Tinapay at saro
1 Corinto 11:23 Sapagka't tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;24 At nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito'y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.25 At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin.26 Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
Banal na Hapunan na naman bukas. Kada ikatlong buwan sinasagawa sa aming simbahan ang Banal na Hapunan. Gusto ko sanang mas madalas ngunit kinikilala natin ang lohistikang kasama sa pagbili ng mga elemento ng Hapunan at kinakailangang pagsusuri sa sarili ng mga lalahok.
"Sapagka't tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo." Ang Banal na Hapunan ay personal na tinanggap ni Pablo mula sa Panginoon. Hindi niya ito tinanggap mula sa mga apostol o kanino man kundi direkta mula sa Panginoon. Ang kaniyang tinanggap ay binibigay niya naman sa mga taga-Corinto.
"Na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; At nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito'y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin." Ang direktang rebelasyon ni Cristo kay Pablo ay kapareho ng kwentong makikita sa apat na Evangelio na nagpapakitang ang Espiritu ang May-akda ng lahat ng Kasulatan. Bagama't hindi siya umasa sa ibang manunulat ng Kasulatan ang kaniyang bersiyon ay koroborasyon sa sinulat ng iba. Ikinuwento niya kung paano ang pinagputol-putol na tinapay ay ang katawang pinagputol-putol para sa mananampalataya. Ito ay metapora at hindi literal na pagkonsumo ng katawan ni Cristo. Hindi tayo mga kanibal. Matapos pasalamatan sa panalangin ito ay kinain at dapat itong gawin sa pag-alala kay Cristo na binigay ang katawan sa Krus upang dalhin ang kasalanan ng buong mundo.
"At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin." Ang sunod na elementong tinalakay ng Panginoon ay ang saro. Oo, ito ay tunak na alak, hindi juice. Ang saro ay ang bagong tipan sa Kaniyang dugo. Samakatuwid ang Bagong Tipan na magiging functional sa Milenyo ay natatag ng dugo ni Cristo. Ito rin ang basehan ng kapatawaran ng ating kasalanan na isang kailangan upang ma-enjoy ang Bagong Tipan sa Milenyo. Wala pa tayong Bagong Tipan ngunit sa sandaling ito ay ipatupad tayo ang ministro nito gaya ng sinabi ni Pablo sa kabanata ikatlo ng epistula. Ang Kaharian at ang Kaligtasan ay parehong naging posible dahil sa nabubong dugo ni Cristo sa krus o sa humahaliling espirituwal na pagkamatay ni Cristo.
"Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya." Gaano kadalas natin dapat kainin at inumin ang tinapay at ang saro? "As often as we can." Bakit kailangang makiisa ng mga Cristiano sa Hapunan? Sapagka't ito ay pagpapahayag ng 1. Pagkamatay ni Cristo, isang pagpapahayag na nagpapatuloy hanggan sa Kaniyang pagbalik; 2. Ito ay pagpapahayag ng pananampalatayang Siya ay muling babalik (may isang saro pa Siyang pinangakong inumin sa Kaharian); 3. Ito ay pagpahayag ng pagkakaisa ng mga Cristiano sa iisang Katawan at binuo ng iisang Dugo.
Nawa suriin natin ang ating mga sarili kjng tayo ay karapatdapat para sa tinapay at saro. Una, tayo ay mananampalataya. Pangalawa, tayo ay nagkumpisal ng ating mga kasalanan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.
Comments
Post a Comment