Masamang Barkada, Part 1


Kawikaan 1:10 Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.11 Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;12 Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;13 Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;14 Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:

Sa v8-9 tinuro ni Solomon ang kahalagahan ng pakikinig at pagsunod sa mga magulang. Ito ang magbibigay sa kaniya ng proteksiyon laban sa masamang barkada. 

Sino ang masamang barkada? Sila ang sinumang maglalayo sa iyo sa katapatan sa Diyos at pagsunod sa iyong mga magulang. Maaaring sila ay mabait, matulungin at matalino o mga kriminal na gaya ng ilalarawan ni Solomon, ngunit kung nilalayo nila ikaw palayo sa Diyos at sa pamilya, sila ay masamang barkada. Ilang kabataan ang nawala sa simbahan dahil nahulog sa masamang barkada? Direkta kong sinisisi ang mga magulang sa kanilang kabiguang itanim sa mga bata ang biyaya at karunungan, v8-9. 

"Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan." Ang sinasabi ni Solomon, huwag kang bumigay sa kanilang solisitasyon. Huwag kang magpapadala sa pangangantiyaw, "Duwag ka pala," o pananakot, "Kapag hindi ka sumama, sasamain ka sa akin," o pamba-blackmail, "Kapag hindi ka sumama, ilalabas ko ang sikreto mo." Hayaan mong ilabas niya iyan, matapos nang isa o dalawang linggo o kahit taon pa, malilimutan lang iyan pero ang kapahamakang dala ng pagsama sa masamang barkada ay may malalim at matagalang epekto. 

"Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala; Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw." Ang barkadang ito ay isang gang. Ito ay solisitasyon upang manakit at pumatay. Ilang kabataan ang napahamak dahil sa frat pressure na gumanti o mang-trip o rumaket ng pera? Ang sinumang magbakay sa iba ay mababakay din. 

"Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam; Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot." Ito ay solisitasyon sa pagnanakaw at pagkakaroon ng "common funds." Socialism! Sinasabi ng barkada na maghahati tayo nang pantay-pantay. Para sa isang kabataang bihirang makahawak ng pera, ito ay napakalaking tukso. Marami kang mabibili, ngunit ang malinaw na sabi ni Solomon, "Anak huwag mong tulutan." Matutong magsabing, "Hindi at ayaw." Bago mahuli ang lahat. Iwasan ang ganitong uri ng barkada dahil hindi ito magdadala ng katuwiran, bagkus puro kaguluhan at sa huli ay sama ng loob.

1 Corinto 15:33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.

Ang susi upang maarmasan natin ang ating mga anak na umiwas sa masamang barkada ay ang turuan sila, putungan ng biyaya at kwintasan ng karunungan. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.






Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2