Kristine, Oportunidad at Oportunista

 


Ito ang magiging huling blog tungkol sa bagyong Kristine. 

Muli, ang bagyong Kristine ay nagbibigay sa atin ng oportunidad upang ipadama sa mga kapatid ang pagmamahal ni Cristo. Ito ay pisikal na demonstrasyon ng pag-ibig ni Cristo para sa mga nanampalataya sa Kaniya. 

Ito rin ay pagkakataon upang ipadama sa Sanlibutan, sa mga hindi pa nanampalataya ang pag-ibig ng Diyos. Ang Iglesia ang kinatawan ng Diyos sa Sanlibutan at ang generosidad ng mga mananampalataya ay demonstrasyon ng ating pagiging ambassador na nag-aalok sa mundong bumalik (reconcilation) sa Diyos. 

Ngunit nakalulungkot na ito rin ay pagkakataon sa mga Oportunista upang magsamantala. Marami ang nagpa-panic buying na walang konsiderasyon sa iba kung sila ay makabili o hindi. Ito ay nagpapakita ng kawalan ng pag-ibig sa iba at pagiging makasarili. Tama lamang ang magkaroon ng stock sa bahay, ngunit ibang usapan ang maramihang pamimili na lumilikha ng artipisyal na kawalan (shortage). Ito ay lalong nagpapahirap sa mga mamamayang nasalanta ng kalamidad. Sa halip na tumulong upang magaanan ang iba, ito ay nagpapahirap sa kanila. 

Ito rin ay sinasamantala ng iba upang mag-hoard. Dito sa Goa, nagkakaubusan na ng gasolina. Kaninang umaga, pumila kami ng maaga para bumili ng gasolina, marami ang naubusan na ng murang gasolina ngunit mayroong mas mahal na gasolina. May nakasabay kaming isang traysikel na bumili ng 500 litrong murang gasolina? Anong traysikel ang may tangke para sa 500 gasolina? Marahil may gustong magtago at magtinda sa mas mahal na halaga. 

Maging sa mga pamilihan, nagtaasan ang mga produkto. Sa kabila ng sinasabing price freeze, may mga produktong tumataas na. Naiintindihan nating marahil ito ay tugon sa mas pahirapang suplay dahil sa inaksesibol na daanan ngunit karamihan sa mga ito ay lumang stock at hindi dapat tumaas dahil binili bago ang bagyo. Mapipilitan kang bumili dahil kailangan. 

Ang kalamidad na ito ay nagpapakita ng kung ano ang nasa puso. Kung paanong ang apoy ay nagpapalambot sa karne ngunit nagpapatigas sa itlog, ang kalamidad na ito ay nagpapakita ng kalambutan ng puso ng iba at katigasan ng iba. Huwag nating isarado ang ating mga puso sa nangangailangan. Tandaan nating ang Diyos ay Diyos ng mga ulila, balo at nangangailangan at hindi Siya bingi sa kanilang hinaing. Hindi natin gugustuhing galitin ang kanilang Tagapagtanggol. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama