Libingang Pinaputi



Mateo 23:27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.

Fariseo- isang pangalang noong unang panahon ay ginagalang ngunit sa modernong panahon ay nangangahulugang mapagpaimbabaw at ipokrito. 

Mabibigat ang mga salitang binigay ni Jesus upang ilarawan ang mga taong ito. Kinumpara sila sa mga naghuhugas ng labas baso at plato ngunit marumi sa loob. At sa isang grapikong larawan, kinumpira sila ni Jesus sa libingang pinaputi- kagalanggalang sa labas ngunit puno ng buto ng patay at karumaldumal sa loob. Ito ay isang akmang paglalarawan sa mga taong ang pokus ay nasa labas gaya ng pananamit at paggalang ng iba, sa halip na magpokus sa buhay sa loob. Maganda sila sa labas ngunit patay sa loob. Ilang punong panrelihiyon ang kilala ninyong kagaya nito? 

Bakit sinabi ni Jesus na sila ay mga libingang pinaputi? Bakit maaaring pakinggan ang kanilang leksiyon ngunit huwag gayahin ang kanilang gawi?

Una, sila ay mapagpaimbabaw dahil gumagawa sila ng pagsusundin na hindi naman nila sinusunod. 

"Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri."

Pangalawa, ang kanilang ginagawa ay upang makuha ang paggalang at atensiyon ng mga tao. Kaya malaki ang empasis nila sa panlabas, lalo na sa kasuotan. 

"Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit."

Ikatlo, gusto nila lagi ang kabisera sa anumang kainan. Sa halip na sundin ang sabi ni Jesus na kunin ang mababang pwesto, kinukuha nila ang kabisera. Nauuna sila lagi sa pila basta kainan!

"At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga."

Ikaapat, tuwang tuwa sila sa mga pagbati. Nakakakuha sila ng kick o kilig kapag tinatawag na Pastor. 

"At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi. Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo."

Ikalima, gustong gusto nila ang kadakilaan pero hindi ang maglingkod.

"Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo."

Nakapagtataka bang inulan ng batikos ni Jesus ang mga Fariseo't eskribang ito? Ganito rin ang kapalaran ng mga modernong Fariseo at eskriba!

"Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok."

Hindi sila nagsisipasok sa kaharian ng langit at pinipigilan ang ibang pumasok.

"Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa."

Dinadaan ang lahat sa pahabaan ng panalangin habang inuubks ang kabuhayan ng mga babaing bao. Kontribusyon dito, ikapu doon, hanggang maubos ang kabuhayan. Sa halip na tulungan ang mga bao gaya ng sinabi ni Pablo sa 1 Tim 5, ang Fariseo pa ang umuubos ng kabuhayan sa ngalan ng relihiyon.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili."

Masipag silang mag-evangelize at tracts distribution pero ang resulta ay dobleng kapahamakan sa nakikinig. 

"Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.
Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto?
At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.
Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon."

Kabikabilaang sumpa sa ngalan ng gusali, muli panlabas, sa halip na realidad na kinakatawan ng gusali. Alin ba ang mahalaga, ang Diyos o ang gusali? 

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba."

Masinop sa offering at tithes pero sa mas kinakailangang katarungan, pagkahabag at pananampalataya ay bagsak. 

"Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!"

They major on the minor and minor on the major. Yung hindi mahahalaga ang tinututukan sa halip na yung mahahalaga.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan." 

Mga opresor at matakaw. Maingat na pinoproject ang kabanalan sa harap ng tao ngunit marumi ang panloob na pagkatao.

Ang mga Fariseong ito ay nananatili ngayon. Nakatuon sa panlabas. Sa maayos na kasuotan, sa titulo ng paggalang, sa matuos na pagbibigay, sa pagkuha ng kabisera at laging nasa unahan kapag kainan at kabilaang utos na hindi niya naman sinusunod. Iligtas tayo ng Diyos mula sa mga Fariseong ito. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama