Maling Sagot sa Pagsubok ng Buhay

 


Katatapos pa lang ng unang markahang pagsusulit at siyempre kasunod nito ang pagtsek ng papel. Masaya sa pakiramdam kapag mataas ang marka na nakukuha ngga estudyante bagama't minsan mapapakamot ka sa ulo kung paanong ang isang napakadaling tanong ay hindi nila nasagot. Mga tanong na napakadali at dapat ay alam ng lahat (common knowledge) ngunit mali ang sagot. Gaya ng, "Sino ang pambansang bayani ng Pilipinas?" At ang sagot ay Andres Bonifacio. O kaya ay "Ano ang pangalan ng tatlong paring martie?" At ang sagot ay MAJOHA sa halip na GOMBURZA. Hindi ko layon sa blog na ito na pagtawanan ang mga estudyanteng nagsisikap sa abot ng kanilang makakaya na makuha ang tamang sagot kundi ang gumawa ng pagkukumpara sa mga Cristiano. Minsan napapakamot tayo ng ulo sa mga Cristianong paulit-ulit na ginagawa ang alam nilang (at alam ng lahat, kahit ng mga hindi nag-aaral ng Biblia) kasalanan.   

Kawikaan 30:33 Sapagka't sa pagbati sa gatas ay naglalabas ng mantekilya, at sa pagsungalngal sa ilong ay lumalabas ang dugo: Gayon ang pamumungkahi sa poot ay naglalabas ng kaalitan.


Pagsisinungaling, pangangalunya, pakikipag-basag-ulo- ang mga ito ay gawaing kahit hindi nag-aaral ng Biblia ay alam na hindi marapat sa nagpapakilalang Cristiano. Ngunit marami tayong kapatid na paulit-ulit na ginagawa. Ang pagbati ng gatas ay naglalabas ng mantekilya. Iyan ay kumon na kaalaman. Ganuon din na ang pagmumingkahi sa poot ay naglalabas ng kaalitan. Alam nating ang kasalanan ay nagreresulta sa disiplina ngunit ginagawa pa rin natin. 

Hindi ko tinutukoy ang mga lugal na nasa abong lugal (grey areas) kung saan ang bawat isa ay may karapatang makinig sa sinasabi ng kaniyang konsensiya kundi sa mga depinidong bawal at dapat gawin. Alam na nating bawal sa Kasulatan ngunit ginagawa natin, sa ngalan ng "It feels good." O kaya ay "Wala namang nasasaktan kundi ako lamang." Hindi totoo iyan dahil hindi lahat ng maganda sa pakiramdam ay nakabubuti sa katawan. Maraming masarap sa pakiramdam na nakakasama sa atin. Tanungin ninyo ang mga durugista. At hindi totoong tayo lamang ang nasasaktan sa ating kasalanan. Ang mga tao sa paligid natin, lalo na ang ating mga anak, ay apektado. Ang pinakamasamang maaaring mangyari ay gayahin tayo ng ating mga anak dahil, "Si Mama nga rin." Tayo pa ang nagdala sa ating mga anak sa kasalanan. 

Nagigi pa tuloy tayong tampulan ng tukso ng ibang hindi mananampalataya, at minsan ay maging ng ibang mananampalataya. Palibhasa ang ating kaligtasan ay sa biyaya lamang at hindi gawa o repormasyon ng ugali, minsan ginagamit natin itong lisensiya sa kasalanan. At ang mga hindi mananampalatayang nagsisikap na pagtrabahuhan ang kanilang kaligtasan ay laging nagmamasid at kapag nakita tayong nahulog muli sa kaparehong kasalanan ay tila mga buwitreng nag-aabang, "Iyan ang mga Cristiano. Pananampalataya lang daw kaya kahit mangangalunya ka okey lang." Nawawalan tayo ng testimonyo sa mga hindi mananampalataya. Nakalulungkot na maraming beses mas moral pa ang hindi mananampalataya kaysa sa atin. Ilang Cristiano ang ayaw ninyong maging kapitbahay dahil bagama't siya ay ligtas at tutungo sa langit, ang kaniyang buhay ay puno ng gulo at kasalanan? Mas mabuti pa ang hindi mananampalatayang nagtatrabaho para sa kanilang kaligtasan at mga moral at modelong miyembro ng lipunan. 

Sumabay pa ang ilang legalistikong Cristiano. Oo ligtas, ngunit walang biyaya sa buhay. Masakit sa aking makarinig, "Iba kasi ang pagka- Cristiano natin. Ang simbahan ninyo ay bulok. Kahit magkasala nang magkasala okey na." Hindi tama ang kaniyang panghuhusga ngunit sa totoo lang hindi mo rin siya masisisi kasi hindi naman talaga nagbibigay ng kumpiyansa ang ating mga buhay. Sa halip na maliwanag na ilawan, tanglaw sa gabing madilim, ang ating buhay ay aandap-andap na gasera na isang marahang ihip lang ng hangin ay handa nang mamatay ay mabalot ng dilim. 

Maging intensiyonal nawa tayo sa ating pamumuhay. Mamuhay tayo sa paraang hindi tayo makapagdadala ng dungis sa magandang pangalan ng ating Diyos. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay