God is Good This October

 


Sabi nila ang Agosto ang buwan ng kahirapan. Dahil walang ani ang mga magsasaka at nagsisimula na ang panahon ng mga bagyo. Ngunit para sa aking pamilya, Oktubre and aming Agosto. Hindi ko sasabihin ang mga detalye pero sa buwan na ito kabila't kanang kasalatan ang aming pinagdaraanan at ang mga epekto nito ay pagdadaanan pa sa nga susunod na buwan. 

Sa pinansiyal, malaking porsiyento ng aming kita ang nawala sa simula ng buwan na nagresulta sa kawalan ng balanse sa aming buhay pinansiyal. Dito ko napagtanto na kami ay one bankruptcy away. Bagama't kalaunan nabalik din ang kitang iyon, malaki ang naging epekto sa aming pinansiyal- nasaid ang mga savings (literally), maraming bills na hindi nabayaran (at patuloy pa ring hindi bayad bagama't isa-isa naming binabawasan), nabaon sa kaliwa't kanang utang (na salamat sa biyaya ng Diyos nababayaran na namin paunti-unti, tatlong linggong natengga ang motor dahil hindi mapaayos, hindi naparehistro ang isa pang motor, may delay sa aking loyalty pay sa ika-15 taong serbisyo publiko, mga bayaran ng mga bata sa paaralan at mga buwanang obligasyon gaya ng SSS na hindi nabayaran. Sinabayan pa ng pananalasa ng bagyong Kristine na nagpamahal ng mga bilihin. Sa unang pagkakataon, matapos ang mahabang panahon, nagkilo-kilo kami ng bigas dahil hindi makabili ng kahit kalahating sako. Binunot namin ang refrigerator para bawas sa kuryente at nakadepende sa poso sa halip na gripo upang mapababa ang water bills. Back to basic survival. Buti na lang at may suspensiyon ng klase kaya nakatipid sa gasolina at baon. Nang kasagsagan ng bagyong Kristine, ni hindi kami makabili ng kandila at literal na umasa kami sa Ama upang may makain sa araw na iyon. 

Siyempre hindi namin ito pinakita sa iba. Ang aming pinansiyal na kalagayan ay aming business with the Father, at hindi ng ibang tao. Ang tanging rason kung bakit sinulat ko ito ay upang maging testimonyo sa kung paano kumikilos ang Ama para sa Kaniyang mga anak. Sa labas, lahat ay okay. After all, sabi ni Jesus, kung ikaw ay mag-aayuno, huwag mong punitin ang iyong damit, lagyan ng abo ang ulo at sirain ang mukha upang makita ng lahat- iyan ay pribado sa pagitan mo at ng Ama. Sa halip, maligo ka at mag-ayos dahil ang tanging matang dapat makakita ay ang Ama. 

Ngunit sa loob ng pamilya, pinag-uusapan namin kung paano mag-survive; dumating sa puntong minungkahi ni misis kung babalik ba siya sa abroad. Unanimous ang desisyon ng pamilyang hindi na. Ngunit kailangan ang drastikong mga hakbang kung ayaw na naming umalis si mommy para makadagdag sa budget. 

Dito kuminang nang lubos ang biyaya nh Diyos. Gaya nang nabanggit, dahil sa suspensiyon ng klase, nabawasan ang aming gastos. At sa unang pagkakataon, dumami ang ani sa aming kalamansian sa buwang ito at kahit kasagsagan ni Kristine, nakakaani at nakakapagbili ng kalamansi kaya nagkaroon ng panggastos sa araw na iyon. Literal na wala kaming kakainin kung hindi makaani kaya malaki ang aming pasasalamat sa Diyos na maraming bunga ang mga kalamansi. Ang nakakatuwa ay nang tapos na ang Kristine, at nagsimula nang pumasok ang pera, tumigil na rin ang ani ng mga kalamansi. Hindi ko maiwasang maisip ang kwento ng babaeng balo sa Lumang Tipan na inutusan ni Eliseong manghiram ng lalagyan sa mga kapitbahay upang may paglalagyan ng lanang maibebenta. Ayon sa Kasulatan, hindi tumigil ang buhos hangga't hindi napupuno ang mga lalagyan; iyon ang kanilang ginamit upang bayaran ang mga utang at mabuhay sa matitira. Araw-araw, literal kaming nag-aabang sa probisyon ng Diyos. God is good!

