Magsiparito sa Akin at kayo'y papagpahingahin



Pagod ka na sa buhay? Kahit saan ka pumunta pakiramdam mo kalaban mo ang lahat? Anumang hawakan ng iyong kamay ay napupunta sa abo at lahat ng iyong relasyon, nasisira? Hindi mo alam kung saan ka patutungo at hindi mo alam kung ano ang iyong gagawin? 


Sinikap mong lumapit sa relihiyon ngunit lalo kang napagod dahil binigyan ka lang ng karagdagang trabaho na wala kahit sinong mkapasan, Gawa 15:10. Lumapit ka sa relihiyon ngunit walang ibang ginagawa ang ministro kundi bigyan ka ng mga gawaing sila mismo ay ayaw bumuhat o mga alituntuning sila mismo ay ayaw sumunod, Mateo 23:3-4. Pagod ka nang magpanggap na matuwid at banal, hindi mo alam ang gagawin, Mateo 23:5-7. May pag-asap pa ba? May kapahingahan pa ba?


Ang sagot ay mayroon. Walang kapahingahan sa relihiyon pero may kapahingahan kay Cristo. Namatay si Cristo sa krus ng Kalbaryo sa isang layunin- ang bayaran ang iyong mga kasalanan upang ang mga kasalanang ito ay hindi maging hadlang sa relasyon mo sa Diyos. Dahil binayaran na ni Cristo ang kasalanan sa krus, makalalapit ka sa Diyos nang hindi kailangang dumaan sa relihiyon. Itapon mo ang legalismong pilit na ipinadadala sa iyo ng relihiyon. Ang kaligtasan, ang kapahingahan ay na kay Cristo lamang, Juan 14:6. 


Mateo 11:28 Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.


Nagpapagal at lubha kang nabibigatan sa buhay? Kailangan mo ng kapahingahan at hindi ito maibigay ng relihiyon? Lumapit ka kay Cristo dahil Siya ang magbibigay ng kapahingahan. 


Ginawa Niya ang lahat ng trabaho ng kaligtasan upang ito ay tanggapin mo nang walang bayad, walang pagod, kundi ng pananampalataya lamang. 


Juan 3:15 Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan.

16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Juan 6:47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.


Kahit sino ay maaaring manampalataya. Hindi mo kailangang magpamiyembro sa relihiyon. Hindi mo kailangang pagtrabahuhan ang kaligtasan. Kailangan mo lang itong tanggapin sa pamamagitan ng pananampalataya. Kapag ginawa mo ito, matatamo mo ang tunay na kapahingahan.


Gawa 16:30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?

31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.


Nanampalataya ka na ba sa Panginoong Jesus? 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay