Diyos ang hahatol sa mga nasa labas



1 Corinto 5:12 Sapagka't ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob?13 Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.

Sa 1 Corinto 5, nasa kamay ni Pablo ang malungkot ngunit kinakailangang desisyon patungkol sa nabalitaan niyang kapatid na kinakasama ang asawa ng kaniyang ama. Sa halip na hukuman ng mga kapatid at alisin sa asembleya ang masamang halimbawa, nagmamataas pa ang kapatiran sa inaakala nilang pagiging "open-minded." Ang mga sumunod na pananalita ay patungkol sa kaniyang hatol na itiwalag ang nagkasalang kapatid hanggang sa siya'y manumbalik at ito ang ginawa niyang basehan sa doktrina ng separasyon. Ang kakatwa sa kaniyang turo ay kabaligtaran ito ng madalas na gawin ng mga Cristiano. Sa halip na humiwalay at huwag makisama sa mga nasa labas (hindi mananampalataya), sinabihan niya silang huwag makisama sa mga nagkasalang kapatid. Marahil tumutukoy ito sa pagtitiwalag o maaaring tumutukoy ito sa pag-ali ng pribilehiyo gaya ng ministri at pista ng Panginoon. Ngunit ang dahilang binigay niya ay napakapraktikal- ang humiwalay at hindi makisama sa mga hindi mananampalataya ay nangangahulugan ng pag-alis sa sanlibutan dahil kontrolado ito sa ngayon ng mga hindi mananampalataya. Sa halip tinutukoy niya ang paghiwalay sa mga kapatid na nasa kasalanan dahil ang kaunting lebadura ay makasasama sa masa- huwag na silang hayaang makahawa pa. 

Ngunit kabaligtaran ang ating ginagawa. Mas madalas pa nating hatulan ang mga nasa labas na tulad nang nangangaral sa mga nasa choir. Imbes na ihayag ang pagtutol sa harap mismo ng mga hindi mananampalataya gaya nang ginagawa ni Pablo sa Gawa, binabatikos ang mga ito sa harap ng mga taong dati nang kumbinsido sa kanilang kamalian at sa katamaan ng inyong posisyun. Ang resulta ay hindi pagkatuto kundi reinforcement ng bias. 

Sa tingin ko mas matututo ang ating mga miyembro kung tututok tayo sa masusi at maingat na eksposisyon ng Kasulatan. Kung gusto mong tuligsain ang ibang relihiyon, gawin mo ito sa kanilang harapan, dahil sila ang nangangailangang makarinig nito. Ang pagtuligsa sa ibang relihiyon sa harap ng sariling miyembro ay isang uri ng religious posturing- ang pagsisigurong ikaw ay tama dahil sa kamalian ng iba. Ito ay pagtuturo sa choir. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay