Non-denominational Church

 


Ano ba ang non-denominational church at ano ang bentahe nito?

Ang non-denominational church ay isang simbahan na hindi bahagi ng isang denominasyon o ng isang partikular na tradisyong Cristiano. Samakatuwid ang isang Cristianong miyembro ng non-denominational church ay hindi identified bilang Baptist o Presbyterian o anupamang tradisyon kundi isang Cristianong independyenteng miyembro ng kaniyang simbahan. 

Ano ba ang bentahe at disbentahe ng pagiging non-denominational?

Ang pinakamalaking bentahe ay ang kalayaang mag-aral at magturo nang ayon sa konsekwensiya. Dahil hindi siya bahagi ng anumang tradisyon, hindi niya kailangang limitahan ang kaniyang sarili sa kung ano ang tanggap na turo o gawi ng kaniyang denominasyon. Malaya siyang tanggapin at itakwil ang anumang aral ayon sa takbo ng kaniyang pag-aaral ng Biblia. 

Ang ikalawa ay ang kalayaan sa pamamahala ng kaniyang simbahan. Hindi niya kailangang komunsulta sa kung kanino kung anong pagbabago sa pamamahala ang pwede niyang gawin. Sa ibang denominasyon, may partikular na metodo ng pagbabautismo o pagsasagawa ng Banal na Hapunan. Ang isang non-denominational ay walang restriksiyon. Malaya siyang magpakilala ng mga inobasyong sa kaniyang tingin ay makatutulong sa mga Cristiano. 

Ang ikatlo ay insulasyon laban sa heresiya o liberalismo na kumakain sa isang denominasyon. Ilang denominasyon ang yumakap sa liberalismo at ang mga simbahang miyembro ng denominasyon ay kailangang mamili kung susunod o aalis? Ilang Cristiano ang iniwan ang kanilang denominasyong yumakap sa woke theology? Dahil independyente ang isang non-denominational, mabagal ang pagkalat ng heresiya sa mga non-denominational. 

Ang ikaapat ay ang pag-iwas sa guilt by association. May mga denominasyong nasadlak sa eskandalo at dahil ang simbahan ay bahagi ng denominasyon, kahit inosente ay nadadamay sa isyu. Ang isang non-denominational ay malinis ang konsensiyang makapagsasabing hindi kami kasali sa isyung iyan. Labas kami diyan. 

Mayroong ding mga disbentahe. Una ay ang kakulangan ng social at technical support. Maraming denominasyon ang nagbibigay sa kanilang mga miyembrong simbahan ng mga tulong teknikal at sosyal. May komunidad ng kaparehong paniniwala na pwedeng takbuhan ng isang denominational Christian. Walang ganito ang mga non-denominational. 

Ikalawang disbentahe ay sa isyu ng paglilipat ng simbahan. Ang lahat ng miyembro ng isang denominasyon, kung masunurin ang ministro, ay may iisang kredo at gawi na sinusunod. Samakatuwid kung ikaw ay Cristianong naglalakbay, maaari mong hanapin sa iyong lugar na pinuntahan ang alin mang simbahang miyembro ng iyong denominasyon at makasisiguro ka ng parehong turo. Ang mga non-denominational ay indepenyente sa aral kaya kailangan mong suriing isa-isa ang bawat simbahang iyong pupuntahan. 

Ikatlo ay kawalan ng check and balance na maaaring maging dahilan ng pagkahulog sa heresiya. Kung ang isang denominasyon ay konserbatibo at kung ang pamahalaan nito ay may ngipin, maaari nitong disiplinahin o idisfellowship ang isang miyembrong yumakap sa heresiya. Dahil independyente, walang ganitong sistema sa mga non-denominational. Kapag ang non-denominational ay yumakap sa heresiya, walang ibang awtoridad (walang synod o denominational leaders) na maaaring dumisiplina sa kaniya.

Ikaapat ay ang isyu ng identity. Kahit sino ay alam kung sino ang Baptist o Presbyterian o Pentecostal. Mayroon silang mga distinktibong pagkakakilanlan na alam ng lahat. Ngunit ang mga non-denominational ay may kaniya-kaniyang identidad. Dahil dito kailangang ipakilala ng mga non-denominational ang kanilang sarili sa generikong pangalan na Christian o Bible believer na madalas magresulta sa karagdagang pagtatanong kung anong relihiyon ito at anong pagakakaiba sa mas tradisyunal na denominasyon. 

Mayroong bentahe at disbentahe ang denominational at non-denominational Christianity. Kung tatanungin ako lamang oa rin ang non-denominational dahil na rin sa kalayaang mag-aral at magturo. Anumang kakulangan nito gaya nang apat na nabanggit ay maaaring matugunan sa pagsali sa mga lokal na asosasyon at kumpederasyon. Sa mga asosasyong ito, maaari kang makakuha ng suporta, rekomendasyon sa simbahang dadaluhan, limitadong check and balance at identidad. Masayahan nawa tayo sa anumang uri ng simbahang ating dinadaluhan. Ang mahalaga ay lumago tayo sa anumang simbahang ating kinaaniban. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay