang dapat gamitin, anong damit ang dapat suutin, anong musika ang dapat pakinggan o tugtugin, atbp. Ang mga ito ay sakop ng konsekwensiya at kalayaan. 

Ang paghukom sa mga bagay na ito ay paghukom sa mga bagay na hindi naman pinagbabawal ng Kasulatan. Ang paghuhukom na ito ay pagpapawalang halaga (v10) sa kapatid, kawalan ng galang, pagbabalewala. 

Sa halip na hatulan ang iba, gawin nating layon na huwag maglagay ng katitisuran o kadahilanan sa ikararapa ng kapatiran. Nangangahulugan itong maging intensiyonal na huwag maging katitisuran. Tayo ay mga tagapag-alaga ng ating kapatid. Sa tingin ninyo, ilang kapatid ang natisod at hindi na bumalik sa simbahan dahil sa mga isyu ng pagkain, pananamit, araw ng pagsamba o iba pang bagay na hindi naman banggit sa Biblia?

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2