Magandang simula ngunit pangit na katapusan



Galatia 5:7 Nagsisitakbo kayong mabuti nang una; sino ang gumambala sa inyo upang kayo'y huwag magsisunod sa katotohanan?

Siya si Saul. Siya na ang perpektong lider- sa panlabas na paningin ay makisig, siya ang pinakamatangkad sa buong Israel, 1 Sam 9:2. Bukod diyan galing siya sa magandang pamilya, may mga hayop sila at alila, 1 Sam 9:3-4. Bukod diyan siya rin ay marunong makinig sa payo ng iba, kahit hindi niya kapantay mg estado, 1 Sam 9:6-10. Nakikinig din siya sa propeta ng Diyos, 1 Sam 9:17-27. Malinaw din na kasama niya ang Diyos sa pagtatanggol ng bansa, 1 Sam 10. Kahit sino ang iyong tatanungin, sasabihing siya at ang kaniyang dinastiya ang dapat maghari sa bansa. 

Ilang taon ang nakalipas at ito ang nangyari:

1 Samuel 13:13 At sinabi ni Samuel kay Saul, Gumawa kang may kamangmangan; hindi mo ginanap ang utos ng Panginoon mong Dios na iniutos niya sa iyo: sapagka't itinatag sana ng Panginoon ang kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.14 Nguni't ngayon ay hindi matutuloy ang iyong kaharian: ang Panginoo'y humanap para sa kaniya ng isang lalaking ayon sa kaniyang sariling puso, at inihalal ng Panginoon siya na maging prinsipe sa kaniyang bayan, sapagka't hindi mo ginanap ang iniutos ng Panginoon sa iyo.

Anong nagyari? 

Sa pagitan ng dalawang kabanatang ito, 1 Sam 9 at 13, maraming naging pagbabago kay Saul. Mula sa mapagkumbabang bagong hari (basahin muli ang kabanata 9 at 10) dumating siya sa puntong hindi niya "ginanap ang iniutos ng Panginoon." Marahil ang kaniyang mga tagumpay laban sa kaniyang mga kaaway ay pumasok sa isipan. Nang maharap siya sa isang superyor na kalaban, sa halip na magtiwala sa Panginoon, inisip niyang kailangan niyang lumaban sa kaniyang lakas at ayon sa kaniyang pagtataya, walang tsansang siya ay manalo. Ayaw niyang mamatay nang hindi tama sa harap ng Panginoon kaya nagdesisyon siyang sulutin ang gawaing nakalaan lamang sa mga pari/propeta- nag-alay siya ng handog na susunugin. Hinayaan niyang pagharian siya ng takot at pagmamapuri at ginawa ang isang bagay na hindi siya tinawag sa halip na gawin ang utos sa kaniya- maghintay sa pagdating ni Samuel. 

Ecclesiastes 4:13 Maigi ang dukha at pantas na bata kay sa matanda at mangmang na hari, na hindi nakakaalam ng pagtanggap ng payo pa.

Nakalimutan niyang makinig at ginawa niya ang kaniyang sariling awtoridad sa kaniyang sariling buhay. Nagsimula siya nang maganda ngunit malungkot ang kaniyang katapusan (napakalungkot ng 1 Sam 31). 

Ilan sa atin ang kagaya ni Saul? Nagsimula nang maganda ngunit nasa puntong kung wala tayong gagawin ay maaaring magtapos nang hindi maganda? Nagsimula tayong punong puno ng kasigasigan ngunit sa kalagitnaan ay napagod. Nagsisitakbo nang mabuti sa una ngunit nagambala upang sumunod sa iba sa halip na katotohanan. 

Marahil ang gumambala o humadlang sa ating magandang takbo ay iba kay Saul- hindi kapalaluan o takot. Marahil ito ay isang kasalanan o liwag na pumipigil sa atin, Heb 12:1. Hindi natin matalikuran ang isang kasalanan dahil ito ay nagbibigay ng kasiyahan o ginawa nating pagkakakilanlan ang kasalanan ala woke. Ang resulta ay napipigil o nahahadlangan ang ating takbo. 

O marahil natisod tayo sa isang kapatid, Mat 18:6. Sa halip na ituon ang paningin kay Cristo na May-Akda at Tagasakdal ng ating pananampalataya, gaya ni Pedro, tumingin tayo sa paligid at nagsimulang lumubog sa paglakad. Hinayaan nating ilayo ng ibang tao sa ating lakad sa Diyos. Maganda ang ating takbo sa pasimula ngunit natalisod, Rm 14:15, 20, 21, sa mga kapatid. 

O marahil hinayaang nating mabalot ng kapaitan ang ating puso, Heb 12:15. Sa halip na mapuno at patibayin ng biyaya ang puso, hinayaan nating mapuno tayo ng kapaitan. Binigyan natin si Satanas ng daanan. At mula rito lumikha siya ng moog na laban sa pagpapasakop kay Cristo. Nilason niya ang ating isipan at pinasunod sa kaniyang gusto gaya ng ginawa kay Ananias. 

Hindi mahalaga kung ano ang dahilan. Ang mahalaga ay ingatan natin ang ating hakbang upang huwag tayong mabuwal. Isang malaking kalungkutan ang nagsimula tayo nang may kasigasigan, aktibo sa ministri at sa pag-aaral ng Biblia, upang lamang mapigil sa kalagitnaan. Ngayon, ni hindi na masumpungan sa simbahan. 

Gayahin natin si Pablo. 

2 Timoteo 4:7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya.

Tinapos niya ang kaniyang takbo. Marami siyang pinagdaanan. Maraming tao ang kumalaban sa kaniyang ministri at maraming pangyayari sa kaniyang buhay na ang mas mahinang lalaki ay susuko na. Naging intensiyonal siya sa kaniyang pagtakbo.

1 Corinto 9:24 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni't iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo.25 At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong walang pagkasira.26 Ako nga'y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako'y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:27 Nguni't hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil.

Lahat ginawa niya upang makatakbo nang may pagpipigil, sa paraang ayon sa alituntunin ng laro, nang hindi nakikipagsapalaran, nang ang habol ay gantimpala, isang putong na walang pagkasira. 

Filipos 3:12 Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.

Tinuon niya ang kaniyang isipan kay Cristo, Heb 12:1-3. Ang hakbang niya ay may layon, intensiyonal, hindi basta-basta, hindi pakikipagsapalaran. Siya ay nagtutumulin sa hangganan. 

Kung ikaw ang nilalarawan dito. Nagsimulang maganda ang takbo ngunit sa kalagitnaan ay napipigilan, hindi pa huli ang lahat. Maaari kang bumalik sa takbuhan at magsikap naamuhay nang nakaluluwalhati sa Diyos. Hangga't buhay tayo, may pagkakataon pa tayong bumalik nang bumalik. Gaano man tayo kalayo sa Diyos, ang hakbang pabalik ay isa lamang hakbang, 1 Juan 1:9.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.







Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2