Nakahiram din ako sa aking kapatid ng pera na pinangako kong babayaran nang pakonti-konti. Salamat sa Diyos at dalawang katlo na ang aking nabayaran. Nakita ko rin ang generosidad ng aking mga in-laws; napakaswerte ko sa aking mga biyenan. Pinahiram nila kami at pinadalhan ng mga libreng gulay at niyog na nakabawas sa aming gastos sa pagkain. Doon ko nalaman na may hiraman na rin pala ng feeds ng baboy na nagaganap; kung wala ang aking hipag, mamamatay sa gutom ang aming mga inahin at mga pinalalaking baboy. Buhay ang Diyos at kumikilos sa aking kapatid at sa aking mga in-laws. Kahit nga yung tagapag-ani ng kalamansi ay nag-alok na magpautang kung kakapusin ng pera. Napagtanto kong kung tatratuhin mo nang may kabutihan ang iyong kapwa, iyon din ang ibabalik nila sa iyo. 

Nang tapos na ang bagyo, saka dumating ang inaasahang pera na sinabayan pa ng sweldo. Sa wakas, paunti-unting mababayaran ang mga utang at bills. Napaayos ang motor at napaandar muli. Bumaba nang halos kalahati ang bill sa kuryente at naibaba sa minimum ang bayaran sa tubig- malaking bawas ang mga ito sa gastos! May mga bayarin sa paaralan na naalis dahil suspendido ang mga ito. Nakabili ng kandila at groceries bilang paghahanda kay Bagyong Leon (buti na lang at hindi kami direktang naapektuhan). Alam kong sa susunod, ang ipapadala ng Diyos ay pamparehistro ng motor at hulog sa SSS at iba pang buwanang obligasyon. 

Bakit ko ito sinulat? Dahil gusto kong patotohanan ang sinasabi ni Santiago:

Santiago 1:2 Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso;3 Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.4 At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan.

Ito ang leksiyon namin sa Dahat at nabigyan agad kami ng object ang practical lesson. Isang bagay ang may academic understanding ng pasahe; ibang bagay ang panghawakan ito upang gamitin sa araw-araw. Madali para sa aming magpanik; sa halip, pinili naming magtiwala sa Diyos. Sabi nga ni Misis nang kami ay nagmomotor papuntang iskul bago ang suspensiyon ng klase- God is good all the time. Malalagpasan natin ito at ibilang na kagalakan dahil magreresulta ito sa pagtitiis at kasakdalan. Binalik sa akin ni misis ang aking sariling sermon. Ang sabi pa niya, kahit anong mangyari dapat may pang-offering tayo sa simbahan. Mas malaki pa ang pananampalataya niya sa akin! Magtitipid daw kami at magtatanim at iiwan sa Diyos ang lahat. Amen!

Hindi ko alam kung ano ang inyong pinagdaraanan ngayon. Kung makatulong ang blog na ito na maharap ninyo ang inyong pinagdaraanan, salamat sa Diyos. Isa lang ang aking tiyak- God is good kahit Oktubre. Ano man ang inyong Oktubre, ano man ang inyong "kawalan," ang probisyon ay nasa isang Persona- ang Diyos sa Persona ni Jesucristo. Siya na binigay ang Kaniyang Anak para mamatay sa krus sa pagbayad ng ating mga kasalanan, paanong hindi Niya ibibigay ang lahat ng ating kailangan ngayong hindi na Niya kailangang isakripisyo muli si Jesus? God is good all the time, kahit Oktubre!


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay